Parang gusto nang sumuko ng katawan ko. Salitan sila sa pagsipa at suntok sa akin. Parang bang lahat ng galit nila sa mundo sa akin nila ibinunton o baka naman sadyang bagot lang sila at ibang klase lang talaga maglibang ang mayayamang tulad nila? Sa dami ng pera nila, bakit hindi sila mag-isip ng paglilibangan? Bakit ako pa ang palagi na lang nilang gustong pag-trip-an?
Dati puro sa katawan ang tama ko, pero ngayon pati mukha ko pinagdiskitahan na rin nila. Putok na ang labi ko at nalalasahan ko na ang dugo sa sugat sa loob ng bibig ko. Pikit na rin ang isang mata ko dahil sa pamamaga nito. "T-tama n-na." Yakap ko na ang sarili ko. Natatakot akong may tamaan silang buto o baka malamog na nila ang lamang loob ko kasisipa nila.
"Hindi pa. Kulang pa." Sinabunutan ni Austin ang puting buhok ko. Oo, kulay puti ang buhok ko at natural ang kulay nito. At hindi lang buhok ko ang kulay puti, pati kilay at pilikmata ko. Hindi ko alam kung kanino ko namana ito; kung sa nanay ko ba o sa tatay ko. "Gasgasan natin 'yang balat mo. Masyado kang makinis. Para kang babae." Maputi at makinis din ang balat ko. Nagkakasugat naman ako pero kahit kailan hindi ako nagka-peklat at ang mga sugat ko, mabilis kung maghilom.
"P-parang awa n'yo na," pakiusap ko habang kinakaladkan ako ni Austin papasok sa isang cubicle. Parang hindi ko na maramdaman ang mga paa ko kahit hinahakbang ko ang mga 'to. May umaagos sa pisngi ko. Hindi ko malaman kung luha ba 'to, pawis o dugo. "A-anong gagawin mo?" tanong ko nang ipagtulakan ako pababa ni Austin sa harap ng toilet bowl. Ang mga kaibigan niya naririnig ko lang na nagtatawanan.
"Baka nagugutom ka na. Inom ka muna ng soup," sabi ni Koko.
"Huwag! Tama na! Tigilan n'yo na 'ko!"
"Austin, tama na raw. Pagbibigyan mo ba?" tanong ni Jaz.
"Tapusin n'yo na 'yan. Naiinip na rin ako," sabi ni Lemuel at pagkatapos ay may narinig akong ungol ng mga babae. Mukhang may pinapanood na naman siyang video.
"Tangina mo Lem. Ang libog mo," reklamo ni Austin.
"Dalian n'yo na kasi d'yan. Si Dave malamang sumisisid na 'yon ngayon sa pagitan ng legs ni Mrs. Guerrero. Pagkatapos natin dito, tara sa bar. Sagot ko lahat." Pamilya nina Lemuel ang may-ari ng pinakamalaking bar dito sa 'min na dinarayo ng halos lahat ng mga kabataang mayayaman na gustong magpakalasing at magpakasaya. Pero ang isang tulad ko, kahit kailan hindi pa nakatapak doon. Nadadaanan ko lang pero hindi ko pa napapasok.
"Parang gusto ko 'yung idea ni Lemuel," sabi ni Lucio.
"Gutom na rin ako," sabi naman ni Koko.
Sa bawat sinasabi nila, unti-unti akong nagkakaroon ng pag-asa na matatapos na 'tong paghihirap ko.
"Ang KJ n'yo. Natutuwa pa 'ko rito kay Baste." Pucha! Kakaiba siya matuwa. Pahirap! "Hindi pa tayo aalis." Dahil si Austin ang leader ng grupo nila, siya ang nasunod. Tuloy ang kalbaryo ko.
Hindi na tinuloy ni Austin ang plano niyang pagsubsob sa akin sa toilet bowl pero itinapon naman niya roon ang polo ko. Sira pa naman 'yung flush ng bowl at halos kulay orange na 'yung kulay ng tubig. Mukha na ring mop 'yung damit ko dahil halos pumunas na 'yung buong katawan ko sa sahig habang namimilipit ako sa tuwing tinatadyakan nila ako.
"Tama na!" Buong lakas na akong sumigaw. Pakiramdam ko mawawalan na 'ko ng ulirat dahil sa sakit at pahirap na ginagawa nila sa 'kin. "Tama na!" Biglang namatay 'yung ilaw pagkatapos kong sumigaw. Inabot na kami ng dilim doon kaya nang mamatay 'yung ilaw, wala na akong makita.
"Putangina! Ano 'yon?!" sigaw ni Jaz nang bumukas at mamatay uli 'yung ilaw.
"Nakita mo rin ba Jaz?" tanong ni Koko.
"Buhay pa ba si Baste?" tanong naman ni Lucio.
"Kulang pa ata 'yung donation ng pamilya mo Austin. Dagdagan n'yo para may pambayad ng kuryente 'tong school," sabi ni Lemuel na kita ko ang mukha dahil sa liwanag ng cellphone niya.
BINABASA MO ANG
Ang Mahiwagang Mundo ni Sebastian
FantasyMag-isa sa buhay at hindi na nakilala ng labingwalong taong gulang na si SEBASTIAN o Baste ang mga magulang niya. Mula pagkabata ay palipat-lipat na ng foster homes si Baste hanggang sa mag-desisyon siya na tumayo na sa sarili niyang mga paa. Nagtra...