CHAPTER ONE

209 0 0
                                    


 

PANAY ang kindat ng cursor sa screen ng computer ni Gwyneth. Pero halos hindi niya iyon nakikita. Pinalalabo ng luha ang kanyang mga mata. Ang dahilan, ang mga litratong nakita niya na tampok si Randel, ang tinamaan ng magaling niyang nobyo. Tinag si Randel ng kung sinong mutual friend kaya lumabas sa account ni Gwyneth ang mga kuhang sigurado niyang nanaising itago sa baul ng katipan. Dahil sa lahat ng mga iyon ay may kaakbay, kayakap, o di kaya ay kakiskisang mukha si Randal. Isang babae at sigurado ni Gwyneth, hindi siya iyon.

Sana pala ay hindi na muna siya nag-FB. Dapat ay inuna niyang atupagin ang kanyang pinagkakakitaan sa mga panahong iyon—ang pagsusulat ng blog. Baka sa mga sandaling iyon ay tapos na siya sa trabaho imbes na kinikindatan siya ng cursor habang luhaan.

Lintek kang Randel ka. Ngitngit at panlulumo ang nag-aagawan ng puwesto sa puso ni Gwyneth. Mabuti kasi sana kung unang pagkakataon iyon na nagtaksil ang hinayupak. Kaso ay hindi. Pangatlong beses na.

Eh, kasi naman, ang tanga-tanga.

May munti pero nang-iinis na tinig na kumantiyaw sa kanya. At alam niya, may pinaghuhugutan iyon. Karaka-raka at walang permiso, naglaro sa diwa niya ang naunang mga pagkakataong nang-two-time si Randel...

"Sorry na, puwede ba?" Nasa labas ng bahay nila ang lalaki. Nanghaharana. Boses palaka pero wala itong kiber...

Inihit ng paghatsing si Gwyneth pagpasok niya ng sala. Allergic siya sa pollen pero ang sumalubong sa kanya, sangdamukal na bulaklak. Iba't ibang disenyo ng bouquet ang nagkalat sa buong bahay. Puwede na siyang magtayo ng flower shop. Lahat ng mga iyon, galing kay Randel at lahat ay iisa ang mensaheng nakasulat sa tarheta. Sorry, sorry, sorry...

Panay ang papak ni Frieda, best friend ni Gywneth, ng napakalaking Toblerone bar. Ilang batang kalye rin ang nagtamasa ng grasya. Ipinamudmod na ni Gwyneth sa mga ito ang mga tsokolate dahil kung hindi, baka obesity o diabetes ang mapala niya, pati na ng kanyang pamilya. Paano ba naman ay isang truck na yata ang naipadala ni Randel sa kanya...

Humugot ng malalim na hininga si Gwyneth. Dahil ang masaklap na katotohanan ay ito. When Randel turned on his charm, she was powerless to resist. Ewan kung anong sangkap ang kulang sa utak niya at napakatanga niya pagdating sa pag-ibig. Kapag patayin sa lambing si Gywneth na ang pinairal ng nobyo, pasasaan ba at ni hindi pa humahaba ang prusisyon ay bumibigay na siya.

Ngayon ay mauulit bang muli iyon?

Hindi na. Never! Iyon ang matatas na sigaw ng isipan niya. Pero ang kanyang puso, noon pa lang ay umaapela na. Di ba dapat kausapin mo muna siya? Baka may magandang eksplanasyon.

Ipinilig niya ang ulo, ibinaon ang mukha sa mga palad. Kung kaibigan niya ang nagsabi ng ganoon ay malamang binatukan na niya. Ano kaya kung batukan niya ang sarili? Harinawa ay matauhan siya.

"What the hell is that?"

"Eeeek!" Muntik masapak ni Gwyneth ang taong biglang nagsalita mula sa kanyang likuran. Manggulat ba?

Ang kapatid niya, si Kuya Wayne, ang kanyang nabalingan. Katulad ng langit na nagbabadya ng Ondoy at Yolanda ang mukha nito. "Kuya, ano ba? Bumusina ka naman."

"Sabi ko naman sa 'yo, walanghiya talaga 'yang lalaking 'yan, eh," anas nito, nakatingin sa screen ng computer. "Pinigilan mo pa kasi ako noon. Nasapak ko man lang sana siya kahit isang beses. Siguro ngayon, magtatanda ka na. Sana naman magtanda ka na." Mukhang kagaya niya ay duda ito sa kakayahan niyang mag-isip nang matino.

"Kuya..."

"Don't use that tone on me. Masyado ka ng nagpapakatanga. Hindi na nakakatuwa. Ang pag-ayos sa buhay mo ang pagtuunan mo ng pansin, puwede?"

My Crazy Heart (Soon To Be Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon