PROLOGUE

2 0 0
                                    

Prologue - Way Home

Echo

"Bye, manong!" Paalam ko sa matandang gwardya ng gusaling aking pinagta-trabauhan.

Sumaludo ang matanda sa akin habang nakangiti. "Ingat, Sir!" Paalam naman nito sa akin na siya namang tinanguan ko bago ako magpatuloy sa aking paglalakad.

Ilang minuto din ang aking nilakad patungo sa paradahan ng mga jeep. Maraming tao. Maingay.

Mabilis akong naglakad papunta sa jeep na aking sasakyan. Nang masipatan kong wala pang laman ang upuan sa tabi ng driver ay kaagad na akong naglakad papunta sa harapan ng jeep at sumampa doon upang makasakay.

Mainam nang sa harapan ako nakasakay. Tahimik at wala akong inaalala na katabi.

Solo lamang kasi ang pwede sa harapan na sumakay.

Ilang minuto pa ang aking hinintay bago maningil ang caller. Ilang saglit pa matapos noon ay sumakay na ang driver ng jeep at pinaandar na ang sasakyan.

Mabilis kong kinuha ang aking cellphone at earphones upang makapakinig ng tugtog habang nasa byahe.

...

Alas syete na ng gabi nang makarating sa babaan ang jeep na sinasakyan ko. Kaagad naman akong bumaba dahil may kalayuan pa ang lalakarin ko.

Sayang ang bente para sa tricycle. Dagdag budget na din iyon.

Biglang nag-ring ang aking cellphone at nang tignan ko ay si Itay ang tumatawag doon.

"Hello, tay?" Sabi ko nang masagot ko ang tawag.

"Anak, nasaan ka na?" Tanong nito sa akin.

"Naglalakad na po pauwi, kakababa ko lang ho sa jeep." Sagot ko sa kanya.

"Uhmm, osige." Sabi naman nito.

"Bakit ho?" Tanong ko naman.

"Eh wala naman, para sabay-sabay na tayong makakain." Sagot ni Itay.

"Ano ba naman ho kayo, tay. Anong oras na oh? Kumain na kayo." Sabi ko naman.

"Aba eh, hintayin ka na namin anak." Sagot nito.

"Si Itay talaga, oo." Nakangiting sabi ko, "sige na ho at nang makauwi na akong mabilis." Paalam ko dito.

"Osige, anak. Mag-iingat ka." Paalam naman niya sa akin bago ibaba ang tawag.

Naiiling kong ibinulsa ang aking cellphone at madaling naglakad.

...

"Ginabi ka yata, Echo?" Tanong sa akin ng isang lalaki. Nang makita ko ay si Esteban pala.

Tumango naman ako sa kanya, "ah, eh, oo. Medyo traffic, may aksidente sa highway." Sagot ko.

"Hmmm, osiya sige at mukhang nagmamadali ka." Saad naman nito.

"Sige sige." Sabi ko at nagpatuloy sa paglalakad.

Naka-ilang hakbang pa lamang ako nang may marinig akong mga sipol. Nang tignan ko ay ang grupo ni Asyong na nag-iinuman.

Lasinggero.

Hindi ko na pinansin pa ang mga ito at mas binilisan na lamang ang aking paglalakad.

...

Ilang saglit pa ay nakita ko na ang poste ng ilaw na palatandaan ng isang eskinita. Papunta iyon sa amin.

Stumbled UponTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon