Huling araw ng Disyembre taong 1899.
Nagising ako dahil sa ingay ng mga nurse na tumatakbo papunta sa tabi ng kuwarto ko. Pinagmasdan ko ang paligid, naku umuulan nanaman. Balita ko nagdiriwang ang mga tao ngayon ng "Bagong Taon" tanaw ko nga ang iba't-ibang uri ng liwanag dito sa bintana; nakakapanghinayang nga lang dahil kahit kailan hindi pa ako nakaranas na makasama sa ganoong klaseng okasyon. Matagal na rin ako na nandito sa ospital ngunit minsan lang ako dalawin dito ni ama at ni ina. Kadalasan ang kasambahay lang namin ang nagbabantay sa akin at mukhang napilitan lang din ito. Siguro nga walang may gusto sa batang kagaya ko. Sino ba namang gustong maging anak ang isang labing-limang taong gulang na batang lalaki na may sakit sa baga?
Pabigat. Iyan ang sabi ni Manang Berta sa akin. Kaya siguro kahit siya ay hindi narin dumadalaw, siguro ay nagsawa na rin siya na makita ako. Napabuntong-hininga nalang ako sa mga pinag-iisip ko. Ngunit bigla akong napabalikwas ng bangon nang may maamoy ako na usok. Masyadong malapit ang amoy para maging isang paputok. Ilang sandali lang ay may nurse na nagsisisigaw sa hallway.
"Sunog! May sunog!"
Takot, iyan ang nangingibabaw sa akin. Papaanong magkakasunog sa isang ospital? Ano bang nangyari? Paano ako makakalabas dito? Sa lalim ng mga iniisip ko ay hindi ko na napansin ang pagbukas ng pintuan ng aking kuwarto. Niluwa nito ang isang matipunong lalaki na nakasuot ng itim na polo at pantalon. Makikita mo palang sa postura niya na may kakaiba sa kanya. Siguro dahil sa malaking katawan nito na napupuno ng laman.
"Sumama ka sa akin bata." utos nito sa akin sa boses na napupuno ng awtoridad.
"S-sino kayo?! Sa-saan niyo ako dadalhin?!" tanong ko sa lalaki. Kasabay noon ay ang pagsikip ng aking hininga. Natatakot ako, ayaw ko pang mamatay.
"Wala kang dapat katakutan bata. Nandito ako para tulungan ka."
"P-pero hindi ko kayo kilala ginoo. Papano niyo naman ako m-matutulungan?"
"Hindi na mahalaga pa kung sino ako, kailangan muna nating makaalis dito, naiintindihan mo ba ako?!" Itinakip niya ang isang panyo sa aking hingahan upang hindi ko malanghap ang usok.
"Ayoko! Hindi ako sasama sa iyo!" pagpupumiglas ko sa estranghero. Ngunit bawat paglaban ko sa kanya ay balewala lang niyang naiiwasan. At habang tumatagal ang pag-alis namin sa ospital ay siya rin namang pagkapal ng usok na pumapaligid dito.
"Bitiwan mo ako! Parang awa mo na!" pagmamaka-awa ko sa estranghero ngunit hindi parin ako nito binibitawan. Kasabay ng pagpupumiglas ko ay ang patuloy kong pag-ubo dahil sa usok. Kinapa ko ang aking dibdib dahil sa sobra nitong sakit. Hindi ako makahinga dahil sa usok at sa sobrang takot. Takot na hindi na ako makalabas pa sa nasusunog na ospital na ito, takot na mawalay sa mga walang-pakialam kong mga magulang, takot sa lalaking nasa harapan ko, at higit sa lahat... takot sa kamatayan na aking nararamdaman. Ngunit tila yata hindi ko na kakayanin pang lumaban. Siguro ay mas maganda nalang na ipikit ko ang aking mga mata, at iyon nga ang aking ginawa. Ngunit bago pa man ako mawalan ng ulirat ay nakaramdam ako ng sakit sa aking dibdib. Parang inukit ito ng kuko na sobrang tulis. Iyon na nga ang hudyat para buong puso kong tanggapin ang kamatayan.
BINABASA MO ANG
Conniption
WerewolfThana Mortea, isa siyang halimaw, wala siyang awa na pumatay ng inosenteng tao, isang immortal na nilalang, ipinagkait ang lahat sa kanya na nagdulot ng walang hanggang galit, at siguro nga wala ng makakapagpabago pa sa kanya. Ngunit ng makatagpo ni...