Simula

68 13 3
                                    

Nilamon na nang tuluyan ng dilim ang kaninang bughaw na kalangitan. Ang mga tala naman ay nagsisimula nang kuminang, habang ang bilog na buwan sa itim na langit ay matalas ang naging liwanag para magsilbing ilaw sa madilim na gabi.

Isa-isang isinalansan ko ang mga pamunas, walis at pandakot sa lugar kung saan ito nararapat nang matapos ko nang linisan ang hallway ng city hall. Sa laki ba naman ng lugar na ‘to, talagang aabutin ako ng gabi sa paglilinis.

Handa na akong umuwi sapagkat ang lumang di sukbit na bag na aking dala-dala para paglagyan ng mga importanteng gamit tuwing pumapasok ako sa trabaho ay nakaayos na. Handa ko na itong sukbitin para makauwi na ako sa isang maliit na apartment na inuupahan ko nang ang isang respetadong tao ay umentrada sa loob ng city hall dis oras ng gabi.

Si Mr. Tansingco, isa sa mga tumatakbo bilang Vice Mayor ng San Vicente.

Mukha itong nakainom dala na rin na ang kilos ng katawan niya ay wala sa tamang balanse. Pagewang-gewang itong lumapit sa akin kasama ang alalay nito.

At sa aking kinatatayuan, natuod ako nang ang politiko ay pisilin nang mariin ang pisngi ko.

“Sabihin mo sa akin kung nasaan si Vice Mayor Obet?”

Sunod-sunod ang ginawa kong pag-iling sa kabila ng sakit ng pagkakadiin niya ng kanyang kuko sa aking pisngi.

Kilala ang taong ‘to na malupit at corrupt na politiko. Dati siyang konsehal ngunit noong nakaraang eleksyon, nang subukan niyang tumakbong Vice Mayor ay bigo siyang makuha ang pwesto dahil mas nanaig sa taong-bayan ang malinis na intensyon at pulidong plataporma ni Mr. Obet Sanchez, ang kasalukuyang nakaupo bilang Vice Mayor ng San Vicente.

“Hindi ka magsasalita?!”

“Ah, sir… Hindi po talaga nakakapagsalita ‘yang isa sa mga alalay ni Vice Mayor Obet. Pipi raw po ‘yan, e,” ang rinig kong sabi ng nakaalalay sa lasing na politiko.

“Wala pala tayong pakinabang dito, e.”
Paitsa niyang itinulak ako palayo sa kanya kaya’t ang lasing na politiko ay balak nang magpatuloy para pasukin ang office of the Vice Mayor.

Wala na sana akong balak pang pigilan sila nang mapansin ang kamay ng tumatakbong Vice Mayor na may hawak na patalim. Mukhang mayroon itong maitim na balak kaya nito hinahanap ang Vice Mayor.

Palibhasa ay muli nitong makakalaban sa eleksyon si Vice Mayor Obet dahil nagdesisyon itong manatili sa kanyang pwesto bilang Vice Mayor ng San Vicente kaya ang lasing na politiko ay may maitim na balak—ang gawing madugo ang gabi ni Vice Mayor Obet.

“Ano bang ginagawa mong pipi ka?! Tantanan mo ang kamay ko!” At ang alalay nito ay para akong aso na pinukpok ng payong sa ulo palayo sa kanyang amo. Matapos ko kasing kagatin ang kanyang kamay, naiwan ‘yong duguan. “P*tangina. Gusto mo talagang makatikim?!”

Huli na para tumakbo dahil isang malakas na sipa mula sa kanya ang nakapagpatulog sa akin at tiyaka bumulagta sa sahig.

*****

Idinaing ko ang aking ulo na saksakan ng sakit bago iminulat ang mga mata kong nasilaw sa talas ng sikat ng araw. Sa lakas ng sipa na natanggap ko mula kay Mr. Tansingco, hindi ko akalaing katumbas ng sipa na ‘yon ang haba ng tulog ko sa isang gabi na lumipas.

Sa plano kong pagtayo upang sana ay umuwi na lang, gulat kong pinagmasdan ang mga kamay kong duguan—pati ang kanan kong kamay ay mayroong patalim na hawak.

Sa sobrang bigla sa nasaksihan ng halos kadidilat ko lang na mga mata, naiitsa ko palayo sa akin ang patalim… ngunit ang mas ikinagulat ko ay sa harap ko mismo nakahiga si Mr. Tansingco. Siya ngayon ay naliligo sa sarili niyang dugo at tadtad ng saksak ang katawan niyang may katabaan.

“Arestuhin n’yo ‘yan,” rinig kong tinig.

Sa likod ko ay may mga tauhan pala na nagkalat sa loob ng lobby ng city hall. Mga pulis na iniimbestigahan ang buong paligid at ang crime scene. May isang pulis din na kanya na ngayong tinatahak ang direksyon ko dala ang isang pilak na posas.

“Inaaresto ka namin, Lily Hilario, sa salang pagpatay sa politiko at tumatakbong Vice Mayor ng San Vicente na si Mr. Douglas Tansingco. May karapatan kang manahimik. Anumang sasabihin mo ay maaari at gagamitin laban sa iyo sa korte. May karapatan kang kumuha ng isang abogado. Kung hindi mo kayang bayaran ang isang abogado, may isang ma-a-appoint para sa iyo.”

Marami akong gustong sabihin. Gusto kong magpaliwanag na wala akong ginagawang masama. Gusto kong sabihin sa kanilang lahat na wala ako ni katiting na naaalala na may pinatay akong tao. Hindi ko magagawang dungisan ang mga kamay ko para lang pumatay ng isang politiko.

Gusto kong magsalita. Gusto kong ipagtanggol ang sarili ko at patunayang malinis akong tao.

Ang mga dugong dumampi sa inosente kong mga kamay at ang patalim na ni hindi ko man lang maaala kung paano ko nahawakan, tila isang malaking dumi na bumalot sa malinis kong pagkatao.

Ngayon ay paano ko magagawang magpaliwanag at depensahan ang aking sarili… kung wala naman akong boses para ipahayag ang bawat salita?

Paano magtanggal ng mantsa nang hindi kinukusot at gumagamit ng sabon?

Paano magtanggal ng libag nang walang sabon at ‘di naghihilod?

Paano ko patutunayan sa mga matang mapanghusga na ako ay malinis kung hindi naman ako nakapagsasalita?

Para saan pa nga ba ang bibig
Kung wala namang tinig?

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 09, 2022 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

To Decimate the UnimpeachableTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon