nang tinuldukan ang mga akala

17 2 0
                                    


Sumasayaw sa himno ng rumaragasang jeep ang ating balikat. Hinahayaan lang itong mag-untugan dahil sa pabago-bagong lubak ng binabagtas na daan.

Ramdam din ang kiskisan ng magkadikit na balat sa binti. Dilaw ang ating balat dala ng kulay kalawang na bombilya. 'Di hamak na mas mahaba ang 'yong hita, mas hubog, kumpara ng sa'kin. Sa court mo ba naman ilaan ang buong pagkabata. Pahinga ay kain, tulog, sabak muli. Doon na nga rin inaabutan ng kaarawan.

Ang tunog ng humaharutot na tambutcho ay pagsapaw sa mga pasaherong nais nang bumaba. May ingay ring hatid ang mga bakal na parte ng sinasakyan. Mas malakas, kumpara sa nabubuong tanong sa isip.

Binabaliwala lang ang naiisip kung walang basehan. Mabilis kong naisalikop ang palad ko sa'yo. Ang reaksyon mo ay hindi sa inaasahan. Isiniksik sa pagitan ng hita ang kamay nang hindi makita ng mga kaibigan. Namilog ang mga mata sa'king biglaang ginawa. Imbis na hiya sa kanila ay pagkahiya sa'yo ang natamo. Ikinalas ang palad. Ipinatong nalang sa hita nang walang mapaglagyan. Iniwas ang tingin. Kahit na malayang nakadadaloy ang malamig na hangin sa bukas na bintana, sa kahihiyan, pakiramdam ay hindi makahinga. Ikaw na mismo ang nagbalik sa'king kamay sa dati nitong pagkasalikop sa'yo. Tumriple ang tibok ng puso. Gustong kumawala ng pintig. 'Di na kailangang lingunin. Baka mahagip ng tingin ang namumuong luha. Hinila ko paalis ang kamay. Umusog nang bahagya at nagbigay ng pagitan.

Hindi tiyak kung dulot lamang ng pagkagulat o ng bigat na tangan. Itinanggi mo ang aking lakas ng loob. Sa daan-daan mong mga dahilan, walang lugar ang aking ngalan. Parating takot ang pinaiiral, parating duwag na malaman. Magkakaroon ba ang mga ito ng halaga sa huli, kung kailan sarili nalang ang makatatagpuan?

Umingay. Nabuhay ang mga pagal na sila. Humilera sa ingay ng jeep ang biglang halakhakan. At sa tainga, ramdam ang 'yong hininga. Katamtaman ang lakas para malinaw na marinig.

"Sorry...." Napapikit nang mariin. Sinubukang itulak pabalik ang luha. Hindi tama ang lugar ng pag-iiyakan. Maling pagkakataon para kainin ng emosyon.

Huminto ang sasakyan sa gilid. Pinaulanan ng tingin ng mga kasama. Bago makababa, narinig muna ang mga paalam at salitang pagpapaalala.

Ang layo pa ng lugar kung tutuusin. Saan na nga ba ito? Lumabo ang mata sa luha nang sinubukang kilatisin ang establishinento sa malapit.

Bago humakbang, may tumawag sa pangalan. Malalim ang boses, garalgal. Kilala na ito kung kanino. Nanghina ang katawan.

Pinihit ang ulo para tignan. Tuluyang kumawala ang luha. Diretso ang 'yong pagkakatayo. Sa'yong gilid, si Eve. Nakakapit ang mga kamay sa braso mo.

Napamura muna sa hangin bago dali-daling inilapat ang kuyom na kamao sa'yong mukha. Ang sa'kin lamang, itigil na natin. Walang nabuo sa tatlong taon na pagkakaila. Bukas ang mga braso kang tinanggap ngunit ang sukli, paglilihim. Pinaramdam mo sa'kin na hindi ako ang taong maipagmamalaki. Kaya kainin mo ang mga suntok na ito.

Hindi ka gumanti o umamba manlang kahit putok na ang 'yong labi. Namantsahan ang puting pang-itaas ng dugo. Ang takot sa mukha ni Eve kung paano kita lamugin. Hanggang sa matagpuan na lamang kitang nakasandal sa gulong ng pulang sasakyan. Nagmamakaawa na ang babaeng itigil. Napagod ako, pati sa mga bagay na ibinigay ko sa iyo. Nakakapagod kang mahalin.

"Masaya ka na? Ayos na ba tayo?" Hinihingal ka. Hinahabol mo ang hangin. Humalo ang luha sa'king pawisang leeg.

Wala akong narinig. Wala akong tugon. Batid mo naman na. Hindi na tayo magkakaayos.

Idinampi mo ang hinlalaki sa labi. Basa. May dugo. Pati ang kilay.

"Iuwi mo na siya, Eve."

Kung dapat ay may pinanggagalingan ang mga salitang sinambit, hindi dapat sa'kin iyon. Ang dating sa'kin, ang responsibilidad ng pag-asikaso sa'yo. Kusa na kitang sinusuko. Pinagod mo ako nang husto sa lahat ng bagay.

Si Eve, sapo ang 'yong braso. Marahan kang iniangat. Tuhod ay nanlabot. Umiika. Sinukbit ang braso sa balikat upang umalalay.

Agad kayong tinalikuran. Wala tayong naging paalam. Hindi na mahalaga. 'Di kayang tanawin ka nang matagal.

Binagtas ang maalong daan. Madilim. Hindi tukoy ang bawat hakbang. Mabilis ang takbo kahit 'di alam kung saan tutungo. Makasarili akong iwanan kayo sa gitna ng kawalan. Ngunit, mas makasarili ka dahil ni minsan'y 'di mo itinuring na totoo ang aking nararamdaman.

Matulin ang takbo ng mga sasakyan. Mas mabilis sa paglagapak ng aking katawan sa kalsada. Tumama ang ulo sa semento. Nahilo. Kitang puno ang langit ng mga bituin, bago ipinikit ang mata. Sinakop ng dilim. Sa sarili, para hindi ka na makita pa.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Mar 14, 2022 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

sa mga akalang nanatiling akalaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon