Sa Mundo ni Tomino

18 7 0
                                    


Nakarinig na ako ng mga totoong kwentong kababalaghan, nakakita ng mga larawan o manika na sinasabi nilang may sapi, nagbasa ako ng mga iba't ibang sulating katatakutan at nakapanood ng dokumentaryo ukol sa iba't ibang krimen. Ngunit kung mayroon man akong kababalaghan na hindi makakalimutan. Ito ay ang karanasan ko sa isang sinumpang tula na tinatawag nilang Tomino's Hell.

The Orphan's Story, The Voynich Manuscript, The Devil's Bible, The Book of Soyga. Ilan lamang ito sa mga librong may sumpa na pinagbabawal basahin. Nakita ko na ang ilang pahina ng Voynich Manuscript at nasabi ko nga na parang diary ito na may magagandang drawing. Hindi ako naniniwala sa mga babala na kung sinumang makabasa sa libro ay mamamatay.

At ganito rin ang sumpa ng Tomino's Hell. Sinasabi nila na kung sinuman ang magbasa nang malakas ng tula ay mamamatay. Binabale-wala ko lamang ang mga ganitong pakulo, kaya binasa ko pa rin ang sinumpang sulatin.

Matapos kong basahin ay nagpatuloy lamang ako sa normal na araw. Wala namang naganap na kababalaghan sa akin. Nakakain, nakatulog, at nakapasok pa rin ako sa eskwela.

***

Hapon. Nakauwi ako nang payapa galing sa paaralan. Naisipan ko munang manood ng TV bago matulog. Lagpas alas-nuwebe nang gabi, naramdaman ko ang pagbigat ng mga talukap ng mga mata. Hindi ko namalayang tuluyan na akong nakatulog sa sofa ng sala.

Hindi ko alam kung anong nangyari. Basta, naramdaman ko na lamang na uminit ang paligid subalit ang hinihigaan ko ay kasinglamig ng yelo. Iminulat ko ang mga mata dahil sa pagtataka sa pagbabago ng temperatura.

Saka ko lamang napagtanto na nalipat ako sa ibang lugar. Nanlalaki ang mga matang bumangon ako mula sa pagkakahiga sa semento. Inikot ko ang paningin at kinabahan sa aking nakita. Napapalibutan ako ng mainit na usok na nagmumula sa lava.

"Nasaan na ako?" aniko dahil para akong nasa loob ng bulkan. Ang magma ay animo'y dagat na nakapalibot sa iisa at tuwid na daan. Sa gitna ng kumukulong putik ay nakita kong may mga kalansay na sumisigaw, naghihirap at pilit na inaabot ang alapaap. Ngunit kahit ano pang pagpupumiglas ay hindi sila makatakas sa bangis ng lawang apoy.

Nagimbal ako sa napagmasdan at napaatras dahil sa hilakbot na naramdaman. Ang tanging nakikita ko sa paligid ay puro itim at pulang mga kulay.

"Nasa impyerno ba ako?" tanong ko sa sarili. Bakit ako napadpad dito? Oo, hindi ako ang pinakamabuting tao sa mundo pero hindi naman ako ganoon kasama. Dito ba ang aking magiging destinasyon? Kahit pa pakiramdam ko ay hindi ako nararapat dito?

At ang aking pagmumuni-muni ay naudlot nang may marinig akong tinig sa likod.

"Sino ka?"

Lumingon ako at nakita ko ang mukha ng isang batang lalaki. Singkit ang kaniyang mga mata, tuwid at nangingintab ang itim na buhok, maputi ang kaniyang kutis at matangos ang ilong.

Nagsasalita siya sa ibang wika ngunit nakapagtatakang nauunawaan ko ang bawat kataga.

"Sino ka?" ulit niya.

"Ikaw, sino ka?" pagbabalik ko ng tanong sa kaniya.

"Tomino."

At nang banggitin niya ang pangalan ay hindi ko maiwasan na mapabuka ang bibig dahil sa pagkamangha. "Ikaw ang batang lalaki sa tula!" sambit ko na tinuro siya.

Inaasahan ko na nakakatakot ang mukha ni Tomino katulad ng larawang nakita ko sa internet. Ngunit isang normal na batang lalaki ang nakikita ko sa harap.

"Hindi mo pa sinasabi kung sino ka," aniya.

Binanggit ko ang pangalan at tumango lamang siya.

"Nasaan pala ako?"

TAKIP-SILIP (2022-2023)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon