CHAPTER 6

52 1 0
                                    

DAY 1

NAKAPAKO ang mga mata ni Cleo sa batong bumasag sa salamin ng apartment niya. Litong-lito siya at maingay ang utak niya sa dami ng mga katanungan.

Umatras siya para malayo sa bintana. Baka mamaya ay may ligaw na namang batong makaabot doon at matamaan na siya. Binuksan niya ang cell phone at agad na tinawagan ang security ng apartment. Patuloy pa rin ang ingay ng mga busina, sirena at sigaw ng mga tao sa labas. Halo-halo ang naririnig niya, pero mukhang pinakamalakas ang kabog ng dibdib niya.

Walang sumagot sa tawag niya.

"Tang ina, ba't 'di sila sumasagot?" galit niyang mura.

Id-in-ial ulit niya ang numero, pero namatay iyon sa kalagitnaan ng pagri-ring.

Kunot-noo niyang tiningnan ang screen ng cell phone. "What the fuck?"

Humigpit ang pagkakahawak niya sa aparato. It took all of her will not to throw it outside the window in front of her where she could see the aggressive dance of light strobes from the police cars.

Pumunta siya sa news site, ngunit bigo rin siyang makahanap ng impormasyon doon. Nang magbukas naman siya ng social media, unang bumungad sa kanya ang trending na hashtag tungkol sa isang O Virus.

"O Virus?" bulong niya. "Ano 'to? May bago na naman?"

Nagbasa-basa siya. Ang tanging nalaman niya lang ay nagsasabi ang mga tao na kalat na ang O Virus. Walang eksplanasyon kung ano iyon. Siguro ay bagong variant ng Covid.

Nagdesisyon siyang bumaba na lang para puntahan ang security at magtanong sa nangyayari. Ngunit nang nasa may pinto na siya ay napahinto siya.

Saglit lang. May mali. Bakit ngayon niya lang napansin? Napakaingay sa labas. Halatang-halata ang kaguluhan, pero ni isang ingay ay wala siyang marinig sa labas ng apartment niya. Walang boses ng mga natatarantang tenants. Walang yabag ng mga paang nagtatakbuhan, nagmamadali. At isa pa, hindi ba dapat ay nag-announce na ang management ng apartment building nila sa mga dapat nilang gawin at para pakalmahin sila? Teka, paano nga naman kakalma kung walang ibang natataranta sa loob ng building na iyon kundi siya lang?

Dahan-dahan siyang umabante at inilapat ang tenga sa pinto. Inignora niya ang ingay mula sa labas ng bintana at pinakinggan ang hallway. Wala talaga. Hindi soundproof ang mga unit kaya sigurado siyang dapat ay maririnig niya sa loob kung may anumang komosyong nangyayari.

Masama ang kutob niya kaya dali-dali niyang sinigurong naka-lock ang pinto at nakakabit ang chain lock. Hinarap niya ang apartment at naghanap ng maaari pang iharang doon. Dumako ang tingin niya sa kama. Walang patumpik-tumpik na hinila niya iyon papunta sa may pinto. Hindi naman siya gaanong nahirapan dahil hindi naman gaanong mabigat iyon lalo na at manipis lang ang kutson niya.

Alam niyang kung may makakakita sa kanya ay iisiping paranoid na siya. Na totoo naman. Natutuliro siya dahil hindi niya alam kung anong nangyayari. Ang alam niya lang ay dapat niyang pagkatiwalaan ang instinct niya na delikadong lumabas at mas mabuting nasa loob lang siya ng apat na sulok ng kwartong iyon. Tama rin na roon niya ilagay ang kama niya dahil mas malaki ang tsansang hindi siya matamaan ng ligaw na mga bato, o kung mas malala, bala mula sa bintanang katabi nito.

Nakapatay ang ilaw sa silid at wala siyang balak buksan iyon. Sapat na ang liwanag mula sa labas upang makakita siya nang maayos.

Pagod siyang napaupo sa dulo ng kama at ilang minutong natulala. It had only been minutes since the chaos, but she was already mentally drained. Natauhan lang siya nang tumunog ang cell phone niya tanda ng pagdating ng isang text message.

'Ate, nasa'n ka? Ayos ka lang? 'Wag na 'wag kang lalabas dyan. Panoorin mo 'to.'

Galing iyon kay Carson. Pinindot niya ang link na s-in-end nito, at dinala siya noon sa isang live video. Magulo ang video at dinig na dinig ang paghahabol ng hininga ng taong kumukuha noon. Base sa anggulo, mukhang nagtatago ang streamer sa isang eskinita o kahit anong tagong gilid.

Darkness' OasisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon