Ang Panaginip

2 1 2
                                    

Maliwanag ang sikat ng araw at maaliwalas ang hangin. May mga batang naglalaro at nagtatakbuhan paikot sa parke. May mga mag-asawa at magkasintahan na makikitang nakaupo sa mga upuan sa parke habang ang iba ay nagpipicnic.

Isa sa magkasintahan na nasa parke ay sina Kael at Avie. Masaya silang nagkekwentuhan habang pinagsasaluhan ang fries na binili nila. Napagdesisyonan nilang sa parke na lamang gawin ang proyekto na iniatas sa kanila ng kanilang guro. Nagsimula na silang gawin ang proyekto.

Sa kalagitnaan ng kanilang paggawa naisipan ni Kael na bumili ulit ng kanilang makakain dahil ubos na ang fries na pinaghahatian nila kanina. Nagpaalam siya kay Avie at naghanap na ng makakain nila at naiwan si Avie mag-isa sa lamesa nila at nagpatuloy na lamang ito sa paggawa ng proyekto.

Ilang segundo pa lamang ang nakalilipas mula nang umalis si Kael ay may lumapit na babae kay Avie. Kapansin-pansing kaedad niya ito ngunit mas matangkad nang kaunti, nakalugay ang tuwid nitong buhok at nakasuot ng uniporme na katulad ng sa kanila ni Kael. Inabot sa kaniya ng babae ang isang rosas na pula at may papel na nakatiklop.

"Pinaabot lang sa akin iyang bulaklak at papel at sinabi na para raw sa iyo"

Umalis na agad ang babae at binasa naman ni Avie ang nakasulat sa papel. Ikinabahala ni Avie ang nakasulat sa papel ngunit agad niyang naisip na baka galing ito kay Kael at nais lamang siyang isorpresa. Pagbalik ni Kael ay nginitian nya ito at pabirong hinampas.

"Ano ka ba! Hindi mo na kailangan bumili ng bulaklak at sorpresahin ako nang ganito, kunwari ka pa na bibili ng pagkain. Ikaw ahhh"

Agad nagtaka ang lalaki at tinanong si Avie kung ano ang tinutukoy niya. Agad na pinakita ni Avie ang papel at bulaklak na inabot sa kaniya ng babae kanina, at nagtaka si Kael at agad na ipinakita ang binili niyang pagkain.

"Totoong bumili ako ng pagkain, mahal."

Nabahala si Avie at Kael sapagkat nakasulat sa papel ay:
"Gusto ko akin ka lang"
Agad binalot ng takot si Avie nang makarinig siya ng pagkasa ng baril. Inilibot ni Avie ang paningin sa paligid at biglang nawala lahat ng tao at napuno ng kadiliman ang paligid at tanging si Kael na lamang ang nakikita niya.

Nakatitig sa kaniya si Kael na nanlalaki ang mata, agad itong tumakbo palapit sa kaniya. Hinawakan siya ni Kael sa bandang tiyan at nakita ni Avie na may dugo ito.
Dahan dahang lumingon si Avie sa likuran niya at nakita ang lalaking hindi niya kilala, nakaitim itong t-shirt at may hawak na baril.

Naramdaman ni Avie ang panghihina at natumba siya habang hawak-hawak ni Kael. Sabay silang napaupo habang nakahawak si Kael sa bandang tiyan niya na puno na ng dugo. Dahan-dahan ipinikit ni Avie ang mata at tuluyang binalot ng dilim ang buong paligid.

Agad na bumangon si Stella at halatang natakot siya sa kaniyang panaginip. Ramdam na ramdam niya ang mga pangyayari na para bang ito ay totoo at nangyari sa kanya.

Tumingin siya sa orasan at medyo maaga pa pero kumilos na siya agad. Nagluto ng almusal, naligo, nagbihis, at kinandado na niya ang bahay matapos makapaghanda. Pupuntahan niya ang isang kakilala na pumanaw na.

Nakarating na siya sa sementeryo at malapit nang matapos ang sinasabi ng pari. Mabuti at nakaabot pa siya at nasilayan niya ang bangkay bago ito ibaon sa lupa habang buhay.
Matapos ilibing ang bangkay ay lumapit si Stella sa magulang ng namatay.

"Taos pusong pakikiramay po sa inyo Mr. and Mrs. Torrez"

Yumuko ang dalaga sa harap ng mag-asawa. Hindi matigil ang pag-iyak ni Mrs. Torrez habang ang kaniyang asawa ay hinahagod ang kaniyang likod at inaalalayan siya.

"Maraming salamat sa pagpunta, Stella. Hanggang ngayon ay hindi namin matanggap ang pagkawala ng aming anak, napakabuting bata ni Avie."

Makikita ang paghihinagpis sa mata ni Mr. Torrez habang binabanggit ang mga salitang iyon. Dahil dito ay nalungkot din si Stella. Naalala niya ang panaginip niya kaninang umaga, ito siguro ang mga eksaktong nangyari kay Avie sa mga huling sandali ng buhay nito. Nagpaalam na din siya agad dahil may isang tao pa siyang nais makita.

Pinaandar na niya ang motor at pinuntahan ang kulungan na medyo malapit lang sa sementeryo. Nais niyang bisitahin ang kaniyang matalik na kaibigan na nakulong nung nakaraang linggo lamang.

Nang makapasok siya sa loob ng kulungan ay naupo na siya sa isa sa mga lamesa doon at inantay si Lucas, ang matalik niyang kaibigan.
Dumating ito agad at lumapit sa kaniya upang yumakap.

Umupo sila sa lamesa at nakaharap sa isa't isa. Agad na humagulgol si Lucas at tumungo sa lamesa. Makikita ang labis na pagsisisi sa muka nito. Tinapik-tapik ni Stella ang balikat ng kaibigan at hindi na din napigilan ang maluha dahil alam niya sa sarili na siya ang dahilan kung bakit nakakulong ang kaniyang kaibigan ngayon.

Naisip ni Stella na kung hindi lamang niya isinumbong ang kaibigan, siguro wala ito ngayon dito sa kulungan. Pero may pagsisisi man ay tama ang kaniyang ginawa. Naisip din ni Stella na tama lang na sinumbong niya ito dahil hindi tama ang ginawa ng kanyang kaibigan at nararapat nitong malaman na mali ang kaniyang mga nagawa.

"Kagagaling ko lamang sa libing ni Avie at naisipan ko na dumiretso dito. Labis ang pagdadalamhati ng mga magulang ni Avie. Sana ay natutunan mo na mali ang iyong nagawa, Lucas. Kaibigan mo ako ngunit hindi pwedeng itago kita sa ganito kalaking kasalanan, patawarin mo ako."

Ilang minuto na humagulgol si Lucas at natigil din ito sa pag-iyak. Tumingin siya kay Stella at ngumiti, ngunit makikita ang lungkot mula dito.

"Patawarin mo ako, Stella. Hindi ko muna inisip, kumilos ako agad, ni hindi ako nakinig sayo."

Agad itong naiyak ulit ngunit tapos na ang oras ng pag-uusap nila at kailangan na bumalik ni Lucas sa kaniyang selda. Niyakap ulit ni Stella ang kaibigan sa huling pagkakataon.

Bibisita na lamang siya dito sa susunod na linggo pag may bakanteng oras. Sumakay na agad si Stella sa kaniyang motor at pinaandar ito.

Naiisip nya pa din ang kaibigan, panigurado na kawawa ito sa loob ng selda. Ngunit wala na siyang magagawa, dapat nitong harapin ang kaparusahan sa pinakamalaking pagkakamali na nagawa nito, ang patayin si Avie.

Matagal na gusto ni Lucas si Avie at hindi nito matanggap na hindi siya kailanman magugustuhan ng dalaga dahil may kasintahan na ito at yun ay si Kael. Naisip ni Lucas na kung hindi si Avie mapapasakanya ay hindi ito pwedeng mapunta kahit kanino at naisip niyang patayin na lamang ito.

Nagising si Lucas sa malakas na pagyugyog sa kaniyang balikat. Tumingin siya sa kaniyang tabi at nakita si Stella na nakangiti sa kaniya.

"Kaya pala hindi kita makita sa canteen kanina, nandito ka pala sa library. Di ka naman nagbabasa ng libro, natutulog ka lang eh. Wala pa sana akong balak na gisingin ka pero magsisimula na kase yung susunod nating klase kaya tumayo ka na dyan."

Tumayo na si Lucas at nagsimula na silang maglakad palabas ng library.

"Hindi ka maniniwala sa panaginip ko. Natatawa nalang ako eh"

Nakangiti na sabi ni Lucas at umakbay kay Stella. Matagal na silang magkasintahan at natatawa na lamang siya sa kaniyang napanaginipan dahil si Avie ay crush niya lamang nung highschool pa siya, ngunit college na siya ngayon at si Stella na ang mahal niya.
Hindi siya makapaniwala at labis na natatawa sa panaginip niya, ni hindi niya naisip na saktan si Avie noon o patayin ito.

Natatawa siya habang kinekwento kay Stella ang kaniyang panaginip at hindi din makapaniwala ang dalaga. Sabay silang tumatawa sa panaginip ni Lucas nang makasalubong nila si Avie sa hallway.

Sabay silang ngumiti dito, kumaway at ngumiti naman pabalik si Avie sa kanila.

Nagmadali na si Lucas at Stella dahil malapit na magsimula ang susunod nilang subject. Habang nagmamadali sa paglalakad ay napangiti na lamang si Lucas sa ala-ala niya sa highschool, nung mga panahon na gusto nya pa si Avie. Hindi siya kailanman nagustuhan ni Avie at hindi niya rin ito naligawan dahil mas mahalaga ang pag-aaral para sa dalaga. Nagpapasalamat siya at nakilala niya si Stella, hindi niya inakala na mamahalin pa niya ito nang higit kay Avie.

One shot storiesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon