Part I: Pagpanhik

20 1 0
                                    

Nagmamadali kong pinuntahan ang terminal ng jeep na padestino sa ibabaw ng bulubundukin habang iniingatang hindi marumihan ng putik ang puting pantalon at sapatos na itim. Putikan sapagkat kakatila lang ng ulan. Baka matanong mo, ano bang okasyon? Magkikita kasi kami ni Angel matapos ang tatlong buwan naming hindi pagtatagpo. 'Kay tagal na ring akong walang balita mula sa kanya. Bago sumakay, sinigurado munang dala ko ang regalong ibibigay sa kaniya. Maliit na lilang kahong walang masyadong palamuti – subalit ang laman ay naglalakip ng 'di mabilang na ala-ala na tiyak magbibigay ngiti sa kanya.

Kakagising ko lang nang maalala kong may usapan pala kami sa Esperanza Park. "11 sharp, darating ako, promise", huling pangako ko sa kaniya. Pero, walanghiya, sampung minuto nalang at late na ako! Kung sino pa naman ang nagtakda ng lugar at oras, siya pa ang nahuli. Buweno, pagkakamali ko naman talaga dahil hindi ako natulog nang maaga. Sa kakaisip ng angkop na ipangreregalo, 'di ako nakapagpahinga agad. Alam mo 'yong pakiramdam na 'yon? Dahil sa lubos na excitement, 'di ka na makapirmi kung anong gagawin, anong sasabihin, at anong isusuot para bukas. Likas na yata para sa mga matalik na magkaibigan ang matinding pagkasabik na magkatagpo ang isa't isa. May halong kaba pa rin siyempre. At sa pagkakataong 'yon, ganoon mismo ang nadama ko.

***

"Bayad po, kuya. Isa. Esperanza."

Inabot ang saktong halaga nangongolekta at tsaka piniling maupo sa harapan. Sakto. Pangalawa sa paboritong puwesto ko 'to sa jeep sunod sa pinakalikod na bahagi malapit sa tarangkahan. Prinsipyo ko kasi na mas mabuti ang kinauupuan kung mas mabilis kang makakababa. Iwas din dito sa pag-abot ng bayad at kung minsan sa pagbayad. Pero siyempre, mas magandang tingnan ang tanawin kapag nasa harapan mong talaga ang paligid at tila madarama mong nag-aanyaya sa iyo ang patutunguhan na magmasid at mamangha. Sa harap, katabi ko si Manong drayber kaya isang malaking obligasyon 'yon. Isipin mo, kapag nawala sa kontrol ang drayber, ang katabi niya mismo ang maaari lang sumagip. Puwedeng ring tagabanggit kung may bababa, sidekick kumbaga. Dalawang tao ang kasya dito, hindi tulad ng mga nasa likuran na kahit pangsiyaman lang ang isang hilera ay pipilitin pang i-onse. Mabilis ang pagpuno, maliban tuwing isa o dalawa nalang ang natitirang espasyo. Wala sa mga nakapila ang gustong ipagpilitan ang sarili yamang malay na nagbabayad sila ng parehong pamasahe tulad ng mga nakaupo na. Kaya, nag-antay pa nang ilang sandali ang jeep.

Dahil walang magawa, nalingat nang sandali sa windshield. Pinagmamasdan ang patungo't parito ng wiper blades habang sinusubukang alisin ang bakas ng ulan kaninang umaga. "... 26 ... 27 ... 28 ..." Nabilang ko na ang dami ng mga natirang patak. Unti-unting nawawala ang pagkabagot at pasensya hanggang sa tuluyang mainip. Solo ko pa rin ang harapang pwesto.

"Manong, bayaran ko na rin po yung kulang. Ilan pa po ba?"

Marahil para sa iba, walang anumang espesyal sa araw na 'yon pero kailangan kong magmadali sa pagkakataong ito. Bahala na, ito lang ang aking magagawa.

***

Nakilala ko Angel, o dapat ko bang sabihin, nakatagpo namin ni Kuya si Angel sa isang bakanteng lote. Nakaugalian naming dumaan sa lunang iyon para magpahinga nang sandali bago umuwi. Sa loteng iyon, matatagpuan sa isang bahagi ang kulumpon ng 'di namin matukoy na halaman, sa kabilang banda naman ang matandang puno ng mangga. Sa gitna ng mga ito, naroroon ang tatlong naglalakihang hindi pa nagamit na bloke ng septic tank. At doon, nakaugalian namin ni Kuya na magpalipas ng oras sa pamamagitan ng pagpapalipad ng mga minomodelong eroplanong papel.

Ayon sa aming pagtutuos, kapag tuping-pamaypay o anyong-yero ang pakpak ng eroplano, bagay itong gamitin sa pangmatagalan na paglipad. Mainam kung ihuhulog ito mula sa matataas na gusali. Kung gagawin namang mas manipis at patulis ang pakpak, mas mabilis at malayo ang mararating nito. Pinakamaikli na iyong limang metro. Dahil mababa ang air resistance ng modelo, tila tinutularan nito ang katangian ng mga pana. Subalit, ang pinakahigit na modelo sa lahat ay 'yong simpleng pagtupi lang kung saan ang parehong pakpak ay pinarolyo sa lapis. Dahil sa gantong teknik natutularan ang mismong hugis at anyo ng pakpak ng mga agila.

DalisdisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon