"IROG ko? Ano'ng ginagawa mo riyan?"
Napalingon si Haring Marino sa kaniyang likuran nang marinig ang malamyos na tinig ng kabiyak na si Reyna Oceana. Papalapit ito sa kaniya habang siya ay nasa tabi ng bintana sa kanilang marangyang silid.
Malalim na ang gabi ngunit hindi pa rin magawang dalawin ng antok ang hari ng Oceanus. Isang ngiti ang gumuhit sa labi ni Haring Marino nang nasa tabi na niya si Oceana.
Hinaplos nito ang kamay niya na nakapatong sa gilid ng bintana. "Nagising ka ba at hindi makabalik sa pagkakatulog? Tila ikaw ay balisa. Bakit?" dagdag na tanong nito nang hindi siya magsalita.
Nagpakawala si Marino ng isang malalim na paghinga. "Ang totoo niyan ay hindi pa ako natutulog, irog ko. Hindi ko kayang matulog o kahit ang maidlip lang." Nahihirapang wika niya.
"Dahil ba sa iyong kapatid na si Arwana at ang pagbabanta niya ng digmaan?"
Tumango si Haring Marino. "Bukod doon ay natatakot din ako na isiwalat niya sa Oceanus na wala rito ang ating anak at ito ay nasa ibabaw. Kapag nangyari iyon ay baka magalit kay Kairo ang lahat ng Serian dahil isang malaking paglabag sa lahi natin ang magtungo sa lupa nang walang sapat na dahilan. Baka tutulan ng lahat ang pagiging susunod na hari niya." Umiling-iling siya dahil sa hindi na niya talaga alam ang gagawing hakbang.
"Marino, kung tututulan man ng buong Oceanus ang pagiging hari ng ating anak na lalaki ay wala na tayong magagawa. Ang tanging magagawa natin ay ipakita at patunayan sa kanila na karapat-dapat si Kairo sa pwestong iyong iiwanan. Walang iba ang maaaring maging susunod na hari kundi si Kairo lamang!"
"N-natatakot ako, irog ko... Paano kung hindi ko magawang maprotektahan ang Oceanus laban kay Arwana? Meron siyang kakaibang kakayahan na wala tayo. May mga bagay siyang kayang gawin na hindi natin kaya! At ngayon sa kaniyang pagbabalik ay mukhang mas lalo pa siyang lumakas!" Bakas ang takot sa mata ni Haring Marino.
Nakakabatang kapatid ni Haring Marino si Arwana. Isang taon lang ang agwat ng kanilang edad kaya halos sabay silang lumaki at nagkaroon ng isip. Normal na sirena ito noong isinilang ngunit ang lahat ay nagbago sa kaniyang kapatid sa pagtuntong nito sa edad na anim.
Isang umaga, habang naglalaro sila ni Arwana sa harapan ng palasyo ng agawan ng bolang perlas na kasing-laki ng isang kamao ay bigla itong may sinabi sa kaniya. Anito, nagsasawa na ito sa paglalaro sa paligid ng palasyo. Maghanap naman daw sila ng ibang lugar na mapaglalaruan. Ayaw sanang pumayag ni Marino sa nais na iyon ng kaniyang kapatid dahil mahigpit na ipinagbabawal ang paglayo nilang dalawa sa palasyo. Hindi sa kung anumang bagay ngunit upang sila ay maproteksiyunan.
Noong una ay pinigilan niya si Arwana. Ipinaalala niya rito na mapapagalitan at mapaparusahan sila kapag ginawa nila iyon.
"Napakaduwag mo talaga, aking kapatid! Ganiyan ba ang magiging hari ng Oceanus? Duwag?" Natatandaan pa niya ang sinabing iyon ni Arwana sa kaniya.
"H-hindi ako duwag! Sadyang pagsuway lang ang gagawin natin—"
"Pagsuway ba kung malalaman nila? Paano kung hindi? Hay... Ano pa nga ba ang aasahan ko sa kagaya mong duwag? Mabuti pa na ako na lamang ang mag-isang aalis at magpupunta sa lugar na hindi ko pa nararating! Duwag ka talaga, kapatid!"
Labis na natamaan ang pagkalalaki ni Marino sa mga tinuran ni Arwana. Kaya nang paalis na ito ay mabilis na nagbago ang isip ni Marino at sumama siya sa nakakabatang kapatid. Naglangoy sila palayo sa palasyo at nagtungo sa daan na hindi nila alam kung saan papunta. Dinala sila ng kanilang buntot sa isang madilim na bahagi ng ilalim ng karagatan.
Matataas ang halamang dagat doon. Maging ang mga bato at korales ay nagtataasan.
"Ito na pala ang Nigreos!" Narinig niyang sinabi ni Arwana habang tila mangha itong nakatingin sa nakakatakot na lugar.
BINABASA MO ANG
Mr. Mermaid's First Love (Book 2)
Fantasy[PREVIEW ONLY] Ako si Kairo at isa akong Serian. Mula sa kailaliman ng karagatan ay umahon ako sa kalupaan upang sundan ang babaeng aking iniibig-si Gia. Sa umpisa ay tila napakailap ng swerte sa akin dahil may minamahal na si Gia pero gumawa ng par...