First Encounter

5 0 0
                                    

CONGRATULATIONS!

We are pleased to offer you admission as Freshman to the following:

UP LOS BAÑOS, BS HUMAN ECOLOGY

First Semester, SY20xx-20xx


MALINAW na malinaw pa rin sa alaala ko ang eksaktong sandali na nabasa ko ang mga salitang iyan sa website ng UPCAT isang maalinsangang tanghali ng Abril. Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa halo-halong emosyon—galak, gulat, takot, excitement—na naramdaman ko ng mga sandaling iyon. 

Hindi naman kasi ako ganoon kagaling. Hindi ako naging first honor, hindi ako suki ng mga school competitions, at pa-easy easy lang noong high school. Pero kahit ganoon, pasikreto ko pa ring pinapangarap noon na makapasok sa UP, kaya ako nag-take ng UPCAT.

Ngayon, nandito ako sa Freedom Park malapit sa placard na may nakasulat na BS Human Ecology. Campus tour daw para sa mga freshmen students sabi sa email na natanggap ko. 

Mayroon ng iba na nakabuo na ng sarili nilang grupo, pero may iba rin, na katulad ko, pasulyap-sulyap sa mga taong nag-uusap at nagkukunwaring kalmado habang nakatingin sa mga cellphone nila.

"Hello! Ako si Kuya Glen, 3rd year BS Human Ecology Major in Social Technology. Welcome, freshies, sa campus! Nandito ngayon sa Freedom Park. Maya-maya lilibutin natin 'yung campus para ma-familiarize kayo sa mga buildings na kailangan niyong puntahan." 

Nilibot niya ang tingin niya sa aming mga kalat-kalat na freshmen. "For now, mas okay siguro na pumila tayo in two's. Buddy-buddy tayo!"

Dahan-dahan akong tumingin sa gilid at likod ko. Ah, shit, may pair na silang lahat.

"Hi! Ikaw si Princess, 'di ba? Member ka rin doon sa GC ng Human Eco freshies," matinis at high-pitched na tanong ng malaking lalaking nakasalamin sa babaeng naka-ponytail at nakasuot ng kulay pink na shirt.

May GC para sa Human Eco freshies? Oh, well. Hindi nga naman buo ang pangalan ko sa social media para madaling mahanap at i-add sa mga ganoon.

"Hello! Oo. Ikaw si Mark, 'di ba? Nice to meet you," malumanay at nakangiting sagot niya.

Nice, nawa'y lahat may kakilala na. Tumalikod ako sa kanila at isa-isang tiningnan kung mayroon pang walang partner hanggang sa may kumalabit sa'kin.

"Hello! Wala ka bang partner? Gusto mo partner na lang tayo?" mahinhin at nakangiting sabi sa'kin ng babaeng naka-ponytail at nakasuot ng kulay pink na shirt.

Hinanap ng mata ko kung nasaan si Mark na kaninang kausap niya. Nakikipag-usap siya sa curly-haired na babae malapit sa'min. Bakit hindi sila nag-partner kung nag-usap na sila kanina? Medyo naguguluhan man, "Hello! Sige, tara, partners tayo. I'm Frances. Ikaw, anong pangalan mo?" sagot ko sa kaniya.

"I'm Princess," nakangiti pa rin niyang sabi. "Daming tao, 'no? 'Yung pinsan ko, dito rin sa Elbi nag-aral kaya medyo familiar na ako sa lugar tsaka lumipat din kami ng mommy ko sa may Bay, sa bahay ng pinsan ko, para 'di na ako mag-dorm. Dito rin ako nag-UPCAT, sa may CAS building."

"Nice, buti ka pa. Ako kahapon lang ako dumating sa dorm, hinatid ako ng mama ko tapos umalis din siya agad. Hindi ko pa nga nakakausap roomates ko," nahihiya kong sabi.

"Parang ang saya mag-dorm kaso medyo strict kasi parents ko," sagot niya.

"Okay, guys. Lakad na tayo. Sunod lang kayo sa'min. Stick with your partners at 'wag kayong lalayo masyado."

Nagsimula na kaming maglakad sa ilalim ng tirik na tirik na araw sa Freedom Park. "Carillion ang pangalan ng building na 'to. Iyong puno naman na iyon ay 'yung Fertility Tree. Hulaan niyo na lang bakit pinangalang Fertility Tree." Nagsitawanan kaming lahat na parang mga high school students sa classroom habang wala pa ang terror na teacher.

Sobrang hinhin magsalita ni Princess. Naturingan akong mahinhin ng mga nakakakilala sa'kin, pero mas mahinhin pa siya sa'kin. Pero marami siyang kwento kaya okay naman.

********

"Grabe, 'te. Pagod na pagod ako. Wala po bang water break!" napalingon kami ni Princess sa dramatic na pagkakasabi ng payat na lalaking naka-highwaist na pantalon at naka-tucked in na polo shirt. Sa tabi niya ay tumatawa ang matangkad at payat na babaeng nakasuot ng dilaw na tshirt.

"Hindi, kasi naman, 'te, kanina pa tayo naglalakad nonstop. Gusto na bumigay ng buong pagkatao ko," sabi niya sa kaibigan niya at tsaka sumalampak sa bench sa ilalim ng malaking puno. Tinabihan naman siya nito.

Nasa may likod daw kami ng CEM sabi kanina.

"Sige na nga, water break muna," natatawang sabi ng guide namin sa aming lahat. "Upo muna kayo riyan tapos start ulit tayo in 10 minutes! Pagod na rin ako, hindi lang halata."

Tuloy-tuloy pa rin ang mga banat ng lalaking nag-reklamo kanina habang tumatawa lang sa tabi niya ang kaibigan niya.

"Parang ang saya naman nila. Tara, lapit tayo. Gusto ko makipag-friends," sabi ni Princess. Medyo nagulat ako dahil hindi siya ang tipo na makikipagkaibigan actively, pero um-oo ako.

"Hello! I'm Princess, ito si Frances. Kanina pa namin kayo naririnig. Parang ang saya niyo kaya gusto naman makipag-friends," bungad ni Princess pagkalapit namin sa kanila.

"Uy, hello, 'te!" masiglang bati naman sa kaniya ng lalaki. "I'm Jake, ito si Ysa. Kanina lang rin kami nagkakakilala. Nice to meet you!" Nagkatinginan kami ni Princess sabay sabi niyang, "Totoo ba? Akala namin matagal na kayong magkakilala kasi parang ang saya-saya niyo."

"Ay, hindi," natatawang sagot ni Jake. "Naging buddies lang kami kanina."

"Ito kasi napakataas ng energy, nadala rin tuloy ako," sabi ni Ysa sa masayang tono pero malumanay na boses.

"Okay, guys. Go na tayo ulit!" sigaw ni Kuya Glen sa megaphone.

Tumayo na ulit kami at magkakasabay na naglakad. Habang pinagmamasdan kong nag-uusap si Jake at Princess ay may nag-click sa utak ko. Ibang-iba si Princess sa babaeng malumanay na nagpakilala sa'kin kaninang umaga. Sobrang taas ng energy niya na para bang na-supress nang matagal na panahon. Sobrang click sila ni Jake.

"Frances, 'di ba? Taga-saan ka?" naputol ang pag-iisip ko sa tanong ni Ysa. "Ah, taga-xxxx ako."

"Wow, malayo rin pala. Ako kasi taga-Manila lang, wala akong probinsiya," malungkot niyang sabi. Nasa likod na kami ngayon ni Jake at Princess.

"Akala ko talaga kanina dati na kayong magkaibigan ni Jake," sabi ko sa kaniya.

"Buti nga kinausap niya ako kanina sa pila. Wala kasi akong kakilala rito at all," nakangiti niyang sabi.

"Same."

Tahimik pero walang halong awkwardness kaming naglakad nang magkasabay. Pinagtatawanan na lang namin ang kwentuhan ni Jake at Princess.

"Alam mo, hindi gan'yan kataas energy ni Princess kanina. Sobrang hinhin niya."

"Totoo ba? Baka nahihiya pa kanina."

"Okay, guys. Nandito na tayo ngayon sa CHE building. Dito kayo magka-klase para sa mga majors niyo hanggang 4th year....kung wala kayong balak sumabakabilang course." Nagtawanan ang lahat. "Dito na nagtatapos ang campus tour para sa school year 20xx-20xx. Sana nag-enjoy kayong lahat at marami kayong natutunan. Welcome ulit sa campus, at ingat kayong lahat!"

"Mga 'te, nagugutom ako. Hindi ba kayo nagugutom? Saan ba may kainan dito?" sabi ni Jake sa aming tatlo.

"May nakita akong Jollibee sa labas, gusto niyo ba roon?" tanong ni Princess. Um-agree kaming lahat at naglakad palabas ng campus.

Pagdating sa fast food chain ay hindi ko inakalang maririnig ko sa unang araw ng pagkakakilala namin ang mga maririnig ko.

********END OF FIRST ENCOUNTER********

We Met at Freedom ParkTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon