Sa Jeep

21 1 0
                                    

Si Babae.

May gwapo akong nakita sa jeep. At dahil pangit ako, hindi niya ako pinapansin. Nakatingin lang siya sa may pintuan habang ako naman ay nakatingin sa kanya. Magkaharap kasi kami. Oo nga pala, nasabi ko na bang kababata ko siya? Hindi pa? Oh ngayon nasabi ko na.

Kahit na kababata ko siya, hindi kami nagpapansinan. Hindi naman kasi kami close kahit dati pa. Nakalaro ko lang siya isang beses ng Bang-Sak pero pagkatapos nun, hindi na naulit. Nagkulong na din ako sa bahay. Inaway din kasi ako ng mga kalaro ko at palaging inaasar na pangit at mataba — which is totoo naman, hanggang ngayon. Kaya naman.. nanatili na lang ako sa loob ng bahay. Dun, wala akong naririnig na nakakasakit sa damdamin ko. Wala akong ibang maririnig kundi ang boses ng mga tao sa bahay. Teka nga muna, balik tayo dun sa guwapong lalaki. Ayun nga, hindi kami close pero kilala ko siya. Ewan ko lang kung ako kilala niya. Siguro hindi. Sino nga bang nakakatanda sa akin? Wala. Ako lang yata ang nakakakilala sa sarili ko.

Teka, malapit na akong bumaba. Nakikita ko na yung waiting shed na pagbababaan ko maya-maya lang. Kaya naman kailangan ko nang pumara.

Hinila ko na ang tali ng jeep at saka naman ito huminto.

Bye bye, kababata.

Paalam, lihim kong minamahal.

Si Lalake.

May nakita akong isang babaeng walang kaayos-ayos. Ang simple, simple niyang manamit. Nakalugay lang ang buhok at parating itinataas ang papahulog niyang salamin. Wala siyang make-up pero maganda siya sa paningin ko. Teka, ngayon ko na lang ulit siya nakita. Akalain mo yun, sa iisang jeep pa kami nakasakay at kaharap ko pa siya. Pero kailangan kong umiwas ng tingin dahil baka malaman niyang tinititigan ko siya. Naaalala niya kaya ako? Tanda pa kaya niya na ako yung kababata niyang palaging natataya niya sa larong Bang-Sak? Mukhang hindi na. Hindi niya kasi ako binabati. Baka hindi na niya ako naaalala.

Gusto ko siyang kamustahin. Ilang taon ko na din siyang hindi nakakausap. Ang huli pa’y noong nagpunta ang nanay ko sa bahay para dalhin ang pansit na niluto dahil birthday ng kapatid ko. Sumama ako sa nanay ko dahil gusto ko siyang masilayan. Hindi na kasi siya lumalabas ng bahay. Hindi na tuloy niya ako natataya sa larong Bang-Sak. Bakit kaya hindi na siya nagpakita? Ayun tuloy, hindi na din ako lumabas ng bahay. Hindi ko na din naman siya makikita eh.

Bigla niyang hinila ang tali. Tumigil ang jeep. Bababa na siya. Nakita kong nag-ayos na siya ng mga gamit niya at akmang tatayo na. Hindi nagtagal, bumaba na siya.

Bye bye, kababata.

Paalam, lihim kong minamahal

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Feb 16, 2013 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Sa JeepTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon