Huminga ako ng malalim at nalusaw ang matamis kong ngiti sa aking labi paglabas ko ng isang malaking gusali. Napakamot ako sa kilay ko at sandaling pumikit. Hindi ko na alam kung pang-ilang kompanya na itong pinuntahan ko para mag-apply ng trabaho. Sa dami ng kompanyang napuntahan ko ay wala pang tumatawag simula noong naghahanap ako ng trabaho. Nakakapagod na ang maglakad lakad habang ang sikmura mo ay walang laman. Dagdagan pa ang sobrang init ng araw dahilan para manghina ka ng lubusan.
Tumungo ako sa isang tindahan at bumili isang cupcake at limang pisong ice buko para pampalipas lang ng gutom. Nagsimula na muli akong maglakad para maghanap ng papasukang trabaho. Sa paglalakad lakad ko ay nakaramdam ako ng pagkahilo at parang umiikot ang buong paligid ko. Naninikip na rin ang dibdib ko at nahihirapan na akong huminga. Ang huling naalala ko na lang ay ang pagbagsak ko sa kalsada habang ako'y tumatawid sa pedestrian lane. Narinig ko pa ang malakas na pagbusina ng sasakyan at ang ilang taong nasa tabi ng kalsada.
Nakaramdam ako ng malamig na hangin sa aking katawan dahilan para magising ako. Iminulat ko ang aking mga mata at bumungad ang maliwanag na ilaw sa tapat ko. Umupo ako sa pagkakahiga ko.
"Nasaan ako?" tanong ko sa sarili ko.
Tumingin ako sa paligid ko sa isang pamilyar na lugar. Ilang beses akong huminga ng malalim para langhapin ang malamig at mabangong hangin na sa tingin ko ay nanggagaling iyon sa aircon. Nakita ko ang iba't ibang uri stuff toys sa isang tabi na naka-display. Mayroon ding mga pambatang stickers sa dingding. Malinis at mabango ang kwartong ito at mukhang masarap magpahinga dito kahit ilang sandali. Wala naman sigurong masama kung magpapahinga ako sandali dito. Akma na akong hihiga ulit nang makarinig ako ng isang tinig na sa tingin ko ay sa kabilang kurtina lang nanggagaling ang boses na 'yon.
"Hindi naman ito masakit, baby, eh. Dahan dahan ko itong ipapasok. Promise. Hindi ka masasaktan, baby." saad ng isang boses ng isang lalaki.
Nanlaki ang mga mata ko sa narinig ko. Dali dali akong bumangong muli sa aking higaan at tumayo na rito. Dahan dahan akong naglakad palabas ng silid na iyon at tagumpay naman akong nakapuslit doon. Aalis na sana ako nang maalala kong naiwan ko ang dala kong bag at ang iba pang papeles. Nagdadalawang isip ako kung kukunin ko ba o babalikan ko na lang bukas ang mga iyon. Kinalaunan ay bumalik rin ako dahil importante ang mga iyon, isama pa ng ang hiniram kong pocketbooks sa kapitbahay kanina. Katulad ng pagpuslit ko sa silid na iyon ay dahan dahan akong naglakad papasok. Inilibot ko ang aking paningin para hanapin ang mga dala ko. Kukunin ko na sana ang mga gamit ko nang biglang lumabas ang isang lalaki sa kurtina. Napahinto ako sa ginagawa ko at nag-ayos ng tayo.
"Gising ka na pala, miss." saad niya't mukhang gulat na gulat siyang nakita niya ako.
Tinignan ko siya mula ulo hanggang paa. Nakasuot siya ng puti na kadalasang suot ng mga doktor sa ospital. Sa tingin ko ay magsing-edad lang kami. Maamo ang kaniyang mukha ngunit mayroon parin akong pag-aalinlangan. Baka saktan niya ako dahil narinig ko ang hindi dapat marinig.
"Uhm. A-aalis na a-ako. Salamat." nauutal kong sabi.
Humakbang siya papalapit sa akin at humakbang ako paatras palayo sa kaniya. Akmang lalapitan niya ako nang biglang sumulpot ang isang babae galing sa kabilang kurtina kasama ang batang lalaking namumula ang mukha at nakakagat labi.
"Salamat, dok Kean." saad ng babae.
"Wala pong anuman." Lumuhod ang lalaki upang mapantayan ang bata. "Sabi ko sa'yo, hindi masakit 'yong injection, eh. Mas malakas ka sa sundalo, 'di ba?" nakangiti nitong tanong sa bata.
Tumango naman agad ang bata na kanina pa nagpipigil ng iyak. Tumayo ang lalaki at kumuha ng isang pirasong candy na may disenyong bola sa isang lalagyanan. Inabot niya ito sa bata dahilan para ngumiti ang batang lalaki.
"Sa susunod, bibigyan uli kita ng ganiyan. Basta i-promise mong magiging matapang ka, ha?" saad niya't hindi parin naaalis sa kaniyang ang matamis niyang ngiti.
"Sige po, dok. Aalis na po kami. Salamat ulit." paalam ng babae. "Halika na, anak."
Tumango na lamang siya at ilang sandali pa ay umalis na ang mag-ina sa silid at kami na lamang ang naiwan. Dahan dahan akong yumuko at napangiwi sa karumihan ng aking utak na dulot ng aking pagkagutom. Ibinaling ng binata ang kaniyang paningin sa'kin.
"Maayos na ba ang pakiramdam mo, miss?" tanong niya sa'kin.
Tumango ako. "Oo. S-salamat. B-bakit nga pala ako nandito?"
"Habang naglalakad ako, nakita kitang tumatawid nang wala sa sarili. Hindi pa lumipat ang green light pero tumawid ka na. Nagulat na lang ako nang bigla ka na lang nawalan ng malay kaya dinala kita sa clinic ko, ito lang kasi ang malapit kaya dito kita dinala. Isa nga pala akong. . ." Huminto siya sa pagsasalita at itinuro ang mga stuff toys gamit ang kaniyang kamay. "Pediatrician." saad niya't ngumiti sa'kin.
Tumango tango ako bilang tugon. Maamo ang mukha niya at mas lalong umaamo ito kapag ngumingiti siya. Bagay nga sa kaniya ang pagpili niya ng kurso. Hindi matatakot ang mga bata sa kaniya dahil maamong mukha ang meron siya.
"Isa sa mga dahilan kung bakit ka nawalan ng malay ay nasobrahan ka sa trabaho at wala ka na tamang oras ng pagkain. Magpahinga ka kahit ilang sandali lang lalo na ngayong maiinit ang panahon. Kailangang mag-almusal ka rin bago umalis ng bahay para maiwasan ang mga insidenteng iyon na maaring makakasama sa katawan mo." pagpapaliwanag niya sa'kin.
"Salamat ulit, dok. Alis na po ako." paalam ko at kinuha na ang mga gamit ko.
"Masyado ka namang pormal. Kean na lang itawag mo sa'kin, total mukhang magsing-edad lang tayo." wika niya.
"Ah. Sige. Salamat, K-kean." saad ko.
Isang ngiti lang ang kaniyang itinugod at tuluyan na akong lumabas sa kaniyang clinic.
Tumungo na ako sa paradahan ng motoraiklo at sumakay na upang ako'y makauwi na ng bahay. Pagpasok ko ay bumungad ang dalawang kalalakihang nagbubunong braso at pinagpapawisan na ang tungki ng kanilang ilong.
"Andito na ako." malumanay kong saad.
"Andito ka na pala, Pen." saad ni kuya Jeo na nasa bandang kang upuan. Halata sa boses niya na pinipilit lamang niyang magsalita ng maayos.
Naglakad na ako papunta sa kusina namin para uminom ng tubig. Bumalik rin ako sa sala pagkatapos. Umupo ako sa harap nilang dalawa at pinapanood kung sino ang mananalo sa dalawang binata sa harap ko.
"Kumain ka na ba?" tanong ni kuya Gin sa akin na parang 'di man lang siya nahihirapan.
"Oo. Pero gutom pa ako." walang gana kong sagot.
"May makakain pa diyan. Kumain ka na." saad niya atbinagsak na ng tuluyan ang kamay ni kuya Jeo.
Napasigaw sa tuwa si kuya Gin at nagawa pa niyang asarin si kuya Jeo. Panay naman ang reklamo ni kuya Jeo habang hinihilot ang kaniyang braso.
"Ang daya mo." inis na reklamo ni kuya Jeo.
"Hindi ah. Sadyang mahina ka lang." pang-asar naman ni kuya Gin at ngumiti siya ng nakakaloko.
Tumayo na ako sa aking pagkakaupo at hinayaan na lamang silang magtalo. Pumasok ako sa kwarto para makapagpahinga. Mamayang hapunan na lang siguro ako kakain. Wala na akong lakas para maglakad pa.
~
BINABASA MO ANG
The Imitation Game of Love
HumorPaano nga ba paiibigin ang isang dalagang ikinokompara ang kalalakihang nababasa niya sa libro sa mga binatang nabubuhay sa totoong mundo? Book cover made by @heynette