IN LOVE WITH THE CAMPUS HEIR

1.2K 13 3
                                    

Genre: #YoungAdult #Romance #TeenFiction

HUMINTO mula sa paglalakad sa sidewalk si Raven. Nakatayo siya ngayon mula sa labas ng isang mamahaling restaurant. Gumuhit ang malungkot na ngiti sa kaniyang labi habang nakatuon ang tingin sa isang partikular na spot. Isang kumpletong pamilya ang ngayon ay kumakain mula sa loob ng isang restaurant. Masaya. Hindi niya mapigilan ang mainggit sa pamilyang iyon at hindi niya kayang ikaila ang bagay na iyon. Hindi niya kailanman na-experience ang bagay na iyon. Ang magkaroon ng isang kumpletong pamilya. Kasama ang totoong mama niya...

Bakit ba kailangan niyang maging mag-isa sa mundong ito? Wala na parehas ang mga magulang niya. Kahit nga kaibigan ay wala siya. Ayaw ni Patricia na makikipagkaibigan siya sa kahit na sino. Iyon ang malungkot na katotohanan.

Muli ay nagpatuloy siya sa paglalakad ngunit isang partikular na tanawin ang nagpahinto sa paglalakad ni Raven. Ang magandang view ng Ellison University mula sa hindi kalayuan ang kaniyang natatanaw. Iyon ang pinaka-prestigious na unibersidad sa bansa. Tanging ang mga pinakamayayamang personalidad lang sa bansa ang may kakayahang mag-aral doon. At ang mahirap na katulad niya? Walang tiyansa para makapag-aral ng kolehiyo sa pamosong Ellison University.

Isang sulyap pa sa Ellison University, pagkuwan ay nagpatuloy na sa paglalakad si Raven habang hila-hila ang kaniyang dalang rolling basket na puno ng kaniyang pinamalengke kanina. Hinahayon niya ang kinaroroonan ng bus stop sa kabilang kalye. Kailangan niyang makauwi bago magtanghalian para magluto. Siguro, kailangan na niyang masanay sa araw-araw niyang buhay ngayon. Lalo na at nasa poder pa siya ng kaniyang madrasta.

"Papa," malungkot pa niyang bulalas. Kung hindi lang ito namatay ng maaga mula sa isang aksidente, hindi sana miserable ang buhay niya ngayon. Walang Patricia na ginagawa siyang alila. Tiyak din na makakapag-aral siya sa kolehiyo.

Mayamaya pa ay natuon ang kaniyang tingin sa lalaking patawid sa kalye. May suot iyong sumbrelo sa ulo. Kumunot ang kaniyang noo dahil mukhang hindi alintana ng lalaking iyon ang paparating na sasakyan. Umawang ang labi niya at nagsimulang makaramdam ng panic nang tuloy-tuloy lang iyon sa paglalakad kahit na binusinahan na ito ng sasakyan.

Walang pagdadalawang isip na binitiwan niya ang rolling basket at agad tumakbo palapit sa lalaking iyon. At bago pa ito tuluyang masagasaan nang mabilis na sasakyan ay nahila niya ito sa kamay nito papunta sa tabing kalsada. At dahil sa impact ng kaniyang ginawang paghila, parehas silang tumumba sa may gilid ng kalsada.

Napakalakas ng tibok ng kaniyang puso. Habol din niya ang kaniyang paghinga. Unti-unti niyang iminulat ang mga mata. Buhay pa siya. Iyon ang nasisigurado ni Raven.

Isang ungol ang nagpayuko kay Raven, saka lang niya napagtanto na nakapatong siya sa ibabaw ng lalaking iniligtas kani-kanina lang. Napapalunok na agad siyang bumangon mula sa ibabaw nito at umalis doon. Ang mga tao sa sidewalks ay nagsilapitan sa kanila para makiusisa.

"Okay lang ba sila?"

"Buti na lang hindi naabutan ng sasakyan ang binatang 'yon."

"Baliw ka ba?!" hindi niya mapigilang bulyaw sa lalaking iniligtas. Muntik na itong mamatay sa mismong harapan niya. At hindi yata niya ma-imagine kung ganoon nga ang mangyayari. Makikita niya ng live ang pagkakabangga rito ng sasakyan. Paano kung maipit pa ito ng gulong? Mapisak ang ulo nito at kumalat ang utak sa kalye? Nangilabot siya sa na-imagine. Maging ang katawan niya ay bahagyang nanginginig.

"W-what?" anito nang makabangon din ito mula sa pagkakahiga sa semento. Medyo ngumiwit pa ito dahil sa likod na bumagsak sa semento.

Naiinis man ay tinulungan pa rin ito ni Raven mula sa pagkakatayo. Para bang hindi ito aware sa nangyari dito kanina.

JONQUIL STORY LISTWhere stories live. Discover now