Sa Susunod na Habang Buhay (Haesoo)
Broken***
Haein
Madilim. Hindi ko alam kung nakamulat na ba ang aking mga mata o nakapikit pa rin ako. Walang pagkakaiba. Madilim lang. Wala akong nakikita.
Ilang minuto pa akong nakatitig sa madilim na kawalan bago unti-unting nakatanaw ng liwanag sa malayo.
Ilang saglit pa ang liwanag ay naging malabong imahe.
Mga ilang minuto pa bago ang imahe ay naging malinaw.
At ang imahe ay naging kisame ng aking kuwarto.
Malakas na buntong-hininga ang pinakawalan ko. Ganito ako araw-araw tuwing gigising sa umaga. Kung nagagalit pa ako noon, ngayon ay tinanggap ko na lang.
Pero iba ang araw na ito. Pakiramdam ko ay ito ang isa sa pinakamasakit na gising sa buong buhay ko.
Mabigat ang katawan na naghanda ako para sa araw. Wala akong pasok sa trabaho at dapat ay magpapahinga lang. Pero may dapat akong puntahan. May dapat akong makita para matauhan na ako.
Isinuot ko ang pinaka-maayos at disente kong damit. Matagal na tumitig ako sa salamin. Ganoon pa rin ang mukha ko. Ngunit parang pinatanda ng panahon.
O nasanay na lang akong tingnan ang sarili na walang buhay at puno ng kahungkagan.
Isa pang buntong-hininga bago ko nagpasyang umalis na. Baka mahuli pa ako. Kahit huli naman na talaga.
Pero bago lumabas ng kuwarto, kinuha ko muna sa drawer ang pinakatatagong kahon. Ilang taon kong iningatan ang bagay na iyon. Nasira na lahat ng akin, wag lang ito. At oras na para ibalik iyon sa may-ari.
***Maraming tao sa loob at labas ng simbahan. Maingay, maraming nagtatawanan. Pero ang pakiramdam ko, parang nagluluksa.
Ganito ba ang pakiramdam kapag kalahati na ng buhay mo ay hindi ka masaya?
Napailing ako. Hindi. Naging masaya naman ako. Ilang taon lang. Pero ang mahalaga, sumaya ako. Naranasan ko ang makaramdam ng kasiyahan, kalituhan, ang magkaroon ng mga masasayang alaala.
Ayon nga lang, ang kuwento namin ay hindi masaya ang naging katapusan. Para sa akin.
Pero para sa kanya, isang masayang katapusan--hindi nga lang sa piling niya.
Mahigpit ang hawak ko sa maliit na kahon, naglakad ako papunta sa isang abay ng kasal. Ang mga mata ay alerto dahil baka makita ako ng ama at kuya niya.
"Hi," bati ko rito.
Lumingon ito, kumunot ang noo nang makita akong naka-dark shades sa loob ng simbahan.
"Hello?"
"Puwede bang humingi ng pabor?" tanong ko. Saka iniabot ang kahon. "Maaari bang pabigay nito sa ikakasal?"
"Oh!" Ngumiti ito nang tanggapin ang kahon. "Kaibigan ka ba ng bride o groom?"
Tinitigan ko ang kahon. Napakurap ako nang magtubig ang mga mata kaya agad kong pinalis ang mga luhang bumalong pababa sa pisngi ko. Nagtataka naman na nakatingin sa akin ang babae, ngumiti na lang ulit ako.
Masakit ang lalamunan ko nang tumikhim. Pigil na pigil na huwag mapahagulgol bago muling tinapunan ng huling tingin ang kahon na siyang sumagip sa akin noong mga panahong lunod na lunod ako.
"B-Bride..." paos na sagot ko. "Pabigay na lang sa bride. Maraming salamat."
Tumalikod ako, nagpunta sa isang gilid ng simbahan, malayo sa karamihan. Saka ko binuhos ang sama ng loob sa pamamagitan ng tahimik na pag-iyak. Masakit sa ulo, masakit sa dibdib--parang muli akong niyuyurakan at pinapatay ng paulit-ulit ngayong araw na ito.
Pero umalis ba ako? Hindi.
Tumayo ako ng tuwid nang mahimasmasan. Nagsimulang tumugtog ang piano ng simbahan. Pumuwesto na rin ang buong entourage ng kasal.
Hindi ako pumunta sa liwanag. Doon lang ako sa dilim. Tahimik na hihintayin at pagmamasdan siyang pumasok, lumakad ng dahan-dahan papunta sa lalaking makakasama niya habang-buhay.
Mangangako siya ng pang-habang-buhay samantalang noon ay nangako rin siyang ako lang simula hanggang huli.
Mamahalin niya ang lalaking pumapasok na ngayon sa loob ng simbahan, mula ngayon hanggang dulo.
Bubuo siya ng pamilya kasama ito.
Tatanda siyang kasama ito.
Mga pangako at pangarap na noon ay ako ang bidang lalaki.
Durog na durog na buong pagkatao at puso ko nang pumasok siya. Bumukas ang pinto ng simbahan, lumiwanag ang puting trahe de boda na suot niya at para siyang anghel na bumaba sa langit.
Pansamantalang nawala ang galit at sakit na nararamdaman ko nang mapagmasdan ko siya. Mula ulo hanggang paa, lahat ay maganda sa kanya.
Ah, Haein. Siya pa rin ang nag-iisang tao na kayang ipalimot sa 'yo lahat ng masasamang bagay dito sa mundo.
Kumunot ang noo ko. Hindi ko masyadong makita ang mukha niya dahil sa belong nakatakip sa mukha niya.
Pero tama lang siguro na hindi ko siya makita. Para sa wakas ay makausod ako kahit papaano na makalimutan siya.
Pero paano kalimutan ang isang Jisoo Kim? Imposible.
Nang makarating siya sa altar, naglakad na ako palabas ng simbahan. Pero tumigil nang marinig kong nagsalita ang pari.
"Mayroon bang tumututol sa pag-iisang dibdib nina Jinyoung Park at Jisoo Kim? Magsalita na ngayon o panghabang-buhay na itago ito."
Malakas ang kabog ng aking puso, lumingon ako.-The End-
YOU ARE READING
HaeSoo Playbook
RandomCollection of some cliché one shots stories for Haesoo. Originally uploaded at Twitter. You can check out my AU at Haesoo_AU twitter.