Ang Multo sa salamin!

447 6 3
                                    


Napahinto si Vita nang nasa pasilyo na patungo sa CR. May kakaiba syang naramdaman. Gayung nag-iisa'y parang may nakamasid sa kanya. Parang sinusubaybayan ang bawat galaw nya.

Magdadalawang linggo pa lang sa trabaho si Vita. Sya ang pumalit sa secretary ni Mr. Dizon na si Necy na nag-abroad na raw. Maliit na kumpanya lang ang Dizon Printing Company, mahigit 30 katao lang ang nasa production.

Sa mga pagkakataon na nag-o-overtime si Mr. Dizon ay kailangan ding mag-overtime ni Vita. Kailangang naroon lang sya para sa anumang pangangailangan ng kanyang boss.

At mabait namang boss si Mr. Dizon. Bukod sa overtime pay ay binibigyan pa sya nito ng pang taxi kapag ginagabi sila. Isa hanggang dalawang daang piso. At hindi naman sya nagta-taxi. Nanghihinayang sya. Ibinibigay na lang nya ang pera sa kanyang ina para pandagdag sa budget. 

Nang gabing iyon, habang abala si Mr. Dizon sa paper works ay pumunta sa CR si Vita. Napahinto sya sa may pinto ng CR, iniikot ang tingin sa palibot. Para nga kasing may nagmamasid sa kanya. Gayung wala naman syang naiisip na katatakutan ay kung bakit nagtatayuan ang kanyang mga balahibo!

May nararamdaman sya, pero wala syang makita.

Pumasok sya sa CR. Matapos i-lock ang pinto'y umupo sa bughaw na toilet bowl. Guminhawa ang kanyang pakiramdam matapos ilabas ang likidong di na kailangan ng katawan. Nang makatayo at maibalik sa ayos ang kasuotan ay humarap sa salaming nakadikit sa dingding ng banyo.

At nanghilakbot si Vita. Imbes na mukha nya ang Makita ay mukha ng ibang babae ang kanyang nakita sa salamin. Nakukulapol ng dugo ang mukha nito, dugong nagmumula sa malaking sugat sa noo!

Napasigaw si Vita sa tindi ng sindak!

Nakahiga si Vita sa mahabang sofa nang matauhan. Pinaamuyan sya ni Mr. Dizon ng bulak na may kung anong gamut. Hinimashimas sya sa noon g isang may edad nang babae na taga-Binding Department.

“Ano bang nangyari at nawalan ka ng malay?” tanong ni Mr. Dizon, sa nag-aalalang tono na animo’y isang ama.

Hindi malaman ni Vita kung paano ikukuwento sa mga ito ang kanyang nakita. Baka kasi pagtawanan sya ng mga ito. O, di kaya naman ay mapagbintangang nasisiraan ng bait na maging dahilan para sipain sya ni Mr. Dizon sa trabaho.

 "Tinatanong ka ni Sir," untag sa kanya ng may edad ng babae. "Bakit ka hinimatay?"

At pinili ni Vita ang maglihim. "Um...kasi ho...uh, ano kasi...may dagang nalaglag sa batok ko kaya napasigaw ako."

Natawa ang mga nakapalibot sa kanya.

"Sus! Daga lang pala!"

Nang mabuti na ang pakiramdam ni Vita ay pinayagan na sya ni Mr. Dizon na makauwi na kahit di pa rin ito tapos sa paperworks. Handi bale raw, sandali na rin daw naman itong mananatili sa opisina. Mauna na raw sya.

"O, pang-taxi mo!" Dalawang daang piso ang iniabot nito sa kanya.

"Thank you ho, Sir."

Gaya ng dati'y nag-dyip lang uli si Vita. Malaking bagay sa kanilang mag-anak ang dalawang daang piso. Hindi nya iyon kayang ibabad lang sa taxi.

Namumutla pa rin sya pag-uwi sya sa bahay. Napuna iton ng kanyang inang si Aling Yolly.

"Masama ba ang pakiramdam mo?" usisa nito sa kanya.

Ang Multo sa salamin!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon