Pagbubukas at Pagsasara

1 0 0
                                    


Forever Nineteen


Mataas ang sikat ng araw sa isang pampublikong paaralan nang magtanghalian ang mga estudyante. Napaka rami nila, napaka ingay. Kaliwa't kanan ang tawanan at asaran ang iyong maririnig. Kanya-kanyang ikot ang mga ito sa sari-sariling puwesto kasama ang kani-kanilang mga kaibigan. Napakarami mang iba't-ibang grupo ng mga estudyante na magkakaibigan ang mamamataan, imposible pa ring hindi mapapansin ang grupo nila May na isa sa pinaka malaki at isa sa mga pinaka maiingay.

"May! Mag t-twenty ka na ilang months na lang, anong balak?" Halakhak ng isang lalaki habang binubuksan ang mga butones ng suot nitong uniporme.

"Alam mo ba, Vince. Epal ka." Sabay irap nito.

Humalakhak naman ang isa pang lalaki at inakbayan si May. "Alam mo naman kasing ayaw n'ya mag twenty 'di ba? Pinapaalala mo pa!"

Umismid na lang si May at nag umpisang kumain. "Pero bakit parang wala lang naman 'yon. Tignan mo nga kami twenty-one na pero mukhang eighteen pa rin, sorry, baby face." Hirit pa ni Vince habang sinasabayan nang paghimas ng kanyang baba.

Nagtawanan silang lahat at kinantyawan ito dahil sa kakapalan ng mukha. Nakitawa rin si May sa kanila pero sa loob-loob n'ya ay gusto n'ya talaga maging nineteen na lang forever. Alam n'ya kasing mahabang tumatanda ay mas lumalaki rin ang responsibilidad at ayaw na ayaw n'ya noon. Gusto n'ya na mag inom at makipagtawanan na lamang palagi sa mga kaibigan.

"Kung may ganap man sa twentieth birthday ni May, hindi ka n'ya i-iinvite." Sigaw ni Lyn dito sabay bato ng isang nilamukos na tissue.

Mabilis na lumipas ang mga araw at sa bawat paggising ni May ay mas ramdam n'ya ang napapalapit n'yang pagtanda. Kaya sa bawat araw ay mas lutang s'yang pumapasok sa eskuwela at mas nagiging tahimik. Nang isang araw na lang ay kaarawan na n'ya, naisipan n'yang mag bike noong gabing iyon upang magpahangin at makapag isip. Kinukumbinse n'ya ang kanyang sarili na hindi naman agad-agad babagsak sa harap n'ya ang mga responsibilidad kapag tumuntong na s'ya sa edad pagkatapos ng desinuwebe.

Patuloy sa pagpedal ang kanyang mga binti hanggang sa makarating s'ya sa highway. Huminto s'ya at hinihintay na magbago ang kulay ng traffic lights nang mapatingin s'ya sa kanyang relo — 11:59 pm.

"Isang minuto na lang." Bulong n'ya.

Nagulat s'ya at napalingon sa kanan nang marinig n'ya ang malakas na busina ng isang truck at sumisigaw na driver. "Umalis ka r'yan! Nawalan ng preno! Umalis ka r'yan!"

Kumabog nang malakas ang dibdib n'ya at nanlaki ang mga mata. Dahil sa gulat ay hindi n'ya alam kung ano ang uunahin at dapat n'yang gawin kaya sa huli ay naestatwa na lamang s'ya sa kanyang kinatatayuan at napapikit.

Isang nakakapanindig balahibong iyakan at sigawan ng paghihinagpis lamang ang maririnig sa isang silid kung nasaan si May. Ang nanay n'yang naghihisterya at pilit s'yang ginigising, ang tatay n'yang umiiyak din habang inaawat ang kanyang nanay sa pagwawala at dinala nito ang nauna sa isang upuan bago binigyan ng tubig upang kumalma.

Kitang-kita n'ya ang sarili n'yang nakahiga sa loob ng isang kulay gintong ataul. Nalito s'ya at pilit na inaalala ang mga nangyari. Kung bakit at anong ginagawa n'ya sa loob noon. Bakit nakikita n'ya ang sarili n'ya roon pero andito s'ya at nakatayo naman sa tabi ng mga magulang n'ya.

Natigil ang pag-iisip n'ya nang makita n'ya ang mga kaibigan n'yang niluwa ng pintuan ng kanilang bahay. Umiiyak ang mga ito habang papalapit sa gintong kabaong.

"Letse ka, May! Hindi ko naman akalaing magkakatotoo yung sinasabi mong forever nineteen!" Sabay hagulhol ni Lyn na s'yang bestfriend n'ya na nakakaalam nang sobra tungkol sa pagkamuhi n'ya sa edad na bente.

"May, bakit totoo? Na hindi mo ako iimbitahan kung may ganap sa birthday mo? Si tita ang nagpasabi sa akin ng nangyari na 'to."

Nag-iyakan silang lahat at napaiyak na rin s'ya nang biglang bumuhos ang alaala ng lahat ng nangyari noong gabi bago ang birthday n'ya. Kung paano s'ya nag bike at sinalpok ng truck. Napaiyak s'ya lalo at pilit na tinatawag at niyayakap ang mga magulang at mga kaibigan n'ya pero kahit anong gawin n'ya ay hindi s'ya marinig at hindi n'ya mahawakan ang mga ito.

Napaluhod na lamang s'ya habang umiiyak. "Mas nakakatakot pala maging nineteen forever."

FOREVER NINETEEN - One ShotWhere stories live. Discover now