One Week Body Horror

30 10 0
                                    


Lunes

Franco Manalili. Bago sa kaniyang pandinig ang pangalan. Nang una niyang masilayan ang lalaking pasyente, naisip niyang may-kaya ito sa buhay, sapagkat kasama nito sa ospital ang mga dayuhan na hindi rin niya kilala. Ngunit batay sa kasuotan ng mga ito, nahulaan niyang sila ay mga professional na manggagamot. Kahit hindi sabihin, mahahalata na may matataas silang estado sa buhay.

Natatandaan pa niya ang ekspresyon sa mukha ng lalaking pasyente. Nakasuot ng hospital gown, nakaupo sa wheelchair at may nakakabit na dextrose sa kaliwang kamay. Kitang-kita sa postura nito ang kalungkutan. Walang ningning ang mga mata nitong nakapaling lamang sa sahig. Gulo-gulo rin ang buhok nito at nagdidilim ang mukha.

Tiningnan niya ang hawak na medical record. Nasa 31 taong gulang pa lamang ang lalaki ngunit mas mukha na itong matanda kaysa sa tunay na edad. Marahil ay dulot ito ng matinding paghihirap. Kumunot ang noo niya nang may mabasang kakaibang impormasyon tungkol sa pasyente.

Nais niyang magtanong sa doktor na kasama ngunit abala pa ito sa pagkausap sa dalawang dayuhan. Naisip niya, "Mamaya na lang ako magtatanong, kapag kami na lang dalawa ni Dr. Salvino."

Maya't-maya pa ay ipinasok na nila ang matamlay na pasyente sa loob ng Intensive Care Unit. Tinulungan nila itong makahiga sa hospital bed. Siya ang naatasang maging private nurse at radiologist ng lalaki, kaya bago siya umalis ay kumuha muna siya ng blood sample nito. Hindi naman ito uminda nang tusukan niya ng syringe. Napagtanto niyang mukhang sanay na ito sa karayom.

Tumingin ito sa kanya at sa unang pagkakataon ay nagsalita. "Matagal ka na ba rito na nurse?"

Nahinto siya sa pag-aayos ng blood collection tubes at lumingon dito. "Dalawang taon pa lamang po akong nagtratrabaho rito."

"Anong pangalan mo?"

"Helma na lang po," aniya.

"Ah, Helma..." napabuntong-hininga ito at tumingin sa kisame. " Kung ganoon, ikaw ang makakasama ko hanggang sa kamatayan."

Napaawang ang kaniyang bibig. "Ano pong ibig n'yong sabihin? Huwag po kayong magsalita nang ganyan. Maging positibo po kayo at gagaling din po kayo," naiilang niyang sabi.

Tumitig ulit sa kaniya si Franco. Kumunot ang noo nito. "Hindi pa ba nasasabi ng mga doktor sa 'yo?"

"Ang alin po?"

Ilang segundo na tinitigan lamang siya nito bago muling magsalita. "Tanungin mo sila."

Siya naman ang nagtaka ngunit minabuti niyang umalis na lamang. Lumabas siya sa kwarto at tahimik na binaybay ang pasilyo. Habang naglalakad sa hallway ay naabutan niya roon si Dr. Salvino.

Parang nahulaan naman nito ang pakay niya at tumigil din ito sa paglalakad.

"Saglit lang po, dok. Kailangan po nating mag-usap tungkol sa pasyente ng ICU. Ngayon lang po ako naka-encounter ng pasyenteng may Teratoma Tumor. Dadaan po ba siya sa surgery o wala nang pag-asa?" naguguluhan niyang tanong.

"The patient had a peculiar Teratoma Tumor. Something is so out of the ordinary that he cannot undergo surgery or else he will die. They chose to relocate here because of our facility's more advanced infrastructure. The illness is very uncommon. At dahil hindi namin malaman ang sakit, hindi rin malaman ang lunas ."

Napabuka ang bibig niya. "Ha?"

"He agreed to be an experiment and a subject of research. Dahil siguradong hindi siya makakaligtas, isinakripisyo na lamang niya ang katawan para mapag-aralan ang kakaiba niyang sakit. Ang dalawang dayuhan na kasama niya kanina ay mga doktor at sayantistang nag-oobserba rin sa kaniya. Paminsan-minsan ay bibisita sila rito para malaman ang pagbabago sa kalusugan ng pasyente."

TAKIP-SILIP (2022-2023)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon