Tenth Dream

514K 25.9K 16.2K
                                    

Tenth Dream

Nakatayo ako ngayon sa gitna ng hilera ng mga cherry blossoms.

Tinitingnan ko ang kapaligiran. Nasaan na ba si Caleb? Naglakad ako papunta sa may soccer field pero wala siya roon. Kahit sa park o doon sa parte na puro pine trees at nag-i-snow ay wala rin siya. Tiningnan ko siya sa lanai, sa may mga gazebo. Umakyat ako sa classroom maging sa rooftop pero wala si Caleb.

Pumunta ako sa cafeteria. Wala rin siya. Napatingin ako sa paligid. Wala ni isang tao.

Kailan pa nawala ang mga estudyanteng binuo ko sa panaginip na 'to? Bakit hindi ko na sila ibinabalik dito? Kasi nandito si Caleb?

Napahinga ako nang malalim. Parang naninikip ang dibdib ko. Alam ko naman na aalis at aalis siya. Hindi naman niya sinabing permanente siyang mamamalagi rito sa panaginip ko. Isa pa, hindi biro ang ginagawa niyang paghihintay sa dilim. Naiintindihan ko.

Pero sana hindi niya sinabing maghihintay siya sa akin.

Naupo ako doon sa isa sa mga silya sa cafeteria. Ang bigat bigla ng pakiramdam ko. Karaniwan, lagi akong masaya sa panaginip ko. Pero ba't ngayon iba ang nararamdaman ko? Bakit ako nalulungkot na naiinis?

Bwiset na Caleb 'yun. Sabi na eh, delubyo lang talaga ang dala niya. Sinira niya ang nag-iisang lugar kung saan ako nagiging masaya.

Ipinikit ko ang mga mata ko at unti-unti kong ibinalik ang mga tao sa kapaligiran. Nakakarinig na ako ng kwentuhan, masasayang tawanan at ingay ng mga estudyanteng kumakain.

Hindi ko iminulat ang mga mata ko. Pinakinggan ko lang ang nasa paligid ko. Maingay. Maraming tao. Naririnig kong nagkukwentuhan sina Lilian. Nagtatawanan. Tinatawag nila ang pangalan ko.

"Angelique! Saan tayo mamaya sa birthday mo? Feeling ko may surprise para sa'yo si Owen!" dinig kong sabi ni Amanda.

Hindi ko inintindi. Ipinikit ko lang ang mata ko.

Kasi ewan.

Kahit gaano kaingay ang kapaligiran, ramdam ko pa rin na nag-iisa lang ako.

"Nice hair clip."

Biglang napamulat ang mata ko nang marinig ko ang boses na 'yun. Sa harap ko ay nakita ko si Caleb na nakangiti sa akin.

Biglang nawala ang mga estudyante. Natahimik ang paligid.

Tanging si Caleb lang ang naiwan kasama ko.

Ang ganda ng ngiti niya. Ang sarap tingnan.

"Caleb!!!" masiglang-masigla kong bati sa kanya at halos mapayakap pa ako kundi ko lang napigilan ang sarili ko.

Akala ko talaga hindi na siya magpapakita sa akin. Ewan ko pero kinabahan ako ng husto.

"Ba't parang nag-e-emote ka kanina? Bad day?"

Umiling ako, "Hindi! Ang ganda ang araw ko!" masaya kong sabi sa kanya.

Mas lalong lumawak ang ngiti niya.

"Really? Pwede mo bang ikwento sa akin? At saan galing ang clip mo? Ngayon ko lang nakita na suot mo 'yan ah."

Hinawakan ko ang clip sa buhok ko nang nginitian ko si Caleb, "Gift sa akin ng kuya ko."

Lucid DreamTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon