CHAPTER 2 - Hattie Marie

7 1 0
                                    


More than one year ago, prior to the bus terminal scene...


Napa-atras sa pagpasok sa parlor si Hattie nang mula sa salaming pinto ay pabulusok na lumabas ni Elmer; ang bagong kinakasama ng kaniyang inang si Hannah. Salubong ang mga kilay na gumilid siya sa daan upang hindi masagi ni Elmer na pawisan at tila natataranta.

Hindi na niya kailangang hulaan kung ano ang nangyayari. Napaka-pamilyar ng ganitong eksena para sa kaniya. Alam na niya kung ano ang kasunod na tagpo.

Mula sa pinto ay nakita niya ang kaniyang ina na lumabas, bitbit sa kanang kamay ang gunting na ginagamit nito sa paggugupit ng buhok ng mga customers, habang nasa kaliwa naman ang walis na ang hawakan ay gawa sa kahoy.

"H'wag ka nang magpapakita sa amin kung ayaw mong magpulot ng mga ngipin mo sa kalsada! Napaka-pangit mo na'y napaka-babaero pa!"

Sabi ko na nga ba, eh, bulong ni Hattie sa sarili sabay iling.

Si Hannah, na hindi napansin ang anak na nakatayo sa gilid ng entrance ng maliit nilang parlor, ay lumabas at akmang hahabulin si Elmer na mabilis na lumayo. Ang mga tambay sa katapat na tindahan ng parlor ay naghiyawan at nagtawanan; kahit sa mga ito'y pamilyar na ang ganoong tagpo.

Dahil ano pa nga ba? Hindi iyon ang unang beses na nag-away ang dalawa, at hindi rin iyon ang unang beses na pinagtabuyan ng ina niya sa harap ng parlor ang kinasakasama. Sa loob ng tatlong taong pagsasama ng mga ito ay hindi na mabilang ang pagkakataong nangyari ang ganoong eksena sa harapan niya.

"Umuwi ka sa bahay at magbalot na ng mga damit mo!" sigaw pa ng inay niya. Ang blond nitong buhok na nanuyo na sa patung-patong na hair dye ay naka-ipit sa malaking clam at ang isang strap ng suot nitong sexy top ay lumaylay na sa isang balikat.

"Honey naman," panunuyo ni Elmer na nag-akmang lalapit subalit nahinto nang itaas ng kaniyang inay ang hawak na gunting. Napakamot ito. "Hindi ko pinatulan si Jelay. Tinulungan ko lang magbuhat ng maleta, eh."

Umikot paitaas ang mga mata niya nang marinig ang pangalang binanggit ni Elmer. Si Jelay ay dati niyang ka-klase sa high school. Nang magtapos sila ng high school ay pumunta ito sa Maynila upang maghanap ng trabaho, hanggang sa nabalitaan na lang nilang nag-Japan. Nang muling bumalik sa bayan nila'y may asawa nang Hapon at patung-patong ang retoke sa mukha't katawan.

So, umuwi na naman pala ang babaeng iyon?

Malapit lang sa parlor na pag-aari ng inay niya sa bayan ang apartment na binili ni Jelay, at dalawang beses sa isang taon ito umuuwi roon upang magbakasyon. Noong nakaraang pasko ay umuwi ito at nakita mismo ng sarili niyang mga mata na magkasamang pumasok sa sinehan sina Jelay ay si Elmer. Siyempre pa, hindi niya sinabi sa inay niya iyon dahil ayaw niyang makulong ang ina sa salang murder. Alam niya kung ano ang kaya nitong gawin kapag naloloko.

Hindi rin naman niya masisi si Jelay kung patulan nito si Elmer. Sampung taon ang tanda ng inay niya rito, at pitong taon lang ang tanda sa kaniya. Dati itong seaman at nang huling bumaba sa barko ay hindi na sumakay pang muli. Hayon, sa kandungan na ng nanay niya sumakay.

Gwapo naman daw ito—well, hindi para sa kaniya. Hindi siya mahilig sa ragged-looking na lalaki. Semi-kalbo, laging naka-puting sando, may tattoo na bungo sa kaliwang balikat habang ang nasa kaliwa naman ay malaking dragon. Maskulado ito—paano, laging nakatambay sa gym. Tutal ay wala naman itong trabaho kaya roon nagsasayang ng oras. Matangkad din ito at malakas daw ang appeal sabi ng mga Marites sa kalye nila.

WILL YOU LOVE ME TOMORROW?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon