This is a work of fiction. Anything that resembled things in real life is coincidental. Do not distribute, publish, transmit, modify, display or create derivative works or the actual contents of this story in any way without permission.
2020
all rights reserved
khowffee
____________________________________________________
"Tama na yan bro." Pigil ni Jake sa kaibigan.
Apat na bote ng alak na ang naubos ni Ed. Hindi ito nagsasalita. Wala itong ibang sinabi nang malaman kani-kanina lang na may nobyo na pala ang babaeng pinakaminamahal. Awang-awang nanood lang ang dal'wa.
Ang sabi ng karamihan, nakakawala raw ng sakit ang alak. Pero bakit hindi man lang naibsan ng apat na bote ang sakit na nararamdaman niya? Gusto niyang sumigaw, magmura, manuntok at umiyak. Pero pinipigilan niya ang sarili. Ayaw niya munang tanggapin na totoo ang kanyang nalaman. At sa gabi ngang iyon, ang mga kaibigan niya ang nag-uwi sa kanya dahil hindi na niya kayang magmaneho.
_________________
KINABUKASAN, nagising si Ed na masakit ang ulo. Sino ba namang hindi magkaka-hangover sa dami ng nainom. Ilang sandali pa siyang nakaupo lang sa kama habang inaalala ang nangyari kagabi. Nang maalala ay mabilis pa sa alas kwatro siyang tumayo at kahit mas lalong sumakit ang ulo ay pinilit niyang magtungo sa CR upang maghilamos.
Naalala niya. Naalala niya lahat ng nangyari kagabi. Naalala niya ang sinabi ng kaibigan. Walang-wala ang sakit ng kanyang ulo sa sakit na nararamdaman ng kanyang puso. Pero gayunpaman, gusto niya pa ring makasiguro. Hindi siya basta-basta susuko. Ilang taon siyang naghintay. Ilang taong pinagpaliban niya ang lahat at pinigil ang nararamdaman. Hindi siya makakapayag na mawawalan lang ng saysay lahat ng yon ng ganun lang.
Ilang oras matapos siyang uminom ng gamot pampawala ng hangover ay bumiyahe agad siya papuntang bahay ng kaibigan. Sa subdivision nila. Nasa condo kasi siya kasalukuyang nanirahan dahil malapit sa trabaho.
Tinawagan niya si Jude at nang malamang nasa bahay ito, pinaharurot na niya ang sasakyan. Umaasa siyang makikita niya roon ang minamahal.
"Nandiyan ba siya?" Iyon ang bungad niya sa kaibigan nang magbukas ito ng gate.
"Bro. May boyfriend-"
"Wala akong paki." Iyon ang sagot niya. Alam niyang nagiging makasarili na siya pero hindi na importante sa kanya iyon. Ayaw niyang hayaan nalang ang lahat nang hindi man lang siya nagkaroon ng tyansyang masabi ang kanyang nararamdaman.
Pumasok siya sa loob at nakita ang taong matagal na niyang gustong makita. Ang babaeng namumukod-tangi na siyang laman ng kanyang puso. Nakaupo ito sa sofa. Ngunit nang makita kung sino ang katabi nito ay bigla siyang nawalan ng lakas. Totoo nga.
"Oh hijo! Nandiyan ka pala!"
KASALUKUYANG nasa sala si Solli katabi ang kanyang nobyong si Carl. Noong isang araw niya lang ito sinagot. Masayang nakikipagkuwentuhan ang binata sa kanyang nanay. Habang tinitignan ang nobyo, ibang mukha ang iniisip niya. She shook her head of the thought. Pakiramdam niya nagtataksil siya sa kasintahan. Bakit ba si Ed ang nakikita niya sa katauhan nito? Nakonsensya siya bigla. Mali tong ginagawa niya. Gusto naman niya si Carl. Hindi nga lang singlalim ng pagkagusto ng binata sa kanya. Marahil dahil may nagmamay-ari na ng kanyang puso.
"Oh hijo! Nandiyan ka pala!"
Napalingon siya sa gawing tinitignan ng kanyang ina. Para siyang kinapos ng hininga nang makita kung sino ang naroon.
Lumapit ang binata sa kanyang ina at nakipagbeso rito. "Good morning tita." Anito at saka bumaling sa kanya.
She is catching her breath. Naiilang siya sa titig nito. Pero kahit na ganoon, hindi niya maialis ang tingin niya rito. Sobrang namiss niya ang binata. Ilang taong hindi niya ito nakita sa personal. Oo, alam niyang sa mga sandaling ito, nagtataksil na siya sa kasintahan ngunit hindi niya mapigil ang damdamin. Kung pwede lang sanang diktahan ang puso.