CHAPTER TWO

56 1 0
                                    

 


 

"WHOA!" Halatang nagulat ang lalaki. Napaatras ito, saka nawari kung ano ang estado ng sarili. Agad nitong inilubog ang katawan sa tubig. Bale-wala naman. Sa linaw ng tubig ay kitang-kita pa rin ni Gwyneth ang alindog ng lalaki.

"S-sorry," nawika niya. "H-hindi ko sinasadya. Ba't ba kasi pahubad-hubad ka diyan?" Sinita na niya ang lalaki bago pa magkahalataan na naturete siya sa kakisigan nito.

"H-hindi ko alam na may tao. Pero yaman din lang na nasimulan mo na..." Dumiretso na ito ng tayo kaya lumabas na mula sa tubig ang katawang tinangka nitong ikubli roon. "Todohin mo na ang pagpapasasa."

Nahindik si Maria Clara na natuklasan bigla ni Gwyneth na nananahan pala sa kanyang pagkatao, napahiya sa ideyang bistado ang pamboboso niya. "Excuse me, I wasn't ogling you." Nag-Ingles siya. Baka sakaling masindak ang kausap.

"I don't mind. It's my fault anyway."

Ngek! Mas mahusay pa pala itong mag-Ingles sa kanya. Pang-call center ang accent.

"Tama ka. Kasalanan mo nga. Hindi ka dapat pahubad-hubad sa pampublikong lugar," sagot niya. At ikaw na babae ka, hindi mo dapat ipinagpapatuloy ang pagsipat sa katawan niya. Napansin na lang niya na panay pa rin ang gapang ng kanyang mga mata sa mala-Adonis na kakisigan ng kaharap, hindi pinapansin ang pagsita niya, ang mahigpit na utos na tantanan na ang ginagawa.

"That's why I'm giving you the right to feast on my body." Ngumisi ito, saka itinaas pa ang dalawang kamay, Oblation-style.

"Hindi nga sabi ako nagpipista. I was admiring the view, not your body. Pero dahil nakaharang ka, may choice ba 'ko kundi makita ka? At dahil nakakasira ka ng saya ay diyan ka na." Sa pagkakataong iyon ay nagawa nang tumalikod ni Gwyneth. Salamat din at agad niyang nakumbinsi ang mga binting kumilos na kahit pa kanina ay parang binuhusan ng semento ang mga iyon.

She was hot and bothered. And she hated it that she felt hot and bothered. Nakakita lang siya ng macho, nagkakaganoon na siya? Pasalamat na lang siya at nangyari iyon sa malayong probinsiya. Mas maliit ang posibilidad na makasalubong pa niya ulit ang lalaki sa sandaling umalis sila sa lugar na iyon. Kahit nga siguro habang nandoon sila ay posibleng hindi na niya ito makita. Malay ba niya kung saan ito nakatira.

Puwedeng sa puno ng Balete.

Binilisan na ni Gwyneth ang paglakad at baka maisipan pa siyang sundan ng lalaki.

"MAG-SOLO flight ba?" Nakausli ang nguso ni Frieda nang matanaw ni Gwyneth. Nakatayo ito sa balkon ng inn kaya kitang-kita nito ang pagpasok niya sa gate. Hindi niya maitatanggi ang pag-alis.

"Para kayong mga mantikang matulog, eh. Sayang ang magandang umaga kaya sinamantala ko na. Malay ko bang masisira."

Nasira daw, o. Tinudyo siya ng isipan, pinipilit siyang aminin na kuno-kuno lang ang pag-iinit ng kanyang ulo.

Excuse me, uminit talaga ang ulo ko, 'no.

Nahulog si Gwyneth sa malalim na pakikipag-debate sa sarili. Hindi niya namalayan na bumaba ang kaibigan kaya napaatras pa siya nang bigla ay nasa harap na niya ito. "Hala! Nag-teleport ka," bulalas niya.

"Teleport daw. Ikaw kamo ang tulala. Anyare? Nakasalubong ka ng maligno?"

"Ganoon na nga yata." Naalala niya ang lalaki. Ito na siguro ang pinaka-hot na malignong nakita niya kapag nagkataon.

"May maligno nga?" Namilog ang mga mata ni Frienda.

"Saan ang maligno?" Kabuntot na pala nito si Yolly, karaka-raka ay sumasali na sa usapan. Nakakalokong tumingin pa sa likod ni Gwyneth na tila ba tinatanaw kung may kasunod nga siyang kung ano.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 30, 2015 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

My Crazy Heart (Soon To Be Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon