CHAPTER ONE

283 5 0
                                    

 


 

"DALAWANG order ng spicy buffalo wings, Crave," imporma ni Carla sa head chef ng Angels Wings kung saan siya nagtatrabaho bilang waitress. Isang exclusive club ang Angels Wings kung saan ang tanging may mga membership lang ang makakapasok.

"Aye, aye, Ma'am," anito at nakangising sumaludo bago nagsimulang ihanda ang mga sinabi niya.

Hindi napigilang matawa ni Carla sa ginawi ng chef. Sa halos apat na taon na niya sa naturang club ay sanay na siya sa kakulitan ng mga kasamahan. Isa rin sa dahilan kaya siya nagtagal doon ay dahil halos pamilya na ang turingan ng bawat isa. Nginitian niya ang kapwa waitress na si Sarah na pumasok din sa kitchen para kumuha ng order.

Sumandal si Carla sa hamba ng pinto ng kusina at pinagmasdan ang kabuuan ng lugar. Puno ng parokyano ang club kaya naman hindi sila magkandaugaga sa pagsisilbi. Palibhasa ay araw ng suweldo kaya naman inaasahan na nila ang pagdagsa ng mga tao.

Kinuha niya ang tray na kinalalagyan ng kanyang mga order at dumeretso sa table ng customer, na malisyoso siyang nginitian habang isinisilbi niya ang pagkain sa table ng mga ito.

May pagka-sexy ang dating ng uniform nina Carla; pulang strapless minidress na umabot hanggang kalahati ng hita. It clung to their bodies like a second skin. Tinernuhan iyon ng itim na stockings at three inched high-heeled shoes.

Sanay na si Carla sa mga ganoong klase ng tingin. Matamis niyang nginitian ang customer kahit na gusto niyang irapan. Ilang beses na rin siyang inalok ng mga customer na i-table, pero lagi niyang tinatanggihan ang mga indecent proposal na iyon. Noong nabubuhay pa ang kanyang ina ay lagi nitong sinasabi sa kanila ang kahalagahan ng puri at dangal. Pinapangako pa sila nito ni Nicola—ang nakababatang kapatid ni Carla—na hindi nila gamitin ang katawan para kumita ng pera kahit gaano pa kahirap ang buhay. Kaya kahit halos magkandakuba na si Carla sa pagtatrabaho para makabayad sa pagkakautang nila ay hindi niya magawang sirain ang pangako sa namayapang ina.

Ilang beses na rin siyang inalok na maging dancer sa Angels Wings para naman daw hindi masayang ang kanyang ganda sa pagiging waitress na lagi rin niyang tinatanggihan. Pareho kasing kaliwa ang kanyang mga paa. Marami ang nagsasabi na maganda siya. Her eyes were doe like, matangos din ang ilong at manipis ang mga labi. Kamukha niya ang kanyang ina noong kabataan nito. Hindi niya mapigilang malungkot nang maalala ang ina.

Napadako ang tingin ni Carla sa entrada ng club nang pumasok ang isang grupo ng mga lalaki. Sa bilang niya ay nasa pito ang mga ito at pawang nakasuot ng itim na business suit. Nagmamadaling sinalubong ang mga bagong dating ng manager ng club na si Boss Robert.

Pamilyar ang mga bagong dating na customer, lalo na ang lalaki sa gitna. Ilang beses na ring nakita ni Carla na bumibisita ang mga ito sa Angels Wings pero hindi pa niya nakikita sa malapitan. Sa tuwina kasi ay laging sa VIP Rooms dumederetso ang mga ito.

Ayon sa kanyang mga naririnig mula sa mga kaibigang dancer, ang lalaki sa gitna ng grupo ay walang iba kundi si Keith Athony dela Vega. Ang mga dela Vega ang may-ari ng isa sa pinakamalaking airline at shipping company sa bansa. Kaya naman hindi na kataka-taka na marami ang babaeng halos itapon ang sarili para lang pansinin ng lalaki.

Naramdaman marahil ni Keith na may nakatingin dito kaya bumaling sa gawi ni Carla. Pakiramdam ni Carla ay biglang bumilis ang tibok ng kanyang puso nang magtama ang kanilang mga mata. Kahit may kadiliman sa kinaroroonan nila ay malinaw niyang nakita ang mga mata ni Keith dahil na rin sa malamlam na ilaw sa may entrance ng club. Mabilis niyang iniwas ang tingin sa lalaki. Mahirap na at baka akalain pa nitong isa siya sa mga babaeng nagkakagusto rito.

KEITH, THE HEART THIEF (Soon To Be Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon