Ako nga pala si Allan Dela Cruz, labing anim na taong gulang. Ako ay nasa ika apat na taon na ng high school. Nakatira sa probinsiya ng San Fernando. Ang pangalan ng aking tatay ay Roberto Dela Cruz at ang aking nanay ay si Marivic Dela Cruz. Sila ay nagtatrabaho sa isang hacienda na pagmamay-ari ng isa sa mga kilalang pamilya dito sa aming lugar, ang hacienda ng pamilya Meneses. Halos sampung taon na nagtatrabaho ang aking magulang dito kaya parang pamilya na rin ang turing ng mga may-ari nito sa aking mga magulang, kasama na rin ako at ang aking kapatid na nagngangalang Leah Mae Dela Cruz.
Araw araw akong bumibisita sa hacienda upang bisitahin ang aking mga magulang pero mas higit pa roon, upang makamusta rin ang aking kaibigan na nakatira sa loob ng hacienda, si Jessica Meneses. Siya ang nag iisang anak ng may-ari ng hacienda. Magkakilala na kami simula mula pagkabata pa lang namin at dahil na rin sa matagal na kaming magkakilala ay malapit rin kami sa isa't isa. Parati nga kami inaasar ng mga magulang namin na baka magnobyo't magnobya na kami pero sinasabi lang namin "Wala noh, magkaibigan lang talaga kami." Pero gusto ko talaga ganun ang mangyari dahil matagal na talaga ako may gusto kay Jessica. Boto naman sa akin ang mga magulang ni Jessica kaya hindi na magkakaproblema pa. Pero may gusto ba siya sa akin, yun ang problema.
Minsan nga humanap ako ng tiyempo para sabihin sa kaniya ang tungkol sa pagkakagusto ko sa kaniya pero nagiging palpak kasi biglang sumisingit ang mga iba niyang kaibigan. Maraming beses ko sinubukan pero palaging may sumisingit kaya di nagtagal, di ko na lang inamin sa kanya ang aking nararamdaman sa kaniya. Pero kahit di ko na sabihin yon ay masaya na rin ako dahil palagi ko naman siyang kasama, isama mo na rin ang pagiging magkaklase namin.
Isa sa mga nagustuhan ko kay Jessica ay ang pagiging simple, palakaibigan, at tsaka yung...hindi ka mababagot kapag kasama mo siya, at siyempre maganda rin si Jessica, kaya madami ring nagkakagusto kay Jessica. Minsan nga para maka-iwas sa mga lalaking lumalapit sa kaniya dahil nakakasawa na ay sinasabi niya na nobyo niya daw ako tapos may kasama pang paghalik sa pisngi at pagyakap sa balikat ko para mapatunayan daw na nobyo niya daw ako. Ako naman sobra sobra na ang pagkapula ng aking mukha(weh ung totoo, paano mamumula ang mukha ko kung may pagkamoreno lang ako). Pero kahit ganun ang nararamdaman ko kapag may ganoon kaming eksena ay hinahayaan ko na lang kasi ang sabi niya sa akin ay mayroon na siyang gustong lalaki. Palagi ko ngang hinihiling sa sarili ko, sana palaging may humahabol sa kaniyang lalaki para palagi kong nadadama ang kanyang matamis na halik sa aking pisngi at ang kanyang mainit na yakap sa aking braso, kahit alam kong wala naman talagang ibig sabihin iyon kapag sa kaniya, kasi nga, may iba na siyang gusto.
Nasa kalagitnaan na kami ng ika apat na taon sa high school, hindi lang iyon, malapit na rin ang Christmas Vacation, at hindi lang yun, madami na namang kainan ang mangyayari, at hindi lang yon talaga, malapit na rin ang birthday ni Jessica na sakto sa araw ng Christmas kaya napaka special nito, lalo naman sa akin. Ang masama dun, wala pa akong perang pambili para sa espesyal na regalo na ibibigay ko sa kaniya. Ayaw ko rin naman magpahalata na magbibigay ako ng regalo sa kaniya para naman magmukha talagang surprise gift ko yun para sa kaniya. Dahil sa plano kong iyon, iniwas-iwasan ko muna si Jessica upang hindi niya talaga mabisto ang plano ko. Kung anu-ano ginawa ko upang kumita lang ng pera para makabili ng regalo na sa tingin ko ay magugustuhan niya. Pero habang umuusad ng maganda ang plano, napapansin kong nagiging malungkot si Jessica. Naisip ko nga baka dahil sa crush niya yun, baka nalaman niyang may ibang crush na babae ung crush niya ngayon kaya hinayaan ko na lang. Sa classroom nga todo-iwas pa rin ako para umepekto talaga yung plano pero pinipilit niya pa rin ako kausapin. Pero kailangan kong ipagpatuloy yung plano ko, nasimulan ko na yung plano eh kaya dapat panindigan ko na at tapusin. Dahil sa mga ginagawa kong pandededma sa kanya, sobra ang lungkot sa mukha niya na parang hindi lang tungkol sa crush niya, parang may mas mabigat pa siyang problema.
Isang araw na lang ay birthday niya. Nahanda ko na rin ang regalo ko para sa kanya na talagang ikakatuwa niya ng lalo. Pero bago sumapit ang araw ng Pasko at lalo na rin ang birthday ni Jessica, tumulong muna ako sa paghahanda ng mga pagkain para Noche Buena mamayang alas dose ng umaga. Pagkatapos tumulong sa paghahanda ng Noche Buena, nagpraktis muna ako ng sasabihin ko para kay Jessica kapag sinorpresa ko siya. Pero parang nahihiya ako kasi pagkatapos ng pandededma sa kaniya, bigla bigla na lang akong susulpot sa harap niya. Ang kapal ng mukha ko grabe pero kailangan ko siyang masorpresa para mapalitan ang lungkot niya ng matamis na ngiti. Para makapagsorry na rin ako sa kaniya.
![](https://img.wattpad.com/cover/38690200-288-k443203.jpg)