Nung bata tayo walang duda, sa simpleng laruan lamang ay abot-langit na ang tuwa at sayang dulot nito sa atin. Sa tuwing oras na ng paglalaro, magniningning na ang mga mata natin, may ngiti ring guguhit sa mga labi at 'di maipagkakailang labis pananabik. Nung bata tayo, masaya lang at walang kahit anong iniisip.
Ngayon na hindi na tayo bata, ano na nga bang nakakapagpasaya sa atin? Pera? Pagkain? Luho? Bisyo? Atensyon? Relasyon? Pagmamahal? Minsan napapaisip ako kung ano nga ba talaga. Sa panahon kasi na ito, hindi na tulad nung bata pa tayo, ngayon may nakaraang gumagambala sa atin. May kasalukuyang minsa'y okay, minsan labis magpahirap. May oras ring nag-iisip tayo ng malala tungkol sa hinaharap.
Kung pwede sana'y maging bata na lang ulit noh? Tamang laro lang ng ten-twenty, chinese garter, luksong-baka o 'di kaya nama'y patintero. Pero imposible nang makabalik. Ibang laro na ang naghihintay. Patintero na ng buhay kung saan totoo at kasinungalingan ang haharang, isang maling desisyon, talo ka. Pero gaya ng lahat ng klase ng laro, pwedeng magsimula ulit sa umpisa. Yun nga lang eh mapapaisip kang muli kung ano na naman bang kahahantungan nito. Panalo? O talo na naman ulit?
"Joy! Please! Let's talk."
"Joy! Bumalik ka!"
Medyo malayo-layo na ako sa dalawang taong tumatawag sa akin nang lumingon ako sa kinaroroonan nila. Kamuntikan akong sumigaw ng "Mga pangit!" sa kanila pero wala na 'kong enerhiyang natitira para gawin ito. Sa dami ng salamin sa bahay namin, siguro naman mapagtatanto na nila 'yon. Bahala na sila sa buhay nila. Sobrang pagod na yung utak ko sa patong-patong na impormasyong nakalap ko kamakailan.
Nginitian ko na lamang sila pareho ng mapait at tsaka tuluyang naglakad palayo. Baka kasi 'pag nag-stay pa 'ko ay hindi ko na kayanin at kung ano pang magawa ko na baka pagsisihan ko.
Sa ngayon, wala akong ibang gustong gawin kung hindi ang lumayo at mapag-isa. Mas makakabuti ito para sa lahat. Lalo na sa 'kin. Wala akong hinahangad sa mga oras na ito kung hindi peace of mind lang.
Habang naglalakad napaisip ako. Joy ang pangalan ko. Napakagandang pangalan pero sa totoo lang, hindi bagay sa akin. Walang kahit anong parte ng buhay ko ang nangangahulugan nito maliban sa ipinanganak ako sa mundo at naranasang maging tao.
Lumaki akong walang ama. Tanging ang Mama ko lang ang nagtaguyod sa 'kin. Walang kahit anong tulong rin kaming natanggap sa ibang kamag-anak naming mga mapang-mata at matapobre. Hindi ko rin nakasalamuha ang mga kamag-anak namin sa side ng Papa ko. Lihim kasi ang naging relasyon nila ni Mama. Nung mga panahon kasi na iyon ay uso ang arranged marriage. Merong gustong ibang ipakasal kay Papa at hindi si Mama 'yon. Hindi alam ng pamilya niya na nag-eexist ako.
Wala sa wisyo akong nagpatuloy sa paglalakad. Nakatulala kong hinahakbang ang mga paa ko, tinutungo ang landas na hindi ko alam ang tawag. Lugar na hindi ko alam ang eksaktong direksyon pero do'n ako dinadala ng kapalaran.
Hindi ko na rin alintana ang buhok kong dumadampi sa mukha ko dulot ng panaka-nakang bugso ng hangin. Maalimuom ang paligid. Siguro ay mag-aalas kwatro na ng hapon at sa aking palagay ay may darating na ulan o bagyo.
Mukhang aayon pa ang panahon sa pinagdadaanan ko. Maging langit siguro ay makikidalamhati sa puso kong sa kasalukuyan ay sugatan.
Wala pa man ang nagbabadyang ulan ay nauna nang pumatak ang mga luha ko. Sa tuwing naaalala ko lahat ng mga naganap kani-kanina lang, awtomatiko nang tumutulo ang mga ito kahit na ayaw ko. Kahit gusto kong pigilan, nagkukumawala pa rin sila.
Hindi naman ako iyakin na tao. Hangga't kaya ko pigilan, pinipigilan ko. Ayoko kasing magmukhang kaawa-awa. Kahit pa sabihin ng ibang tao na okay lang umiyak, hindi ibig sabihin no'n ay mahina ka, ayoko pa rin. Ayoko ng kinakaawaan ako. Pero wala eh, nakakaiyak talaga.
Sa aking paglalakad, wala sa sarili akong napaupo sa isang bench. Sa aking pag-upo, naalala ko na naman yung mga nangyari kaya unti-unti ay napaiyak ako. 'Di ko na alintana kung sino mang mga makakakita sa 'kin. Hindi ko alam anong klaseng masamang espirito ang sumapi sa akin dahil walang paalam kong kinuha sa katabi ko ang isang earphones niya at inilipat ko sa aking tainga at tsaka humagulgol bigla. Malungkot na musika rin kasi ang narinig ko, sumakto sa nadarama ko.
Hindi raw iyakin eh.
Wala na 'kong pakielam kung anong isipin ng mga tao sa paligid ko. Kailangan ko lang ilabas 'to ngayon. Sa kabutihang palad ay hindi naman umalma yung lalaking katabi ko. Hinayaan niya lang akong umiyak habang nakikinig ng musika. Bawat liriko'y ninanamnam at tumatagos sa puso ko.
Mga ilang minuto ang lumipas, biglang nag-iba yung tugtog. 'Yung kanta ng Sexbomb na "Itaktak Mo" ang pumalit. Lahat ng luhang papatak pa lang sana, umurong pabalik. Hindi pa rin nagbago ang mood ko, siguro kung regular na araw lang ay matatawa ako. Napatingin ako sa katabi ko, halatang maging siya ay nagulat. Medyo namula ang kanyang mukha at nataranta. 'Di ko gaanong batid ang ginagawa niya pero siguro ay pinapalitan niya ng ibang kanta sa playlist niya.
'Di ko naman na hinintay pang malaman kung ano pang klase ng musika ang meron siya. Unang-una, nakieksena lang dinnaman ako. Malay ko bang meron din siyang sariling pinagdadaanan.
Tumayo ako tapos ay nagsimulang lumakad paalis. Narinig ko pa siyang tinawag ako.
"Miss..."
Nilingon ko siya matapos ko marinig iyon. Tinignan ko siya ng ekspresyong nagtatanong kung bakit. Hindi naman siya nakapagsalita kaya tumalikod na lang ulit ako. Hahakbang na sana ako pero naisip kong lingunin siya ulit.
"Fan ka ng Sexbomb?"
Sa aking muling paglalakad, hindi ko namalayan na nasa gitna na pala ako ng kalsada. Napahinto ako nang may marinig na malakas at paulit-ulit na bumubusina sa bandang kanan ko. Nang mapatingin ako roon ay nakita ko ang isang itim na kotse ang paparating sa direksyon ko. May kabilisan ang takbo nito.
Hindi ko alam kung sadyang bumagal lang ang paggana ng utak ko na parang wi-fi na mahina ang signal o gusto ko nang mamatay talaga dahil hindi ako natinag sa kinatatayuan ko kahit pa isang trahedya ang maaaring mangyari ilang segundo mula ngayon.
Nung papalapit na ito ay bigla akong nagising sa ulirat, napasigaw at natumba.
Parang saglit na dumilim ang paligid.
Hanggang dito na lang ba talaga ako?
Eto ba yung gusto ko? Ang mawala sa mundong ito? Dito ba ako sasaya?
Ilang segundo ang lumipas bago nag-sink in sa 'kin ang nangyari. Pasalamat ako at nakapreno agad ang driver ng kotse at hindi naman ako nabangga o nasagasaan. Kaya pala dumilim kasi napapikit ako sa takot at napaupo ako sa nerbyos. Sinong hindi nenerbyosin muntik na akong mawala sa mundo.
Napahawak ako sa balakang ko dahil medyo napalakas ang pagkakabagsak ko. Sumunod kong hinipo ang aking tiyan at pinakiramdaman ko ito. Taimtim ako na nagpasalamat sa Diyos dahil kahit papaano'y ligtas ako. Iniwas pa rin ako ng Maykapal sa labis na kapahamakan.
Aba't hindi pa ako pwedeng mamatay dahil may naiwan pa 'kong dalawang higanteng piggy bank sa bahay! Tagal kong pinag-ipunan yun. At sa lahat ng oras na pwede ay ngayon ko iyon pinaka-kailangan.
May taong lumabas galing sa loob ng kotse na muntik nang tumapos sa buhay ko. Kasunod nito ay ang paglapit niya sa akin.
"Sht, are you okay?" Tanong niya sa 'kin kasunod nito ang pag-angat ko sa aking mukha para sana sumagot sa tanong niya dahilan para makita ko kung sino iyong nagsalita. Nawala ang anumang dapat ay sasabihin ko sa kanya. Maging siya ay napahinto.
Parang yung mga eksena sa pelikula na bumabagal ang oras habang magkatitigan yung mga mata niyong parang nagkonekta sa mga kaluluwa niyo. Yung awra niyong parang itinahi at hindi na mapaghiwalay pa. Parang magnet ang presensya niyo sa bawat isa. Walang gustong mag-iwas ng tingin. Mga tinging hindi matanto ang tunay na kahulugan.
Natapos ang aming pagtititigan nang di inaasahang may biglang dumapo sa ulo niya.
Isang kalapati.
At sa kamalas-malasan pang inabot ay dumumi pa ito roon sa ulo niya bago ito lumipad muli at umalis.
BINABASA MO ANG
Para Kay Ligaya
RomanceIstorya ni Joy. Joy na hindi maligaya. Pero hindi nga ba talaga?