Kabanata 22

1.9K 72 3
                                    

Kabanata 22

Above the Sea of Fog

Yakap-yakap ako ni Wyatt habang nakaupo kami sa damuhan at nakikinig lang sa kwentuhan ng mga mag-asawa. Katatapos lang din naming kumain ngunit hindi pa rin tapos ang kwentuhan.

"Happy?" bulong ni Wyatt sa akin nang humigpit ang kaniyang yakap.

Mas lalo akong sumandal sa kaniya habang ang tingin ay diretso lang sa aming mga bisita.

"Sobra, Wyatt..." sambit ko kasi wala na akong mahanap na salita pa.

Unang pagkakataon ito na nagkaroon ako ng kaibigan na kasama kong magdiriwang ng aking kaarawan. Noong elementary o high school, binabati lang naman nila ako at doon lang din nagtatapos. May iilan naman akong nagiging kaibigan ngunit hindi rin naman nagtatagal. Isang dahilan ay dahil hindi rin naman ako makahabol sa kanila. Kung ano 'yong uso, hindi ako nakakasabay. Kapag nagkakayayaan, hindi ako nakakasama dahil una, may mga kapatid akong dapat bantayan at pangalawa, noong high school, diretso trabaho agad ako pagkatapos sa eskwela.

"I'm happy that you're happy, Rean."

Napangiti ako. Talagang ginawa ito ni Wyatt para sa akin. Kaya naman pala mapilit siya kasi ito 'yong plano niya. Pakiramdam ko tuloy masama akong tao kasi pinigilan ko pa siyang gawin iyon kasi ayaw ko at magastos.

"Rean! Can you sing for us please?" tawag-pansin sa akin ni Ada na ngayon ay yakap na rin ng asawang si Reeve. Ang anak nila ay tulog na habang ang ulo ay nakapatong sa nakatiklop na paa ni Reeve.

"Sige. Ano bang gusto niyo?" tanong ko.

"Anything. We just want to hear your voice."

Nag-isip ako ng kanta na babagay sa lugar kung nasaan kami. Ang daming pwede at dahil marami naman kaming babae rito, maganda rin naman 'yong love songs lang.

"Fly me to the moon, and let me play among the stars...Let me see what spring is like on Jupiter and Mars..In other words...hold my hand...in other words, baby kiss me..."

Nagpatuloy lang ako sa pagkanta. Sa kahit kaunting audience lang, na-appreciate ko 'yong pakikinig nila sa akin. Kahit ang natutulog na si Adave ay nagising sa aking pagkanta at hindi na bumalik sa pagkakatulog. Mukhang mangha ang bata dahil kumakanta ako.

Maliban sa pagkanta, nag-aya rin ang mag-asawang magsayaw kami roon sa camp. Nagpadala pa si Reeve nang maliit na speaker para may musika kami. Ang sabi niya ay hindi naman pwedeng ako pa ang kumanta ro'n at baka mapaos pa ako. Sayang ang puhunan.

Nakatitig lang ako kay Wyatt habang umiikot kami sa pagsayaw. Kinakabisado ko ang kaniyang mukha habang ang kaniyang mga mata ay naglalakbay rin sa aking mukha. Isinayaw niya ako sa malumanay na musika habang ang pintig naman ng dibdib ko ay halos hindi ko maipaliwanag ang damdaming ipinapahiwatig.

Hinaplos ko ang kaniyang batok at pinaglaruan ang dulo ng kaniyang buhok. Ang lambot sa bawat hibla ay ramdam ko sa aking balat. Nang inikot niya ako, nawala ang atensyon ko sa kaniya at natuon iyon sa mga mag-asawang tahimik na nagsasayaw. Napangiti ako nang makita si Muriel na nakahilig sa dibdib ng asawa. Si Ada ay yakap si Reeve sa batok at gan'on din si Mabel sa asawang si Lewis.

Unti-unting kumagat ang dilim at isa-isang umilaw ang fairy lights na niset-up nila kanina. Umawang ang aking labi sa ganda dahil tila mga alitaptap sa ere ang mga ilaw at nagbibigay liwanag sa lugar. Ang lamig ng hangin ay napalitan ng kakaibang init na humaplos sa aking balat.

Tumitig ako kay Wyatt habang nagsasayaw kami. Hindi sapat 'yong pasasalamat ko sa kaniya dahil lubos niya akong pinasaya sa araw na ito. Sa mga nagdaang buwan at araw, wala akong ibang inisip kung paano ko ba maipapaliwanag ang nadarama sa kaniya. Sa bawat paglalayo namin, sa bawat dinig ko sa kaniyang boses, sa bawat bakas ng pag-aalala mula sa kaniya, mas lalo ko lang siyang hinahanap. Mas lalo kong napatunayan sa sarili na hindi lang basta-bastang pagkakagusto ang nararamdaman ko.

Above the Sea of Fog (Provincia de Marina Series #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon