The Turning

16 0 0
                                    


Chapter Eight: The Turning

Dumaan ang araw at buwan na nag-aaral lang ako ng mga obligasyon ko sa palasyo. Umiwas ako na makasalamuha ang kababaihan ng Notus hanggat maaari. Mahirap na at baka madawit pa ako sa kung anong hindi maganda.

Hindi ko na kailangan ng dagdag isipin, sapat na ang tensyon ko sa buhay dahil sa Reyna na pinupuntahan ko sa Zephyrus bawat sikat ng araw upang makapagbigay-galang. Nandyan din ang mga galamay niya sa paligid. Buntong-hininga na lamang ang nagagawa ko sa tuwing nakahuhuli ako ng mga nagtatakang gumawa ng masama sa akin na konektado sa kanya.

"Mukhang malungkot ka, binibini?" Pansin ni Samira sa akin nang makita akong nakapangalumbaba sa teresa ng kwarto, tanaw ang makulay na hardin sa ibaba.

Nang silipin ko siya ay hawak niya ang mga gamit panlinis. Mabilis na kumikilos sa loob ng kwarto. Pakunwari na bumalik sa gawain. Napangiti ako dahil hindi nakatakas sa aking pandinig na naging kaibigan siya sa akin sa mga katagang binitawan, kahit pinagbabawal.

"Hindi naman. Wala ba akong gagawin ngayong araw?" Mabini kong tanong sa kabila ng pagtataka. Dapat kanina pa lang na paggising ko, may nakapila nang aralin mula kay Matron Cornelia.

"Wala ho sa aming binilin. Baka ho abala sila sa ibang bagay. Balita ko ho kasi, nagkaroon ng mahabang diskusyon sa asembleyo. Marami raw hong nasalanta ng bagyo at lindol pagkatapos ay mayroon ding nag-aaklas sa magkabilang dako ng Pangea. Hindi nakapagtataka kung ganoon na lamang ang tuon ngayon sa royal family. Maraming pwedeng mangyari." Napakagat ako ng labi sa narinig.

Agad akong nahiya sa dami ng ginagawa ng Hari. Ako, narito lang, talo ko pa ang isang palamuti sa Notus. Sana kayanin ni Tariel ang mga bagay na ito. Wala ako sa tabi niya para suportahan siya. Hindi naman niya ako pinatawag para basta-basta na lang pumunta sa kanyang silid.

Pinilig ko ang ulo saka tinapos ang pag-uunat. Mabini akong naglakad papasok sa kwarto upang maghanda ngayong araw.

"Anong pwede kong maitulong sa labas?" Tanong ko kaya natahimik ang kwarto.

Nagtinginan sina Ruth at Samira. Tinungo ko muna ang walk-in closet dahil mukhang nahirapan sila sumagot. Ngunit, bago pa ako makapasok doon ay nagsalita na si Ruth.

"Marami ka na hong naaral. Siguro naman ay pwede ka nang gumanap bilang pinakamataas na binibini ng Notus. Lumabas ka lamang ng kwartong ito, paniguradong kikilos sila nang maayos at isasagawa ang mga tungkulin nila sa araw-araw." Magalang niyang pagsasatinig ng suhestyon bago yumukod at nagpatuloy sa pag-aayos ng magarbong kama.

Ngumiti ako sa kanya kahit napapaisip. Nag-aalangan ako dahil malamang sa malamang ay may aalma, iyong mga tapat sa Reyna.

Nang tiningnan ko si Samira ay tango ang iginawad niya kasabay ng sumusuportang ngiti. Nanakit ata ang ulo ko. Wala pa naman rito sina Amista, Vida, at Cara para magbigay ng ibang suhestyon. Napakamot na ako sa pisngi. Ito ba ang kailangan na tulong ni Tariel?

"Bakit nga ba hindi? Kailangan ng Hari ang tulong mo, Binibining Dharma." Napamulagat ako nang marinig ang boses ng Inang Reyna. Nang makitang siya nga ang nasa pinto ng aking kwarto ay agad akong nagbigay-pugay. Gumilid naman palayo sina Ruth at Samira.

"Kung ikatutuwa niyo ho, Inang Reyna, gagawin ko." Nakangiti siya habang tumatango, na parang hindi niya ako isinusuplong sa mga leon ng palasyo.

Oras na gumalaw ako ayon sa gusto niyang mangyari, iba't ibang hayop ang kakailanganin kong harapin at kalabanin. Unti-unti na akong naninigas sa pagkakatayo sa may hamba ng walk-in closet.

"I know what you're thinking. But a piece of advice, my dear. Become the Lioness or be their prey. I have limited time in this world, I cannot assure your safety once I'm gone, unless you become someone I know you could if you want." Napipilan ako sa mga narinig.

Dharma the DutifulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon