Confession 4 -Bus C

1.6K 93 9
                                    

Parang latigong humahampas ang sinag ng araw sa aking balat. Nakalimutan ko kasing magdala ng payong bago ako magtungo sa RTU para sa pag-eenrol ko sa Graduate school. Matapos kong malaman na delayed ang MRT dahil sa nasiraan daw ang daanan ng tren sa may North Avenue, wala akong nagawa kundi bumaba at mag-bus na lang. Aabutin pa kasi ako ng siyam-siyam kapag hinintay kong maayos ang MRT. May pasok pa ako kinagabihan at kailangan kong makauwi kaagad para makatulog.

Nakailang lagpas ang matutulin na killer bus. Paunahan sa pagsakay ang mga naghihintay na pasahero sa ilalim ng Boni station. Nagmistulang may zombie apocalypse dahil sa mga taong nag-aabang ng buhay na laman tuwing may titigil na bus. Isa ako sa pinakamapalad na zombie dahil agad akong nakasakay sa isang bus na may markang C. Tayuan kaming mga pasahero mula Boni station.

Napansin kita nang tumigil ako sa harap mo habang ika'y komportableng nakaupo at nakayuko katabi ang isang babaeng nagmistulang bavarian flavor ang mukha dahil sa sobrang kapal ng foundation nito sa mukha. Marahil ay napansin mong pinipigil ko ang pagtawa ko nang makita ko ang babaeng katabi dahil nakita ko ang bahagyang pag-angat ng gilid ng iyong mga labi. Napansin kong may itsura ka at mukhang disente.

Nakailang preno pa ang killer Bus C at nakailang lingon-titig-bawing-tingin ako sayo. Hindi ko alam pero parang habang tinititigan kita at nililingon ay mas gumaganda ang iyong mukha. Nawawala ang sobrang init ng panahon dahil dinadala mo ako sa kalangitan sa tuwing minamasdan kita.

Habang nakatayo ako sa harap mo at ika'y napapakunot ng noo dahil sa wirdong pagsulyap-sulyap ko sayo, hiniling ko na sana bumaba na ang katabi mo at nang makaupo na ako... sa tabi mo.

Dininig nga ng malikot na si kupido ang hiling ko nang biglang pumara ang katabi mong babaeng nag-retouch pa bago kumendeng-kendeng pababa ng bus. Hindi ko napigil ang aking ngiti at gayundin ang nakita ko sa iyong mga labi. Siguro'y mabait ka o sadyang malandi ka lang dahil automatiko kang umusod ng upuan sa may malapit sa bintana. Naupo ako dahil 'yon ang alam kong dapat gawin at gusto kong gawin kanina pa.

Lihim akong napapikit nang maamoy ko ang Lacoste red mong pabango. Alam na alam ko 'yon dahil Lacoste red din ng pabango kong nahulog at nabasag nang nagdaang araw.

Sa pagtakbo ng bus at sa pagtabi ko sayo, hindi ako nagkaroon ng lakas ng loob para kausapin ka. Hindi naman kasi ako pulitikong mangangampanya na kahit di kilala'y kakamayan ka na lang at kakausapings bigla. Sa mas simpleng dahilan, natorpe ako at binuhusan ng hiya.

Sa bawat pagliko ng bus ay dumidikit ang balat mo sa balat ko. May konting kuryenteng nanunuot sa kamay ko at biglang may mga malilikot na insekto ang naglalaro sa aking sikmura. Ganun yata kapag kinikilig kasi naramdaman kondin 'yon noong maka-shake hands ko si Daniel Padilla. Napangiti uli ako. Nilingon kita at nahuli kong nakatingin ka rin saakin. Nagtama ang ating mga mata... dalawa, tatlo o apat na segundo yata na pakiramdam ko'y apat na minuto akong nakatitig sa mapupungay mong mata.

"Ito kaya ang tinatawag nilang slowmo?" Bulong ng isip ko.

Tumigil ang mundo. Hindi ko mawari kong totoo ang naramdaman ko pero parang nagkaroon ng usapan ang ating mga kaluluwa nang hindi bumubuka ang ating mga bibig. Napakurap-kurap ako ng tatlong beses nang patapos na apat na segundong ang titigan natin. Una kang bumawi ng tingin at bumalik sa pagyuko. Kunwari'y tinuon ko naman ang aking mga mata sa palabas sa loob ng bus kung saan nagtititigan din sina Edward at Bela. Kung magbiro talaga ang tadhana -BIGTIME.

Sa pagtigil ng bus sa Buendia, bigla kong nahulog ang aking wallet. Aabutin mo na sana iyon pero parang nag-atubili ka dahil napansin mong pupulutin ko na.

"Ulitin ko kaya?" Biro ng malikot kong imahinasyon. Kaso nahiya na ako dahil baka sabihin mong sinasadya ko ang lahat.

Sa pagtigil ng bus dahil sa traffic na hiniling ko kay bathala, napansin ko uli ang bahagya mong paglingon sa akin na lihim ding nakamasid sa'yo. Kinilig ako. Mga bente.

Bigla akong natuliro, malapit na ang Ayala at marahil ay doon ka bababa dahil sa suot mong polo at sa sapatos mong leather. Malimit ko kasing napapansin na ganyan ang mga itsura ng mga nagtatrabaho sa sentro ng Makati. Siguro nga bababa ka na.

Nagsimula akong maghinayang. Ilang metro na lang at bababa ka na. Ilang metro na lang at mapuputol na ang pinagtagpi-tagping posibilidad ng ikaw at ako. Napabuntong hininga ako ng malalim. Parang matatapos na ang paborito kong movie series na inabangan ko simula One hanggang Seven. Parang matatapos na ang paborito kong palabas sa telibisyon. Parang hindi na magkakatuluyan ang dalawang karakter na minahal ko sa libro.

Sa dalawampong metrong mabilis na tinakbo ng bus, naisip ko ang sinabi noon ni Bob Ong sa kanyang libro, "Makakapili ka ng lugar na uupuan mo, pero hindi mo mapipili ang taong uupo sa tabi mo... ganyan ang senaryo sa bus.. Ganyan din ang pag-ibig .. Lalong di mo kontrolado kung kailan sya bababa."

Bumaba ka nga.

Wala akong nagawa.

Wala akong magagawa.

Wala naman akong dapat gawin.

Ang saklap lang.

Hindi naman kasi tayo nasa libro, nasa pelikula o telibisyon na nagiging posible ang imposible. Nagiging totoo at happy ending dahil humingi ako ng signs at lahat ng 'yon ay nagkatotoo. Dahil ang totoo, kahit gaano pa kadami sa checklist ko ang signs na natupad, KUNG HINDI TALAGA POSIBLENG MAGING TAYO, HINDI TALAGA.

"Mah! Paraaaaaah!" Lagpas na ako ng Evangelista kakaisip kung bakit Walang Fairytale at bakit walang FOREVER.

When Hearts ConfessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon