Chapter One

10.8K 194 22
                                    

Chapter One

 

NAPASIMANGOT si Bettina Sanchez— o mas kilala sa lugar nila sa pangalan na "Bebang"—sa dalawang babae na nag-uusap sa harapan ng kanilang sari-sari store. Parang mga pokpok kung mag-ayos ang mga ito: heavy make-up, hairstyle na parang kay Lady Gaga at kapwâ nakasuot ng maiikling shorts. Palibhasa kasi ay sa isang squatter area sila nakatira kaya normal lang ang makakita ng ganoong mga tao.

                Minasdan niya ang sariling repleksiyon sa garapon ng candy at lalo pa siyang napasimangot sa nakita. Malapad ang noo niya na parang paliparan ng eroplano. Makakapal ang mga kilay na parang matatabang lintâ sa ilog. Makapal at parang ilang beses pinasabugan ng atomic bomb ang mga labi niya. Rough at dark-skinned pa siya dahil wala siyang pambili ng lotion. Dati, gumamit siya ng cooking oil bilang alternative sa lotion at ang nangyari ay nagmukha siyang sapatos na bagong Kiwi sa sobrang kintab ng kanyang balat!

                Para sa kanya, life is unfair. Bakit may maganda at pangit pa? Dapat ay magkakamukha na lang ang mga tao para walang discrimination sa mga pangit na tulad niya.

                "Bebang, aalis muna ako at maniningil ako ng pautang!"

                Nagulat si Bebang sa biglang pagsulpot ng Tiya Dora niya, ang tanging kamag-anak niya na kanyang kakilala.

                "Sige po, Tiyang. Ako na'ng bahala sa tindahan."

                Bukod sa maliit na tindahan ay negosyo rin ng Tiya Dora niya ang "5-6," o pagpapautang ng pera na may kaunting patubô. Naimpluwensiyahan kasi ito ng ka-live-in partner nitong Bumbay. Sa edad na forty-five ay may thirty-two-year-old na boyfriend pa ito.

                Nagulantang si Bebang sa biglang pagtili ng dalawang babae sa harap ng tindahan nila. "Ay! So kilig to the apdo naman 'yan!"

                Kilala niya ang dalawang ito: sina Bubble at Chika na kilala sa lugar nila bilang mga malalandi. Kung sinu-sino ang mga nagiging nobyo ng dalawa.

                Masakit na sa tainga ang ingay ng mga hitad na ito. Kailangang mapaalis na niya ang dalawang babaeng iyon.

Kinuha niya ang pangpaspas niya sa langaw at walang pakialam na pinaspas iyon sa harapan nina Bubble at Chika.

                "Ang dami namang langaw! Grabe! Ano ba 'yan, ang dami talaga!" Wala siyang pakialam kahit matamaan pa niya ang dalawa. Iyon naman talaga ang gusto niya para umalis na ang dalawang ito at maramdaman nina Bubble na hindi ito welcome sa tindahan nila.

                "Ano ba?! Natatamaan mo kaya kami, Bebang!" iritang turan ni Chika.

                "Sorry, ha. Ang dami kasing langaw. Kailangang mapaalis ko sila!" pagpaparinig ni Bebang. "Hindi kaya isa sa inyo ang nakatapak ng tae kaya nilalangaw dito?" nakangisi niyang patuloy. Pakiramdam niya ay nagmukha siyang demonyo sa ngisi niyang iyon.

                Awtomatiko namang tiningnan ng dalawa ang mga ilalim ng kanilang tsinelas para makita kung nakatapak sila ng sinabi ni Bebang. "Wala. Hindi ako nakatapak," nakalabing turan ni Bubble.

                "Me too," ani Chika.

                "Muntik ko nang makalimutan! Magkikita nga pala kami ni Josh today!" eksaheradang pagkakasabi ni Bubble.

                Kaylapad ng ngiti niya nang umalis na ang mga ito. Sa wakas ay makakamtam na niya ang kapayapaan at katahimikang inaasam niya ngayong wala na ang dalawang maiingay na iyon.

I Heart U, Panget!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon