UNANG KABANATA

14 3 0
                                    

UNANG KABANATA

"BAKIT ganiyan ang timpla ng mukha mo, Lianna? Daig mo pa ang lunod sa utang, ah?" puna ni Amanda sa kaibigan na malalim ang isip at nakatingin sa kawalan.

Napabuntong-hininga lamang si Lianna. "Hay, kung alam mo lang. Lunod talaga kami ngayon sa utang at hindi alam kung paano makakaahon," malungkot na sabi niya sa kaibigan.

"Utang? Tatay mo na naman ang dahilan, ano?" paninigurado ni Amanda.

"Oo, eh. Kaya nandito ako ngayon kasi kailangan ko ng tulong mo."

"Tulong ko? Ngayon pa lang ay uunahan na kita. Wala akong maipapautang sa'yo. Heto nga at ang dami ko pang bayarin na nakapila," pagsansala ni Amanda sa kaibigan.

"Sira! Hindi ako uutang sa'yo. Alam ko namang kuripot ka. Magpapatulong sana akong makahanap ng raket. Baka may alam ka."

"Kung sa raket rin lang ay marami akong raket. Ang tanong ay kung kakayanin ba ng sikmura mo ang raket na ibibigay ko."

"Alang-alang sa pamilya ko ay kakayanin ko, Amanda. Kahit patayin ko ang katawan ko sa pagtrabaho sa restaurant ni Madam ay hindi ako makakaipon ng malaking halaga para mabayaran ang utang ni Tatay."

"Magkano ba ang utang ng tatay mo at ganiyan ka ka-problemado?"

"Five million na raw."

Halos lumuwa ang mata ni Amanda nang marinig ang sagot ni Lianna. "Five million?! Anak ng tokwa naman, Lianna! Saang bunganga ng dinosaur mo huhugutin 'yang ganiyan kalaking halaga ng pera?"

"Kaya nga ako humihingi ng tulong, 'di ba? Tutulungan mo ba ako o hindi?"

"T-Tutulungan siyempre," nag-aalangang sagot ni Amanda.
Kahit gaano siya kahandang tulungan ang kaibigan ay alam niyang labag ito sa kaniyang kalooban. Matagal na silang magkaibigan at kahit pa pagiging prostitute ang hanapbuhay niya na ipinangsusuporta sa mga kapatid at inang may sakit ay hindi siya nito hinusgahan o minaliit man lang kaya laking gulat niya nang sabihin nitong papasukin na rin niya ang ganoong klase ng hanap-buhay para mabayaran ang utang ng kaniyang ama na baon na sa utang. Alam ni Amanda na mali ang kaniyang paraan ng paghahanap-buhay pero sino ba ang magbibigay sa kaniya ng ipangkakain nila araw-araw ng kaniyang mga kapatid na pawang nagsisipag-aral at gastusin sa dialysis ng kaniyang ina na umaabot sa bente mil kada linggo ang gastos? Sa mga maayos ang buhay at kalagayang pinansiyal ay karumal-dumal at napakarumi niyang babae dahil nagbebenta siya ng aliw para buhayin ang kaniyang pamilya pero para sa kaniya ay malaking tulong ang ginagawa niya para hindi sila magutom. Maraming nagsasabi na bakit hindi na lang siya maghanap ng maayos at disenteng trabaho pero anong trabaho ba ang papasukin ng gaya niyang hindi pa man lang nakatapos ng high school? Lahat ng pangmamaliit at pamamahiya ay nilulunok niya araw-araw at umaasang darating ang araw na puwede na rin siyang tumigil sa maruming gawain at mamuhay ng marangal.

"Isama mo naman ako sa mga raket mo minsan," pamimilit ni Lianna sa kaniya.

"Sigurado ka talaga?" tanong muli ni Lianna.

"Oo nga. Kailangan ko ng mabilisang kita para maisalba si tatay sa mga banta sa buhay niya dala ng malaki niyang utang."

"Hanga rin ako sa'yo, eh. Ang dapat sa tatay mo ay hinahayaan na lang na ma-salvage, tutal puro problema lang ang ibinibigay sa inyo ng nanay mo. Ibibenta mo pa ang sarili mo para sa gano'ng klase lang ng tao. Kung sa customer lang, Lianna, paniguradong marami ang magkukumahog diyan sa ganda mo lalo pa 'pag nalaman nila na wala pang ibang nakakakuha sa'yo pero 'yong dahilan ng pagpapakababa mo ay hindi worth it."

"Ginagawa ko ito para kay nanay kasi alam ko na kahit naging iresponsable si tatay ay gagawin niya pa rin ang lahat para tulungan ito. Ganoon talaga siguro kapag mahal mo ang isang tao, gagawin mo ang lahat kahit wala ng matira para sa sarili mo."

Umaktong nadidiri at kinikilabutan si Amanda dahil sa sinabi ni Lianna. "Yuck! Hindi na uso ang ganiyan ngayon. Masarap ang may nagmamahal pero mas masarap mabuhay nang stress-free. Kung iresponsableng lalaki lang din ang pipiliin mong mahalin nang wagas at pagdudusahan mo ng bongga habang nabubuhay ka ay mas mabuti nang manatiling single habang buhay."

"Oo, na. Alam ko naman kung bakit ganiyan ang pananaw mo at hindi ko 'yon kukuwestiyunin. Umaasa rin naman ako na matinong lalaki ang makakatuluyan ko, 'no? Ikaw ba? Wala ka bang pagsisisi sa naging choice mo?"

Sumeryoso ang reaksyon ng mukha ni Amanda. "Pagsisisi? Sabi nila, nasa huli raw ang pagsisisi. Ewan ko, wala pa kasi akong pinagsisisihan. Siguro ay dahil wala pa ako sa dulo. Kahit ang kaluluwa ko ay handa kong ibenta kay Satanas basta para sa pamilya ko. Gano'n ko sila kamahal. Kaya ikaw pag-isipan mong mabuti 'yang hinihingi mo sa akin. Hindi biro ang papasukin mo kung sakali. Kahihiyan at dignidad ang ibebenta mo at hindi lamang ang katawang-lupa mo."

"W-Wala naman sigurong makakaalam basta wala tayong pagsasabihan, 'di ba?"

"Sa una ay maitatago mo pero habang tumatagal ay kusa ring makakahalata ang mga tao sa paligid mo. Isipin mo, makakabayad ka sa utang ng tatay mo na worth five million pesos at mabibigyan ng maayos na buhay ang pamilya mo pero wala silang nakikita na trabaho mo. Maliban na lang kung magpapakalayo-layo ka at magpapadala na lang. Alam mo naman dito sa probinsya, may tainga ang lupa at may pakpak ang balita."

"So, ano ang dapat kong gawin?"

"Kung talagang desidido ka na ay bukas na bukas rin ay isasama kita sa Maynila. Doon ang next raket ko. Ikaw na lang ang bahala dumiskarte sa paggawa ng idadahilan mo sa mga magulang mo. Basta ang nasisiguro ko lamang sa'yo ay malaking pera ang mapapala mo doon. Baka nga wala pang isang buwan ay mabayaran mo na ang utang ng tatay mo."

Maya-maya pa ay may isang magarang sasakyan ang pumarada sa tapat nila at isang lalaki sumilip mula sa bintana ng kotse. Nagmadaling sumakay papasok ng sasakyan ang kaibigan niyang si Amanda na hindi man lang nagawang magpaalam sa kaniya.
May buong magdamag pa siya upang pag-isipan ang gagawing pagsama sa kaibigan at idadahilan kung bakit siya sasama rito.

Sold DignityTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon