PAREIDOLIA

117 12 5
                                    

Pakiramdam ko... ako lang ang nakakakita sa kanila.
Pakiramdam ko... ako lang ang may kakayahang makakita sa mga nakakatakot na itsura na 'yon. Hindi mga multo ang tinutukoy ko. Wala rin akong "third eye" o kakayahang makita ang mga espirito. Aaminin kong, malakas ang aking pakiramdam. Nalalaman ko agad kapag may darating na panganib o masamang elemento dala ng pagiging relihiyosa at madasalin. Ngunit walang kakayahang makakakita ang inyong lingkod... Wala akong kakayahan sa mga ganoon.Pero ang mga imahe na 'yon... ang mga imahe sa pader... nakikita ko.

Ang tawag dito ay Pareidolia. Hindi ko na masyadong ipapaliwanag sapagkat madaling mahanap sa google ang ibig sabihin ng salitang iyon.

Tinanong ko ang kaibigan kong portrait artist kung nakakakita rin siya ng pattern ng mukha sa mga haligi o pader. Ang sagot niya, "Oo, minsan. Siguro dahil artist tayo at mahusay sa pagguhit, nakikita natin agad 'yong mga ganoong pattern."

"Lahat ba ng may talento sa pagguhit ay nakakakita ng pareidolia?" balik-tanong ko.

"Pwede?"

Naisip ko na normal lang. Bilang pintor ay malawak ang aking imahinasyon. At maaaring bahagi lamang ito ng mapaglarong kaisipan. Kaya kung may makita man akong pareidolia, lalo na kung nakakatakot ang itsura, umiiwas na lamang ako ng tingin. At agad din namang nakakalimutan ng aking isipan ang imahe.

Ngunit sa paglipat namin sa bagong pamayanan, dito sa Bayan ng Saligwil, may isang imahe na nananatili sa aking memorya. Ang imahe na naroon sa pader ng kwarto ko. Karamihan ng mga imaheng nakikita ko noon ay malabo... ngunit ang isang ito ay napakalinaw.

Noong unang lipat namin dito, medyo malabo pa ang imahe. Ngunit katagalan ay dumagdag nang dumagdag ang ilang mga itim na linya hanggang maging malinaw na ang itsura ng tao.
Sa unang tingin, kahit ang hindi marunong mag-drawing, makikita nang malinaw ang imahe ng matandang babae sa pader. Bilog na bilog ang mga matang nakatingin. Nakasimangot na tila galit o maaaring malungkot.

May mga pagkakataon na napapatulala ako sa mukhang iyon. Hindi sa paghanga, ngunit sa takot at pangamba.
Iniisip ko kung ano bang mayroon sa lugar na ito. Hindi yata tama na lumipat kaming mag-anak sa bagong tayong Resettlement o pamayanan na ito. Ngunit wala kaming mapupuntahan dahil kabilang kami sa mga illegal settlers na nai-relocate dito.

"Bakit ba lagi kang nakatingin diyan sa pader?" Minsan ay usisa ng aking ina nang mapansin ang mga balintawtaw kong nakatitig doon.

"Iyong pader po kasi... ano... basta ayaw ko ng nakikita ko..."

"Ewan ko ba kung bakit sobrang dumi ng pader na 'yan. Bagong tayo naman ang bahay na ito. Linisin mo nga iyan at kuskusin. Tanggalin mo 'yong mga itim-itim."

"Nakikita n'yo rin ba, Mama?"

"Oo 'nak. Parang mukha ng babae ang dumi na 'yan sa pader."

"Pero hindi po natin alam kung dumi talaga 'yan."

"Kahit ano pa 'yan. Pilitin mong alisin ang bakas."

Sinunod ko ang payo ng ina. Kumuha ako ng bleach, zonrox o kung ano-ano pang panlinis, upang tanggalin ang imahe. Ngunit kahit anong gawin o anumang diin ng pagkuskos, hindi natatanggal.
Hindi ko maaatim o matitiis na matulog sa kwartong iyon dahil sa imahe ng mukha sa pader na animo'y laging nakatingin sa akin. Hindi ko kayang manatili roon at titigang magdamag ang peste na iyon.

