Butterfly

35 3 34
                                    

Pinunasan ko ang butil-butil ng pawis na namuo sa aking noo gamit ang likod ng aking kamay.

"Oh Ramuel, bilisan mo d'yan at madami ka pang bibitbitin! Ang bagal bagal mo!" sigaw sa akin ng aking boss.

"O-opo, boss!" nahihirapang sagot ko naman bago kinuhang muli ang ibinabang mga kahon. Nagbubuhat kasi ako ngayon ng tatlong kahon at tina-transfer sa isang truck. Mga mamahaling produkto ito kung kaya't ingat na ingat din ako sa pagbubuhat.

"Pagkatapos n'yo d'yan ay agad kayong pumunta sa opisina para makuha ang suweldo n'yo."

"Yes, boss!" sagot naming lahat na part-time workers.

Ang ilan sa amin ay mga working students at ang iba naman ay mga nagtatrabaho na talaga at naghahanap ng mga trabahong tulad nito na madali lang makapasok.

Kinuha ko ang aking lalagyan ng tubig at uminom dito. Hindi na ako nag-abala pa na maghugas ng aking kamay at pinunasan ang aking noo na puno ng pawis. 

Hingal na hingal ako dahil ang daming mga box na kailangang i-transfer at saka iilan lang din kami ngayon. Mas mabuti na rin 'yon at mataas-taas din ang makukuha kong suweldo.

"Ramuel! Naghahanap ka pa rin ba ng part-time job?" tanong sa akin ng aking kaibigan na dito ko rin nakilala pagkalapit n'ya. Katulad ko ay working student din s'ya, iba nga lang kami ng pinapasukang eskuwelahan.

Tumango ako, "Oo, Wilson. Nung kahapon ay 'di ako natanggap dahil hindi ayon sa schedule ko sa school. Bakit? May nakita ka bang hiring ngayon ng mga working student?"

"Oo! Nang makita ko nga kaagad ang hiring poster ay ikaw ang naisip ko. Sa gabi ka lang magtatrabaho hanggang madaling-araw, pero okay lang ba 'yon sa schedule mo?"

"Talaga? Oo naman! Anong trabaho ba 'yan?" tanong ko. Okay lang naman sa akin na magtrabaho hanggang madaling araw, basta't may nakukuha akong suweldo araw-araw ay okay sa akin upang may pangtustos kami.

Aaminin ko, sobrang pagod na pagod na ako pero wala akong oras para mapagod at magpahinga ng matagal dahil 'di naman kami mayaman. Mabuti na lamang at natanggap ako sa isang magandang eskuwelahan bilang isang scholar kung kaya't wala kaming binabayaran except sa mga miscellaneous fees na kailangan kong pagtyagaan upang mabayaran.

"Waiter, at take note! Sa isang mamahaling restaurant! Nako! Siguradong akong malaki ang kita d'yan, ngunit mahirap makapasok. Sigurado ka bang okay sa'yo?"

Wala namang masama kung susubukan ko. May experience na din naman ako sa pagwa-waiter kaso nga lang ay nalugi ang kainang 'yon kaya napilitan silang tanggalin kami.

Napaisip ako kasi kung tatanggapin ko 'to, wala na akong masyadong oras para sa paggawa ng mga plates ko. Bahala na, kakayanin ko 'to, at saka 'di pa naman sigurado kung makakapasok talaga. Ngumiti ako, "Oo naman, ako pa! Kahit anong trabaho pa 'yan susuungin ko 'yan!"

"Naks naman! Oh sige, at bibili muna ako ng tubig sa tindahan," paalam n'ya.

Tumango ako, "Sige. Maraming salamat nga pala, Wilson," sabay ngiti ko. Tinanguan n'ya ako kung kaya't umalis na s'ya. Mayroon ng part-time job na pinapasukan si Wilson kaya nirerecommend n'ya sa akin ang trabahong 'to.

Matapos kong magpalit ng damit ay pumunta kaming lahat sa opisina ni boss para makuha na namin ang suweldo ngayong araw.

"Thank you, boss!" may ngiti kong pagpapasalamat.

Butterfly KissesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon