Ulalong 24, 1012
Kaharian ng KarimlanKung mayroon mang lugar na kinabibilangan ang mga nilalang na pinanganak na may masamang budhi at adhikain, malamang ay sa realmo ito ng kadiliman nabibilang. Ang nakakubling kadiliman na kung kanilang tawagin ay kaharian ng karimlan.
Mula roon ay nakaupo sa trono ang isang binatang naka-krus ang binti habang masuyong hinahaplos-haplos ang kulay itim na pusang nakaupo sa kaniyang kandungan.
Inangat niya ang kaliwang kamay upang tingnan ang singsing nitong nakalagay sa pinakagitnang daliri niya. Isa itong gintong alahas na mayroong itim na hiyas.
Isang ngisi ang kumawala sa labi niya nang masilayan mula roon kung paano umiral ang inggit at ganid ng mga tao. Nasisiyahan siyang makita na nagkakagulo ang mga ito't nakakagawa ng mortal na kasalanan sa mga maling desisyon na nagawa sa kanilang buhay.
Ang mga temptasyon niyang bukas palad namang pinauunlakan ng mga nilalang na iyo'y hindi na niya kasalanan. Sarili nila itong desisyon kaya nararapat nilang harapin ang resulta nito.
Iyon naman ang gusto niya. Ang patunayan sa banal na anitong iyon na ang mga nilalang na kaniyang ginawa ang magiging dahilan din ng kaniyang kunsumisyon. Nais niyang isampal sa pagmumukha nitong ang paglikha sa kanila'y walang katuturan.
Ang anitong kung tawagin nila'y napupuno ng hiwaga't kabutihan, ang anitong sukdulan mula kaluwalhatian hanggang kailaliman ng karimlan ang pagkamuhi niya. Tinatawag nila itong Bathala, at wala ng mas nakakarindi pa sa pangalan niya bukod sa pagsamba ng mga walang utak na nilalang na kaniyang nilikha.
Ang mga nilalang na ito'y mayroong wangis kagaya ng mga anito subalit wala itong taglay na kahit na anong mahika. Sa madaling salita ay wala itong mga silbi't puro mga tulingag. Binigyan niya ito ng buhay, sariling pag-iisip at emosyon upang magbigay ng kalinga sa bawat isa.
Kalinga at pagpapahalagang naging katawa-tawa sapagkat hindi niya naman iyon nakamit. Ito ay sa kadahilanang hindi pantay-pantay ang paggawa niya sa mga ito. Bilang resulta'y umusbong ang masamang emosyon at adhikain sa kaloob-looban ng mga ito.
Kung hindi ba naman kasi naboboryo ang bwiset na iyon at sana'y nagbilang na lang siya ng buhangin kaysa gumawa ng mga nilalang na magiging dahilan upang madagdagan ang responsibilidad ng mga anito, sanay hindi sumasakit ang ulo ng mga ito.
"Mahal na hari." Binaba nito ang kaniyang kamay upang tapunan ng tingin ang isa sa mga pinagkakatiwalaan niyang alagad.
"Florentina," payak nitong pagtawag sa pangalan ng bagong dating.
Florentina, o mas kilala bilang Mansisilat, ang taga sira ng bawat masasayang pamilya na nakikita nito.
"Nasaan ang dalawa?" Marahan nitong niyuko ang ulo bilang paggalang sa naging tanong ng kaniyang hari.
"Sa tingin ko'y parating na ang mga iyon, mahal na hari." Marahan itong tumango sa naging tugon at muling hinaplos ang mabalahibong ulo ng itim na pusa sa kaniyang kandungan.
Matapos ng ilang sandali ay dumating dalawa pa nitong panauhin. Ang pusang nakaupo sa kandungan niya'y biglang tumalon palayo sa kaniya. Nang lumapag ito sa lupa'y nagbago ang anyo nito.
"Cosette?" Kunot noong wika ni Florentina rito. Isang ngisi ang kumawala sa labi nito nang makita ang reaksyon ni Florentina.
Cosette, mas kilala ito sa tawag na Hukluban. Isa sa mga pinagkakatiwalaang alagad ng hari ng kadiliman. May kakayahan itong magbalatkayo sa kahit na anong uring nilalang, at sa isang kumpas ng mga kamay niya'y kaya ka niyang paslangin o 'di kaya'y bigyan ng lunas sa kahit ano mang sakit na iyong dinaramdam.
BINABASA MO ANG
Tawaghit ng Karimlan
FantasyHINIRANG NA ANITO #13 Ang tanging nasa isip lang ni Santi ay mamatay. Sa dami ng problema niya sa buhay niya'y ang tanging sulosyon na nakikita niya ay ang pagtalon sa tulay. Subalit sa pagkakataong iyon, ang anito ng karimlan na nag ngangalang Sit...