Napapikit ako nang maramdaman ko ang pagtama ng malamig na hangin sa aking balat nang aking buksan ang aming bintana. Dahil doon, tinangay ng hangin ang ilang hibla ng aking buhok. Napahugot ako ng malalim na hininga at agad rin napadilat ng mga mata ng maramdaman kong sumabay ang aking buhok sa hangin.
Hinayaan ko ang sarili na salubungin ang malakas at malamig na hangin galing sa pagbuhos ng ulan habang pinagmamasdan ang madilim na paligid. Humigpit ang pagkakahawak ko sa kahoy at iniangat ang tingin. Ang maliwanag na buwan ay tuluyan nang natakpan ng makapal na ulap dahil sa malakas na pag-ulan.
Ang mahinahon na alon ay wala nang pasidlan sa pagsayaw ngayon dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan. Ang matatalim nitong alon ay paulit ulit na humahampas sa malalaking bato dahilan para makalikha iyon ng malakas na tunog. Ang maingay na pagsayaw ng malaking puno ng acacia, ang hatid ng pag ihip ng malamig na hangin, ang pag-sayaw ng malakas na alon, at ang buhos ng ulan, at ang nakakabinging katahimikan na lamang ang aking naririnig mula sa aking paligid.
Gumuhit sa aking labi ang mapait na ngiti. Tuluyan nang bumalot ang dilim sa paligid... at tanging matulin na kidlat na lamang ang nagbibigay liwanag doon ngunit hanggang ngayon, hindi pa rin siya nakakabalik.
Nag-aalala man, mas pinili ko na lamang na maupo sa silyang mahaba na siyang hinihigaan niya habang naghihintay ako sa kanya. Gamit ang maputi at mahahabang daliri ay hinaplos ko ang manipis na kutson na nakapaibabaw sa silyang gawa sa matibay na kawayan.
Kumibot ang aking labi at malalim na napaisip. Paano niya na nakakaya na matulog rito kung may sarili naman kaming kuwarto? Bakit niya tinitiis ang sarili niya sa pagtratrabaho kung kaya ko rin naman gawin ang bagay na iyon?
Maraming pumapasok na tanong sa isipan ko ngunit kahit ako ay ni isa ay walang masagot doon. Nabubuhay ang panibugho at poot sa aking sarili ngunit kahit anong tanggi ko ay alam kong mas matimbang ang pag aalala at pangambang nararamdaman ko ngayon para sa kanya.
Tulad ng aming mga kalapit bahay, siya rin ay nagtratrabaho katulad nila at sa ganitong oras ay nakauwi na dapat siya. Ang mga ibang mangingisda ay paniguradong nakauwi na galing port lalo na ngayon masama ang dating ng panahon.
Madalas siya wala at hindi umuuwi dahil palagi siya kasama ni Mang Ignacio sa panghuhuli ng isda, ang matandang lalaki na katiwala ng mayor sa aming bayan ay ang palagi niyang kasama sa pagdaong at pagpunta ng port. Hindi naman dapat ako magtaka dahil iyon ang kinabubuhay namin at nakakahiya man ay hindi ko itatanggi na madalas ko maramdaman ang pagiging pabigat ko sa kanya, dahil sa aming dalawa ay siya lamang kumikilos upang mabuhay kami... para buhayin ako.
Madalas ang naging pag-alis niya nitong nakakaraang araw dahil kinakailangan ng ibang mangingisda na ibagsak ang isda sa port at sa bayan upang doon ibenta dahil doon sila nakakakuha ng malaking kita. At gaya ng ibang mangingisda, isa na siya roon. Sa mga nagdaan araw ay madalas siyang umaalis upang magtungo roon dahil palagi siyang isinasama ni Mang Ignacio upang tumulong at makadali ng malaking kita. Kung sakali, malaki nga ang perang maiuuwi niya pagbalik niya pagkatapos ng trabaho niya ngayon, ngunit hindi iyon ang bagay na inaalala ko... kundi kalagayan niya ngayon dahil sa masamang panahon!
Tumayo ako mula sa pagkakaupo at sinubukan muli dumungaw sa bintana. Sa mga oras na ito ay hindi ko na magawa pang ikalma ang sarili lalo na noong dumapo ang aking mga mata sa orasan na nakasabit sa aming dingding.
Pasado alas onse na nang hating gabi ngunit hindi pa siya tuluyan nakakauwi. Bumalik ako sa pagkaka-upo sa mahabang silya na gawa sa matigas na kawayan, nanghihina at nawawalan ng lakas ng loob.
Nagtagis ang aking ngipin nang hindi sinasadyang dumaplis ang aking tingin sa pakong may nakasabit na amerikana na pagma-may-ari niya. Nag iwas ako roon ng tingin ng makaisip ng plano. Sumulyap ako sa bintana para tignan ang sitwasyon mula sa labas.
YOU ARE READING
The Devil's Secret Desire
RomansOn-going Elora Flynn Salguero or known as Estelliana is an only child, she is kind, loving, and smart daughter of her mother. She had dreams for herself and surrounded herself with good and loving friends. She pursued a degree in architecture and sh...