"Hello Ma," bungad ni Chris sa ina niya nang sinagot niya ang tawag nito. "Anong atin? Kumusta na d'yan?"
"Anong "Anong atin?" ka d'yan Christina?" hindi makapaniwalang tanong ng ina niya sa kanya. Napangiti naman si Chris sa reaksyon ng ina niya. Gusto niyang matawa ngunit mas pinili niyang pakinggan muna ang mga susunod na sasabihin ng kanyang ina. "Okay lang kami dito."
"O, anong problema natin?" tanong niya sa ina habang patuloy na nililinis ang kanyang armas.
"Hindi mo ba naaalala? Malapit na ang birthday ng lola mo," paalala ng ina niya.
"Makakalimutan ko ba naman ang birthday ni Nanay? Syempre, alam ko 'yan. Huwag po kayong mag-alala. Magpapadala po ako ng regalo at babatiin ko po ang lola ko kaya 'wag ka ng mag-alala, Ma," rason ni Chris.
"Hindi 'yon. Kailan ka ba uuwi? Dalawang taon ka ng hindi umuuwi dito sa'tin ah," dinig ni Kris mula sa kabilang linya.
"Ma, alam n'yo naman po 'tong trabaho ko, walang break. Hindi ko naman po pupwedeng pabayaan ang kapakanan ng mga mamamayan dito sa ating bansa, ano?" rason pang muli ni Chris.
"Aba'y sumusobra na yata 'yang trabaho mo Chris ha. Hindi mo naman kinakailangang gawin 'yan, 'di ba? Marami naman kasing ibang trabaho d'yan -"
Piniling putulin ni Chris ang sasabihin ng ina. "Ma naman. Hindi pa ba tayo tapos dito?" Napatigil si Chris para huminga ng malalim. "Mas gusto ko po 'tong ginagawa ko ngayon saka 'di naman po mamamatay kaagad 'tong anak n'yo," patuloy niya saka napatawa.
"Hay naku Chris! Kung 'yan ang gusto mo, o sige, ayan, pinahintulutan ka namin ng papa mo pero Chris naman, sana man lang kasi maalala mong umuwi, 'di ba? Miss ka na namin dito. Kahit ngayon lang. Matanda na si Nanay."
Batid ni Chris ang kalungkutan mula sa mga huling salitang binitiwan ng kanyang ina. "O sige, titingnan ko Ma," sagot nalang niya sa ina.
"Huwag mong tingnan, gawin mo Christina," masinsinang tugon ng ina niya.
Napaisip naman si Chris.
"dela Rosa, pinapapatawag ka ni Kumander!" napatigil naman si Chris sa pag-iisip sa biglang pagtawag sa kanya ng kasamahan niya sa trabaho.
Tumango naman si Chris sa kasamahan at nagpaalam sa ina, "Sige Ma, pinapatawag na ako ni Kumander."
"O, sige. Mag-ingat ka, anak. I love you," tugon ng ina niya.
"I love you too, Ma," sagot niya sa ina saka pinatay ang cell phone niya.
Binalewala na muna ni Chris ang mga sinabi ng ina saka isinuot ang black leather jacket niya't pinuntahan si Commander General Valderama. Kumatok ito't napansin naman siya kaagad ni Valderama. Agad naman siyang sinenyasan ni Valderama na pumasok sa opisina nito.
"Ipinapatawag n'yo raw po ako Sir," sabi niya sa matandang lalaking nasa harapan niya.
"Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, dela Rosa," paunang mga salita ni Valderama sa babaeng nasa harapan niya. "Nagkausap kami ng Tito mo and he's wishing me to dismiss you," patuloy niya. Bigla namang nagbago ang timpla ng mukha ni Chris nang marinig ito pero matagal niya na rin namang alam na darating at darating sa ganitong punto ang Tito niya. "And I'm granting you dismissal."
"Ano ho?" Tila nabingi si Chris nang marinig ito mula sa kanyang boss. "Pero Sir, hindi n'yo pupwedeng gawin 'yan. Wala naman pong complaints about me saka Sir, lahat naman po ng misyon na pinapasukan ko, natatapos ko at napagtatagumpayan ko." Animo'y masisigawan niya na ang commander general na nasa harapan niya.
Sinenyasan naman kaagad siya ni Valderama na kumalma. "I know, Christina. Hindi naman 'to permanent dismissal. This is just a temporary dismissal. I'm giving you a vacation kapalit na rin ng lahat ng mga nagawa mo bilang isa sa mga magagaling na agents natin dito sa bansa."
BINABASA MO ANG
Sa Tamang Tyempo
Random"Sa Tamang Tyempo" ay isang pagbabalik sa nakaraan ni Christina Rodriguez dela Rosa na piniling lumayo at kalimutan ang lahat ng sakit at puot na kanyang natunghayan sa larangan ng pag-ibig simula nang araw na nasampal siya ng katotohanang napamukha...