Natutulog ako sa sala o kung minsan, sa tabi ng aking mga magulang.

Ngunit ang pareidolia ng matandang babae ay nakaukit pa rin sa aking isipan. Mga matang bilog, titig na titig na sinusundan ako kahit sa panaginip.

Anupa't hindi ako makatulog.

Bangungot. Isang bangungot ang naranasan ko...

Nakatayo ako sa isang sementeryo. Nakatitig sa isang puntod na may pangalang "Rosita". Malamig ang paligid, at nagsisitayuan ang balahibo ko sa kilabot.

"Tinabunan kami rito." May nagsalita sa likod ko. Isang batang lalaki.

Sinulyapan ko lamang siya nang ilang saglit bago bumalik ang mga mata sa puntod. Ngunit, napasigaw ako at natumba sa maputik na lupa nang makita sa harap ang imaheng laman ng isipan... ang imahe ng matandang babae na nakatitig...

Nahulog ako sa kama, kasabay ng sigaw. Nabagok ang ulo ko at sa ganoong paraan nagising nang umaga. Nang tumitig ako muli sa pareidolia ng matandang babae. Naniniwala akong dumalaw sa aking panaginip ang kaluluwa ng imahe.

Isa lang ang nasa isip ko, hanapin ang katotohanan hinggil sa panaginip.
"Tinabunan kami."
"Tinabunan kami."
"Tinabunan kami."
Paulit-ulit kong naalala ang mga salitang iyon.

Habang naglalakad patungong paaralan, nakita ko ang isang lalaking nagbebenta ng sigarilyo, tabloid, at candy. Napatingin ako sa headline ng dyaryo at nagkaroon ng kuryosidad na bilhin iyon. Binasa ko ang unang pahina tungkol sa mga illegal settlers na pinalipat sa bayan ng Saligwil. Ganoon na lamang ang panlalaki ng aking mga mata at pagsinghap nang mapagtanto ko ang katotohanan.

Bago maitayo ang resettlement, isang masukal at madamong lugar ang lupain. Isang bukid na walang dumadayo sapagkat noong panahon daw ng mga hapon, ito'y libingan ng mga tao.
Kung ganoon ay dating sementeryo pala ang aming lugar. Nangilabot ang aking katawan nang mapagtantong may mga bangkay sa ilalim ng kinatitirikan ng aming bahay.

Nagmamadali ang aking mga paa nang bumalik. Tinakbo ko ang pag-uwi at dumiretso sa kwarto. Hinihingal ako nang pabalang na binuksan ang pinto. Inaasahan ko na makikita ko muli ang pareidolia ng matandang babae.

Ngunit halos masuka ko sa takot nang makitang wala roon ang imahe. Lumapit ako sa pader... walang bakas... walang kahit na ano.... may mga langgam na naglalakad sa pader pero..
WALA NA ANG PAREIDOLIA ROON!

Hinagilap ko. Inikot ko ang buong kwarto. Tinitigan kahit ang kisame o ilalim ng kama. WALA.

Napapaisip at kinakabahan akong lumabas sa kwarto.
"Hindi maaari...." Naguguluhan ang aking isip sa mga nakikita. Ilusyon lamang ba ang lahat ng ito? Ngunit hinihingal pa rin ako dahil sa pagod sa pagtakbo, dala na rin ng takot.

Pumunta ako sa kusina upang kumuha ng tubig. Siguro ay kailangan ko lamang ng kaunting pahinga upang malinawan ang isip. Huminga muna ako nang malalim, pumunta sa loob ng kusina, at binuksan ang ref. Kumuha ng isang pitsel at nagsalin ng malamig na tubig sa baso. Sumimsim at naginhawaan ako sa dala ng inumin. Nagsalin muli ako at akmang iinom, ngunit natigilan....
Hindi ko mainom ang tubig, ni hindi ko maiangat ang kamay na nanigas. Pati ang katawan ko'y naging estatwa sa pagkakatayo. Hindi ko maialis ang paningin sa nakikita.

Sa gilid ng lababo....

Nandoon ang pareidolia ng matandang babae. Nakatingin. Nakangiti sa akin...

*END*

TAKIP-SILIP (2022-2023)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon