CHAPTER 9: ALONE

297 15 0
                                    

Catrice's POV
Nang makapag-ayos ako ng sarili mula sa pagkakagising ay lumabas na ako ng kwarto ko. Medyo tinanghali na nga ako ng gising kasi maganda ang panahon kagabi. Panay ang ulan kaya malamig. Pagbaba ko ay dumiretso agad ako sa kainan para kumain ng almusal. May nakatakip ng ulam doon na tira ni Yuan at Yuna.

Sinilip ko ang ulam at nakita ko na longganisa 'yon. Nagtimpla muna ako ng kape ko bago ako kumain ng almusal. Nang matapos akong mag-almusal ay hinugasan ko na ang mga ginamit ko at umalis na ng kusina. Pero bago ako makaalis ng kusina ay napansin ko ang isang medyo malaking papel na nakadikit sa ref.

Nilapitan ko 'yon at binasa ang nakasulat. Si Yuan pala ang nagsulat at para sa akin ang sulat niya. Nakalagay lang sa sulat na nagmamadali siyang umalis kaya ako na raw ang magluto ng pagkain ko mamayang tanghalian at hapunan. Hindi raw niya alam kung anong oras siya makakauwi at biglaan yung naging lakad niya kaya hindi niya ako naipagluto ng pagkain ko. Pumunta raw siya sa birthday ng barkada niya para tumulong na isurprise 'yon.

Napahinga ako ng malalim. Alam naman niya na hindi ako marunong magluto ng kahit na ano. Kahit noodles nga hindi ko alam paano malalaman kung luto na. Takot akong humawak ng kalan! Baka mamaya masunog ko pa 'tong hacienda. Sana pala hindi ko inubos yung longganisa kanina para may reserba pa akong ulam mamayang tanghali at gabi. Buti ay may ilang prutas pa naman sa ref kaya 'yon na lang siguro ang pagtyatyagaan ko mamaya.

Dahil wala naman si Yuan ay hindi ko siya maayang gumala. Kaya naman para malibang ako kahit mag-isa lang ako ay maglalaba na lang ako ng mga damit ko. 'Yon nga ang ginawa ko kaya lang saglit lang din ay natapos na ako dahil kalalaba ko lang nung isang araw at konti lang ang marumi kong damit. Bumaba na lang ulit ako sa sala at nagtanggal ng konting alikabok.

Kalilinis lang kahapon ng dalawang taga-linis nila Yuan kaya wala naman gaanong kalat at alikabok. Habang naglilinis ako ay pinagmamasdan ko ang mga litrato na nakalagay sa magandang lalagyanan. May ilang litrato si Yuan at Yuna nung bata at magkasama. Tapos nandito rin ang picture nila nung grumaduate sila ng college. May picture din si Yuan na nakasuot ng pangsundalo.

Hindi kasi ako madalas gumawi rito at ngayon ko lang napagmasdan ang mga picture dito kahit na medyo matagal na ako rito sa hacienda. Mas marami yung family picture. Iba't ibang background at lugar. May mga ibang bansa pa nga.

Hindi ko tuloy maiwasan na hindi mapangiti. Minsan ko ring hinangad na magpunta sa iba't ibang bansa kaya nagpiloto ako. Marami na rin naman akong ibang bansang napuntahan dahil sa parehas piloto ang magulang ko. Madalas, kasi yearly 'yon, may libreng trip sa ibang bansa.

Nang manawa ako sa mga picture ay pumunta ako sa sala at nanuod ng tv. Nang pumatak na ang oras ng tanghalian ay napakamot na lang ako sa ulo ko dahil pati ang nag-iisang delata na sardinas ay hindi ko kayang buksan. Hindi kasi 'to easy open kaya hindi ko kaya. Pero dahil gutom na ako ay sinubukan kong buksan gamit ang kutsilyo dahil wala yata silang can opener dito.

"A-Aray!" May kalakasan kong sabi nang dumulas ang kamay ko at nahiwa ako ng kutsilyo. "Bwiset!" Inis kong sabi nang makita ko ang pag-agos ng dugo sa hiwa ko na medyo malalim at malaki.

Patakbo akong pumunta sa lababo at hinugasan ko ang kamay ko. "Ang hapdi!" Asik ko nang maramdaman ko ang kirot at sakit.

Sa halip tuloy na kakain na ako ng tanghalian ay naudlot pa. Pumunta ako sa kwarto ko pagkatapos para bendahan ang kamay ko ng panyo. Nang tumigil na sa pagdurugo ay doon lang ako bumaba at tinigilan ko na ang sardinas. Saging na lang ang kinain ko tuloy! May mansanas naman sa ref pero hindi ko mababalatan dahil sa masakit nga ang isa kong kamay.

Tulala lang ako habang kumakain ng saging. Ganito pala ang magiging buhay ko kung ako na lang mag-isa. Wala akong makakain na matino dahil wala akong alam sa gawaing kusina. Mamamatay ako sa gutom! Kailangan kong matuto magluto! Sana may taong magtyaga na magturo sa akin kung paano magluto. Kapag nangyari 'yon, tatanawin kong malaking utang na loob ang bagay na 'yon sa magtuturo sa akin magluto.

Rescue Me (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon