Bata pa lamang ako, bitbit ko na ang ideolohiya na nagsasaad ng pagkakaiba ng babae at lalaki at ang paniniwala na ang lalaki ay para lamang sa babae.
Ang mga lalaki ay ang magiging hari sa isang kaharian o bansa. Sila dapat ang susundin ng mga babae. Ang mga desisyon at panawagan ay magmumula lamang sa kapangyarihang taglay ng mga lalaki. Ang Diyos ay lalaki kaya siya ang sinusunod ng mga tao. Gaya ng Diyos sa langit, marami ring mga nakatataas na dapat sa lalaki lang manggaling.
Ang mga babae naman ang pinakamahinang uri ng nilalang sa mundo. Wala silang kakayahang mamuno ng bansa at magpalakad ng kaharian. Gayunpaman, maaari silang maglaba, magluto, o maglinis ng bahay. Ang kanilang kakayahan ay nakabatay lamang sa kahinaan ng kanilang kasarian. Ang Diyos ay hindi babae kaya hindi sila sinusunod ng mga tao. Di gaya ng Diyos sa langit, ang mga babae ay mababa kung tignan at tila ay walang kapangyarihan.
Ang mura kong kaisipan ay nabalot ng kulturang nagpapahirap sa mga bakla ngayon. Sabi kasi sa akin, salot daw ang mga bakla at sila ang nagbibitbit ng pinakamatibay na kasalanan sa mundo. Paano naman 'yong mga magnanakaw? mga nanggagahasa ng kababaihan at ilang kalalakihan? mga mamamatay tao? Hindi ba sila ang pinakamakasalanang tao na ginawa ng Diyos?
Sa aking pagtanda, maraming kaisipan ang bumabalot sa aking pagkatao; ako ay lalaki at dapat matigas ang aking pagkilos. Kapag lalaki ka raw, dapat ay ikaw ang nanliligaw sa mga babae. Ako raw ay isang lalaki na ikakasal sa babaeng gagawin kong tagapag-luto at tagapag-alaga ng mga anak ko balang araw.
Iyan ang mga sabi sa akin ng isang taong pumatay ng pagkatao ko. Kinwestyon ko ang kanyang mga salita base sa kanyang pag-uugali; hindi tugma ang kanyang moralidad na ipinapakita sa kanyang mga salita at kilos. Masama siya...at masama ang mga paniniwalang ipinataw niya sa aking kaisipan.
Lalaki ako, pero bakit gusto ko ay lalaki rin?
Lalaki ako, pero bakit malambot ang aking mga kilos?
Lalaki ako, pero bakit mataas ang pagtingin ko sa bawat uri ng nilalang?
Naniniwala ako na ang babae at lalaki ay pantay lamang. Naniniwala ako na ang lalaki ay maaari ring magmahal ng lalaki, at ganoon din pagdating sa mga babae. Naniniwala ako na ang pagiging bakla ay hindi kasalanan, kundi pagiging tao rin, gaya ng pagiging tuwid na lalaki o babae na tanggap sa pamantayang mga tao rin ang gumawa.
Minsan, tinanong ko siya kung anong mangyayari kapag tuluyan akong naging isang bakla. Ngunit hindi salita ang kanyang isinagot. Hindi rin isang tula na may limang tugma sa bawat saknong.
Kundi dugo...maraming dugo ang kanyang naging kasagutan kung bakit hindi ako pwede maging bakla.
˗ˋˏ ♡ ˎˊ˗
BINABASA MO ANG
Swing of Ambivalence
RomanceAuvrin Fraughd Constantino manages his sad existence as an underprivileged homosexual man while maintaining a strong camouflage and seemingly impermeable veneer. Genesis Leicester Pangilinan enters the scene as his life gradually unveils his secrets...