Bago ang lahat, gusto kong magpasalamat kay @heynette para sa book cover ko ngayon. Hihi. Sorry sa mabagal na pag-update. Love love~
- - -
Bigla na lang akong nagising na para bang mayroon talagang gumising sa akin. Hinanap ko agad ang cellphone ko para tignan ang oras. Napataas ang kilay ko nang makita kong alas kuatro emidia na pala ng madaling araw. Hindi ko aakalaing hindi ako gigising para makapaghapunan dahil sa sobrang pagod ko. Hindi na rin ako nagawang gisingin ng mga kapatid ko kagabi.
Humikab ako at pilit na matulog ulit pero hindi ko na magawang makapa ang antok ko. Kaya napagdesisyunan kong bumangon na lang at magluto ng almusal dahil kumakalam na rin ang sikmura ko gawa ng hindi pagkain ng hapunan. Pumunta muna ako sa banyo para makapaghilamos ng mukha't makapagsipilyo at paglabas ko sa aking kwarto ay nadatnan kong naglilinis ng sala si kuya Jeo.
"Ang aga magsipag, ah?" pang-aasar ko sa kaniya.
Ninakawan lang niya ako ng tingin at bumalik sa paglilinis na parang wala siyang narinig. Maya maya pa ay tumungo na siya ng kusina at mukhang nagluluto na siya ng almusal. Sinundan ko siya at umupo sa isang silya habang tahimik akong pinapanood siyang magluto. Napangiti na lang ako dahil minsan lang siya maging ganito kaya hinahayaan ko na lamang siya.
"Bakit ang aga mong nagising, Pen?" tanong niya sa'kin dahilan para mabasag ang katahimikan sa paligid namin.
"Ewan? Nagising na lang ako bigla, eh." saad ko. "Ikaw, kuya Jeo?"
"May lakad kami ni Cherry. Sabay kaming mag-aalmusal." Bahagya siyang huminto at napakamot sa kaniyang ulo. "Kaso napaaga rin ang gising ko."
"Teka. Sino na naman si Cherry? Akala ko ba si Sheryl? " May bahid ng pagkairita ang pagtatanong ko kay kuya.
"Alam mo na. Mahirap talaga ang pogi."
Umangat ang aking isang kilay at inirapan siya. Bakit ba hindi na ako nasanay? Napabuntong hininga na lamang ako at umupo sa malapit na sofa. Niyakap ko ang mga tuhod ko at ipinatong ang baba ko roon.
"Kuya." Napalingon siya sa akin habang abala sa pagwawalis ng sahig. "May gusto akong lalaki. Akala ko gusto rin niya ako kasi niyayaya niya akong lumabas minsan. Lahat ng gusto niyang kainin, lahat ng gusto niyang bilhin ay ibinibigay ko. Kaso sa bandang huli, hindi pala niya ako liligawan." Bahagya akong napanguso. "Paasa."
"T-teka! Bakit ngayon mo lang sinabi 'yan?" Marahas na ibinagsak ni kuya ang walis tambo sa sahig at galit na pumunta sa harap ko. "Sino ba 'yang lalaking 'yan, ha? Lagot siya sa akin!"
Napangiti na lang ako hindi dahil sa may balak na saktan ang lalaking ikinukwento ko, kung hindi ay nahulog siya sa aking munting palabas. Nagsasawa na rin kasi ako sa papalit-palit niyang mga babae. Dapat niyang malaman na hindi dapat pinaglalaruan ang nararamdaman ng isang babae. Hindi lamang ng isang babae, pati na rin ang isang tao.
"Ano nararamdaman mo?" Tumingala ako sa kaniya. "Galit ka ba?"
"Hindi ba obvious!"
Napangiwi ako dahil sa sigaw niya. Eskandalosong lalaki. Hindi pa tumitirik ang araw ay nagsisigaw-sigaw na siya rito.
"Eh di, alam mo na ang feeling ng mga taong nakapaligid sa mga babaeng niloloko mo? Natural sa isang tao ang magalit dahil nasaktan sila o nasaktan ang taong malapit sa puso nila." Napakunot ang kaniyang noo na para bang nagtataka sa mga salitang binibigkas ko. "Wala tayong karapatang paglaruan ang nararamdaman ng isang tao. Kung hindi mo siya gusto, magalang mo siyang tanggihan. At kung gusto mo naman siya, matuto kang makuntento kung ano ang mayroon ka."
BINABASA MO ANG
The Imitation Game of Love
MizahPaano nga ba paiibigin ang isang dalagang ikinokompara ang kalalakihang nababasa niya sa libro sa mga binatang nabubuhay sa totoong mundo? Book cover made by @heynette