SANDALI LANG

13 0 0
                                    

"Mahal kita... hanggang huli."

"Ano kaya'ng nangyayari sa mga lamok kapag umuulan?'

Napatingin ako sa'yong nilalaro ang buhos ng ulan mula sa bubong. Hayan ka na naman sa mga tanong mong hindi naman mahirap pero napapakunot ako kapag tinatanong mo. Mga simpleng tanong na mukhang walang matinong sagot.

"Hay nako," sabi mo sabay tabig sa kamay kong kakadukot lang ng cellphone. "Pwede naman tayong mag-brainstorm na lang ng sagot eh. Mga kabataan talaga, umaasa na lang sa internet." Tumayo ka habang ipinupunas ang mga basa among kamay sa laylayan ng suot mong t-shirt.

"Siyempre, hindi ko naman alam yung sagot," sagot ko sa'yo sabay tago ng cellphone sa bulsa ng maong kong pantalon.

"Kaya Google na tatakbuhan mo?"

"Oo, para hindi na ako mapagod mag-isip."

Inilingan mo ako na parang may halong pagkadismaya at pagkamangha. Ganito naman ako mangatwiran sa t'wing magtatanong ka ng mga ganoong bagay. Kaya hindi ko maintindihan kung bakit ganyan pa rin ang lagi mong reaksyon sa sagot ko.

"Tara na. Tumila na 'yung ulan oh. Siguradong hinahanap na tayo ni Topet."

Sumusunod lang ako habang naglalakad ka. Bitbit mo ang plastic na may tatlong order ng lugaw. Sigurado akong malamig na ang mga binili natin. Halos kalahating oras ba naman tayong ma-stuck sa waiting shed dahil hindi tayo nagdala ng payong.

Sabay sa paglakad mo ay ang pagsayaw ng iyong buhok. Kaliwa. Kanan. At kapag masyado nang napupunta ang mga hibla nito sa mukha mo, hahawiin mo sila gamit ang kanan mong kamay nang may ngiti.

Nilakihan ko ang mga hakbang ko para masabayan kita. Tulad ng mga bata pa tayo, isinabay ko ang paghakbang ng aking mga paa sa paghakbang ng sa iyo. Napansin mo iyon, at kagaya ng dati inakbayan mo ako at maya-maya pa'y para na tayong mga paslit- patalon-talon sa paglalakad.

***

"Iabot mo nga yung mangkok." Nakaabang sa'yo ang palad ni Topet na katabi at ikaw, nasa harapan namin. "Bilis! Bilis!" dagdag niya pa nang tiningnan mo lang siya.

"Alam mo, ikaw," sagot mo habang kinukuha iyong mangkok sa mga nakapatas sa mesa, "pogi ka na pero may kulang."

"Ha? Ako?!" sagot ni Topet na nagsasalin na sa mangkok ng ininit kong lugaw. "Perpekto na 'to uy! Ano kulang-kulang ka diyan?!"

"Topet, manahimik ka kung ayaw mong mawalan ako ng gana," singit ko sa inyo.

"Ito talaga," panimula mo sabay akbay sa akin, "kaya walang magtangka na manligaw sa'yo, napakaseryoso mo kasi."

Tiningnan kita nang masama habang inaalis ang braso mong nakaakbay sa balikat ko. "Sakit lang naman sa ulo 'yan. Sumasakit na nga ulo ko sa inyong dalawa, magdaragdag pa naman pa naman ba ako ng isa?"

"Grabe ka naman, Isabel!" saad mo na parang batang nagmamaktol.

Tiningnan kita habang umiinom ng tubig. Nasamid kasi ako sa pagkakasabi mo ng pangalan ko.

"O ano naman?" banat ko pero kay Topet ako nakatingin at hindi sa'yo.

"Sabihin na nating sakit ka- hindi," umiling ka. "Si Topet lang sakit ng ulo dito ha. Hindi ako kasali diyan."

Mukhang sasagot pa sana si Topet pero isinalin mo na lang sa mangkok niya yung natitirang lugaw. At ayun na nga, nawala na parang bura ang kung anumang sana'y isasagot niya.

***

Gusto mo sana akong ihatid pauwi pero nagpumilit ako na huwag na. Sinabi ko na lang na may daraanan pa ako sa bayan pero sa totoo lang, gusto kong mapag-isa para makapag-isip-isip. Kahit pa inihatid mo ako sa sakayan ng tricyle, hinintay lang kitang makaalis para makapaglakad na ako. Sigurado kasi akong hihilahin mo lang ako pabalik sa sakayan.

Sandali LangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon