FIONA's POV
"Hindi mo ba siya dadalawin?"
Nawala ang atensyon ko sa ginagawa. Nag-angat ako ng tingin at bahagyang nabigla nang makitang si kuya ito. Umiwas ako ng tingin sa kanya.
Bumuntong hininga siya at lumapit.
"Listen Fiona, naiintindihan ko ang nararamdaman mo pero nangako ka sa kanya at sigurado akong hinihintay ka niya."
Nanghihina akong napasandal sa kinauupuan ko dahil sa narinig. Tila bumalik sa utak ko lahat ng mga nangyari. Naging mabilis lahat ng pangyayari pero bakit ang sakit na nararamdaman ko ay tila hindi umuusad?
Bakit hindi nababawasan... Bakit hindi tila mas sumasakit pa?
Dahil ba sa hinihintay niya ako pero kung tutungo ako sa kanya at wawakasan ang paghihintay niya ay para ko na ring tinanggap na iyon na ang huli naming pagkikita.
"K-Kuya ang hirap... Hirap na hirap akong magdesisyon. Gusto kong tuparin ang pangako ko pero ang magiging kapalit naman nito ay ang pagtanggap kong-"
Hindi ko natapos ang sasabihin dahil agad kong naramdaman ang mainit na yakap sa akin ni kuya. Doon pa lamang ay bumigay na ako at malakas na humikbi.
"Sh, i understand. Hindi muna kita pipilitin pero gusto ko, alalahanin mo lahat... mula umpisa at tsaka ka magdesisyon... alam kong maiintindihan niya rin 'yon..." Malambing na bulong sa akin ni kuya.
Tumango ako sa sinabi niya at dahan-dahang kumalma. Humiwalay siya sa akin ng yakap at hinarap ako. Matamis na ngumiti sa akin si Kuya Echiro na mas nakapagpadagdag ng gaan sa aking kalooban.
Huminga ako ng malalim at pumikit.
Saan nga ba nagsimula lahat?
"Hoy woman bakit ka nakapikit?"
Agad akong napamulat ng mata nang makarinig ng boses. Tumama ang paningin ko sa isang batang lalaki. Kasing laki siya ng kuya Echiro ko.
"Kasi dinadamdama ko ang sariwang hangin." Sagot ko.
Pinagmasdan ko siya. May bilugang salamin siya sa mata at may hawak na libro sa kanang kamay.
"Weird." Aniya.
Napakunot ang noo ko sa narinig na sinabi niya. Tumayo ako mula sa pagkakasandal sa puno ng narra.
"Weird? Anong weird sa pagdama ng hangin, apat ang mata?"
Siya naman ang napakunot ang noo sa naging tanong ko. Dumiretso siya ng tayo at inayos ang salamin.
"Whatever."
Matapos niyang sabihin iyon ay naglakad siya paalis. Sinundan ko siya ng tingin.
Ako pa ang weird ha? Eh siya nga 'yun, bigla nalang sumusulpot.
"Fiona!"
Napangiwi ako nang marinig ang malakas na boses ni Kleyon na nagmumula sa likod ko. Hinarap ko siya at hindi na nagulat nang makitang wala na naman siyang suot na tsinelas.