Confession 3- Hindi na Ikaw

1.9K 123 16
                                    

Pauwi na ako ng school noon. Nagtaka ako kung bakit buong araw nang hindi ka nagtetext o kaya'y tumatawag na dati mo namang ginagawa kahit may practice ka sa basketball. Varsity player ka ng school noon at habulin ng mga babae. Isa naman akong ordinaryong interior and fashion design student na jinowa mo at ikinagulat ng maraming kababaihan.

Tinawagan kita. Paulit-ulit.

"Toooot! Tooot! Toooooot! Toooooot!" Isang nagbabadyang tunog ang narinig ko mula sa aking telepono. Isang tunog na katulad ng isang aparatong nakakabit sa katawan ng isang nag-aagaw buhay na pasyente upang masuri kung may tsansa pa itong mabuhay. Ang tunog na iyon ay gaya ng aparatong tinutukoy ko na nakakabit sa aking puso na maaaring dumurog saaking pagkatao.

Binaba mo ang telepono. O mas maiging sabihin kong pinatayan mo ako ng telepono at nagdesisyon kang tapusin at patigilin na ang pagtibok ng aking puso.

NAWASAK AKO.

Matapos mong sabihin, "HINDI NA IKAW. Tapos na tayo. Malaya ka na at huwag mo na akong kukulitin pa!" para nga akong isang pasyenteng nag-agaw buhay habang ninanamnam ng namamanhid kong tainga ang nakakabingi at nakakadurog-pusong tunog ng pinatay na telepono mula sa kabilang linya.

Sinubukan kitang tawagan uli nang agad akong makabawi mula sa nakakabinging tunog na 'yon. Pinagpawisan ako habang nanginginig ang mga kamay sa gitna ng eskinita kung saan nakamasid ang dalawang matandang mag-asawa at ang tatlong apo nilang naglalaro ng piko. Nag-ring pa ang iyong celpon. Tatlong ulit bago mo pinindot ang cancell button dahil narinig ko na naman ang tunog ng animo'y lifeline ng puso ko. Hindi ako sumuko't tinawagan kita. Nasabi mo na dati, na sa mga bagay na 'to ako magaling: sa pangungulit at pagpapakatanga. Naisip ko, namis-interpret mo lang siguro ang sobrang pagmamahal ko sayo.

Nakailang tawag pa ako sayo. Tatlo? Apat? Lima yata o higit sa sampo bago tuluyang hindi ko na marinig na tumunog ang celpon mo. "The subscriber cannot be reached. Please try again later.... The subscriber cannot be reached. Please try again later." Mga katagang inuulit-ulit ng telephone operator -isang paraan para sabihin niya saakin na "HUWAG KA NANG MAKULIT PA! HINDI KA NA NIYA MAHAL! HUWAG KANG TANGA!"

Bagsak ang balikat kong umuwi sa apartment. Ni hindi ko napansing mukha na akong losyang sa ilalim ng mainit na araw dahil sa sobrang sakit na naramdaman ko. Namanhid na ang katawan ko pero hindi ang aking dibdib. Nakatarak parin doon ang ilang libong punyal habang sinasariwa ko ang mga ala-ala nating dalawa.

Ibinagsak ko ang aking katawan sa malambot na kama at agad nitong sinalo ang mga luha kong kanina pa nagbabadya. Nakatulog ako. Nakalimot pansamantala. Nagising. Nananakit ang damdamin. Sabi nila kung mahal kita, pakawalan na kita. Katangahan 'yon, mahal nga kita eh diba? Ba't kita pakakawalan? Ipaglalaban kita.

Araw-araw kong naging bisyo ang hindi magmove on at magpaka-Judy Ann Santos. Iyak ang aking umagahan, tanghalian at hapunan at may midnight snack pa na puros hikbi at pag-iyak din. Wala akong nasandalan sa loob ng ilang buwan. Nangayayat ako. Naging eskwela-bahay-eskwela-bahay ang naging paulit-ulit na saksi sa aking pagpapakatanga.

Sobrang sakit kahit paulit-ulit pero mas maigi na yung nararamdaman ko ang sakit dahil mahal kita kaysa dumating ang kinatatakutan kong wala na akong maramdaman dahil bahagi ka na ng nakaraan. Ayokong isiping mangyayari 'yon. Ganoon ako kamartir!

Halos ibagsak ko na lahat ng subjects ko noon. Halos hindi na ako pumasok.

Araw-araw, nandoon parin ang sakit.  Parang isang malalim na sugat na napakahirap humilom. Marahil ay gawa ito ng sobra mong pagiging sweet noon kaya hanggang ngayon ay hindi parin gumagaling ang aking sugat, naging diabetic na yata ako.

Ilang buwan ko pang ininda ang sakit bago ko naramdamang unti-unti na akong nasasanay na wala ka. Namanhid na siguro ako marahil kaya hindi ko na halos maramdaman ang sakit. Nandoon ka parin siguro sa puso ko pero parang hindi na kita maramdaman at ang sakit na dulot mo.

Nasaktan ako.

Tinalikuran mo ako.

Hinabol kita.

Nadapa ako.

Hindi mo ako nilingon at binalikan.

Napagod ako.

Tumigil sa paghahabol sa'yo.

Bumangon ako sa pagkakadapa at pinagmasdan kitang makalayo hanggang sa di ka na maaninag ng aking paningin.

Nawala ka sa paningin ko pati sa puso ko.

Sinubukan kong alamin kung bakit ayaw mo na? Una, tinanggi kong wala na tayo. Tapos sinubukan kong magbago at gawin ang mga gusto mo para balikan mo ako.

Hindi umubra... tumanggi ka. Nagalit ako't pinagbantaan kitang magpapakamatay ako. Hanggang sa nayupos ako dahil ilang ulit ko nang sinabing magpapakamatay ako ay hindi ko parin nagawa.

Mahirap man pero sinubukan kong aliwin ang aking sarili, Humanap ng kalinga sa iba. Hanggang sa napagod na rin ako. Namanhid at nasanay sa sakit bago ko mapagtantong wala na talaga tayo. HINDI NA AKO... naibulong ko pa sa sarili ko nang makita ko kayo ng bago mo. Nagbulag-bulagan pa ako dati, paulit-ulit na tinangging hindi mo na ako mahal. Hanggang sa nalaklak ko na ang isang drum ng realidad na wala na talagang tayo.

Matagal bago ako napagod. Ilang taon din bago ko nabawi ang sarili ko mula sa kulungang nilikha ng pagmamahal ko sayo. Halos makalimutan na kita.

Nabawi ko ang aking sarili dalawang taon bago mo ito kinuha saakin. Ginugol ko ang panahon ko sa aking negosyo pagkatapos kong grumaduate. Nagpakadalubhasa ako sa pagiging designer hanggang sa magkaroon ako ng sarili kong botique. Naglaon, naging matagumpay ako sa aking karera. Hindi mo alam kung anong mga pinagdaanan ko at ilang beses akong nadapa at nahulog bago ako naging isang sikat na fashion designer.

Hanggang ngayon, hindi ka parin makapaniwala na ako ang kaharap mo habang kinukonsulta ako ng magiging asawa mo kung anong magandang traje de boda ang gagamitin ng isang katulad niyang nasa lagpas singkwenta na ang edad. Noong una ay hindi mo pa ako nakilala. Hanggang sa mapagtanto mong ang initials ko ang marka ng aking botique. Kita ko sa iyong mga mata ang sobrang gulat at pagsisisi. Kilala na kita. Limang taon din tayong nagsama kaya alam ko kung anong reaksyon ng isang tulad mo kapag nagsisisi at may gustong bawiin.

Nang nasa dressing room na ang matronang pakakasalan mo, sinubukan mo akong kausapin. Alam kong sa mga oras na 'yon ay magsisimula ka na namang ligawan ako at bawiin. Dahil ba hindi na ako mukhang tanga? Dahil ba hindi na ako mukhang mahina at iyakin?

"Hello baby!" Isang boses ang narinig ko mula sa likod mo. Napangiti ako. Siya' yonh nagligtas saakin mula sa pagkakalunod nang tangkain kong magpakamatay. Siya rin ang nagsabi saakin na "Sa tao, di maiiwasan minsan maging martir. Kahit na ikaw ung makaranas ng sakit ok lang mapasaya mo lang ung tao na minamahal mo. Eh ikaw? magdurusa ka na lang? Kelangan minsan tayo, magkaron ng tapang sa sarili upang di masaktan. Ipaglaban mo hanggang sa kaya mo. Pero wag umabot sa point na parang aso ka na hahabol -habol. Isipin mo din ang sarili mo. Kung talagang wala ng pag-asa, tigilan mo na. Mahalin mo ang sarili mo at sabihin mo di ka nagkulang dahil nagawa mo syang ipaglaban.", na nabasa niya mula sa libro ni Bob Ong. Siya na ang bagong kinababaliwan ko at HINDI NA IKAW.

"YES BABE!?" Sigaw ko pa bago dinungaw ang gwapong engineer na magiging ama ng tatlong linggong anghel sa sinapupunan ko. "Excuse me..." bulong ko sayo bago tinungo ang tanging nagmamay-ari ng puso ko. Tumalikod ako sayo at hindi ka nilingon nang minsa'y tawagin mo ang pangalan ko. Naramdaman mo rin siguro ang sakit na naramdaman ko dati nang talikuran mo ako. Hindi na ako gaya ng dati. Hindi na kita mahal.

HINDI NA IKAW.

#empoweringWomen

When Hearts ConfessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon