•••
PINAGMAMASDAN KO ang dalawang puting kalapati na nakakulong sa hawla, pawang nagmamakaawang kumawala.Kung tutuusin, abot-kamay ko ang trangkahan. Isang kahig ko lang ay maaari na silang lumaya.
Ako ang nakatakdang magpalabas sa kanilang munting aparador.
Ako at ang aking mapapangasawa—si Emilio.
Mabait si Emilio. Marangal at matapang. Siya ang tumulong sa pamilya namin laban sa mga ganid na Maharlika. Kaya nga't nagmamadali ang aking mga magulang na ipag-isang dibdib kami upang tuluyan na kaming mapasapi sa mga Maginoo.
Minsan ko na ring inibig si Emilio. Madalas niya akong napatutuwa sa mga mahalimuyak niyang salita. Naglalaan siya ng oras para sa'kin kahit pa magkabilang lubid ang estado ng aming pamilya.
Ngunit ganoon din si Felipa.
Siya ang matalik na kaibigan ng aking mapapangasawa. Tulad sila ng ugali. Nagkasusundo sila sa lahat. Kung anong gusto ni Emilio ay gusto rin ni Felipa. Para silang iisang kaluluwa.
Sana nga'y ganoon na lamang.
Lumapit sa'kin si Felipa dala ang malungkot niyang ngiti. Saglit na dumapo ang katahimikan habang minamasdan namin ang dalawang ibon.
Matapang niya akong hinarap at hinayag ang katagang kinakatakot kong marinig, "Kung wala kang lakas na ako'y piliin, hiling ko'y sarili mo na lang. Hindi ka katulad nitong mga kalapati, Paulita. Kaya'y panalangin kong makaalis ka sa gapos ng tanikala."
"Batid mong imposible ang pag-iibigan natin, Felipa."
"Kung sa tingin mo'y ito ang 'yong ikaliligaya, ipauubaya na kita." Iniabot niya ang palumpon ng bulaklak at iniwan ang malungkot na ngiti.
Datapuwá't imbes na kunin ito ay kumusa akong buksan ang hawla. Parehas kaming napahiyaw sa mabilis na kumpas ng mga pakpak ng dalawang kalapati. Hindi ko malilimutan ang abot-tainga niyang ngiti nang hinila niya ako palayo sa pagdiriwang.
Ang araw na 'yon ang naging hudyat ng pagtamasa namin sa tunay na layaw ng pag-ibig.
BINABASA MO ANG
Hopia Sa Umaga, Asado Sa Gabi
Literatura FemininaKoleksyon ng mga maiiksing kwento tungkol sa pagiging hopeless romantic at pag-asa sa wala. ••• Disclaimer: This is a work of fiction. Any names, places, events, and incidents are based on the author's imagination. The resemblance of any actual per...