Kabanata 5: Nagugulumihanan

126 5 0
                                    

Emilio San Diego

Kinabukasan ay tila hindi ko na kilala ang aking sarili. Wala ako sa ulirat at tila laging naglalayag ang aking isipan. Mahina akong napadaing ng tumusok ang dulo ng karayom sa aking hinlalaki.

"Oh? Ano ang nangyari sa iyo Emilio?" Nagaalalang tanong ni Ina ng marinig niya ang pagdaing ko.

Umuwi sila kahapon na tila pagod kaya wala silang nabanggit na kung ano sa akin patungkol sa kanilang pinaroonan. Tahimik lang ang naging hapunan namin sa hapag kagabi hanggang sa lumipas ang oras at naisipan na naming magpahinga. Hindi naman ako dinalawan ng antok pagkat pilit parin akong binubulabog ng alaala kung paano ako hinalikan ni Rolando.

Kahapon ng tanghali ay nagpaumanhin ito sa kanyang nagawa at iniwan akong magisa sa aking silid. Naiwan akong tila pipi at hindi nakapagsalita ng ilang oras. Hanggang ngayon ay wala parin ako sa wisyo dahil nakatatak parin sa aking isipan kung paano lumapat ang labi niya sa akin. Maraming katanungan ang bumabagabag sa akin. Tulad na lamang ng kung ano ang relasyon na meron kami ni Rolando bago ko mawala ang aking alaala.

"Natusok ka ng karayom? Akin na ang kamay mo," kinuha ni inay ang aking kamay at sinipsip niya ang dugong lumabas sa aking hintuturong daliri.

"I-Inay malaki na ako, ang sugat na ito ay malayo sa bituka---" pinigilan naman agad ni ina ang aking pag-alma.

"Ganoon iyon Emilio! Para bumalik ang dugo," paliwanag ni ina na ikinayukot ng mukha ko.

"Kung gayon ay hindi ba  dapat si Emilio ang gumawa noon dahil dugo niya iyan? May sarili ka namang dugo ina---" sabat ni Sylvia sa tabi ko na nakaupo sa tumba-tumba.

"Huwag kang pilosopo Sylvia, gusto mo bang paluhurin kita sa asin? Ipagpatuloy mo lang ang pagbuburda at ayusin iyang ginagawa mo dahil napakapangit. Gayahin mo ang ginagawa ni Emilio--- teka ano iyang binuburda mo sa iyong bimpo? Rolando? Sino naman iyan?" Kunot noong tanong ni ina. Agad naman akong nataranta ng nga sandaling iyon dahil hindi ko alam kung anong palusot ang aking sasabihin.

"K-Kaibigan ko ina, sa kanya ang pamunas na ito kaya binuburdahan ko ng pangalan upang... Ibigay sa kanya bilang regalo?" Kinakabahan kong pagsisinungaling.

"Gayon ba? Sino bang Rolando iyan? Maraming Ginoo ang may ngalan na ganyan," muli pang tanong ni Ina.

"Ah..."

"Ina! Darating bukas si Lucas rito sa ating pamamahay. Ang rinig ko ay haharanahin ako nito, nais kong malaman kung kaibig-ibig bang pakinggan ang kanyang boses kapag kumakanta," biglang pagsulpot ni Martina sa aming sala.

"Kung gayon ay damayan mo kami rito Martina," alok ko.

"Subalit hindi ko gusto ang inyong ginagawa. Sa totoo lang ay hindi ako natutuwa sa paggawa ng kung ano mang gawaing bahay," bahagyang tumaas ang kaliwang kilay ni Martina habang tinitignan ako. Inayos ko naman ang pag-upo ko sa upuang kahoy at tinignan siya na tila ba may sinambit siyang hindi maganda.

"Nakakalimutan mo na ba Martina kung ano ang ibig sabihin ng kasal? Ikaw ay manunumpa na magiging kasama ng iyong asawa sa hirap at ginhawa. Ikakasal kayo ni Lucas upang maging katuwang ka niya, bakit tila gusto mong umasta na parang prinsesa? Tiyak ako na kapag kinasal kayo ay gagawin mo ang mga bagay na itinuturo sa atin ni ina," mahinahon kong saad ngunit naging mitsa ito ng galit na mababakas sa mukha ni Martina.

"Ano bang gusto mong iparating Emilio? Ikaw ang magaling? Ikaw ang talentado? Ang mga bagay na ginagawa mo sa pamamahay na ito ay hindi dapat ginagawa ng mga lalaki Emilio. Sa mga bagay na ito ka lang magaling oo nga pala ano? Kahit gaano ka pa kagaling sa pagluluto, pagbuburda, pagsisilbi o kung ano mang gawain na babae ang dapat gumagawa--- hindi noon matatakpan ang katotohanang wala ka paring silbi para kay ama," ang mga salita ni Martina ay tila patalim na paulit ulit na tumarak sa aking dibdib.

"Naawa ako kay Ginoong Lucas at mapupunta siya sa babaeng katulad mo Martina. Walang alam gawin sa bahay kung hindi magreklamo at tumanga sa kawalan. Tama ka Martina, doon lang ako sa mga bagay na iyon magaling. Ipinagmamalaki ko iyon, ngunit ikaw ba? Sa tingin ko ay sa pagsisinungaling ka lang magaling. Nang gabing iyon sa hapag, sinabi mong ikaw ang nagluto ng mga pagkain. Ngunit kahit na katiting na tulong mo sa kusina ng hapon na iyon ay wala akong natanggap Martina. Hindi mo inisip ang kalagayan ko ng mga sandaling iyon, baliwala sa iyo kung kagagaling ko lamang sa isang aksidente. Sapagkat ang importante sayo ay ang iyong pangarap na makasal sa isang walang hiyang Ginoo. Nakakalungkot isipin na mas mahalaga ang ambisyon mong makasal kesa sa akin na kapatid mo Martina--"

"Tumigil kayo! Maga-away talaga kayo sa harapan ko?! Bakit hindi nalang kayo kumuha ng patalim sa kusina at saksakin niyo ang isa't-isa?!" Galit sa sigaw ng aking ina.

"Patawarin mo ako ina, subalit hindi ko mapapatawad si Martina sa kanyang mga inaakto at ginagawa. Hindi kapatid ang turing niya sa akin ina, tila isa akong baitang ng hagdan na tinapakan niya ng gabing iyon," paumanhin ko at iniwan silang lahat sa sala.

Dinala ako ng mga paa ko sa labas ng asyenda, nilanghap ko ang sariwang hangin  at nagpakawala ng malalim na paghinga. Sa mga sandaling ito ay tila hindi ko na kayang pigilan ang pait ng damdamin ko. Bakit ganito si Martina? Kahit kailan ba ay tinuring niya akong kapatid? Kung gayon ay tama nga si Sylvia. Hindi kailan man naging kapatid sa akin si Martina, subalit tila may mali. Bakit ganito ako umakto? Bakit tila galit at tutol ako sa kasal na magaganap sa pagitan ni Martina at Lucas?

Marahil siguro ay naaawa lang ako sa walanghiyang ginoo na iyon sapagkat alam kong walang alam na gawaing bahay si Martina. Sa kanilang tatlo na kapatid ko ay masasabi kong si Sabrina lang ang nakikitaan ko ng potensyal.

"Ano ang iyong ginagawa rito sa labas?" Ito nga't ating pinag-uusapan. Ang biglang pagdating ni Sabrina ay ikinagulat ko ng bahagya ngunit agad din akong natauhan at tinugunan siya ng isang mapait na ngiti.

"Napakaraming kaganapan sa aking buhay Sabrina. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong pagtuunan ng pansin. Nagugulumihanan ako kung ano ang dapat gawin," malungkot kong saad.

Kabilang sa aking iniisip ay ang ginawang pag-angkin ni Rolando sa aking labi kahapon. Ano bang pumasok sa kukote nito at nagawa niya ang bagay na iyon kahit na mali?

"Hindi mo maiiwasan ang pagkalito sa mga bagay-bagay Emilio. Mamili ka lamang kung ano ang iyong susundin, ang iyong isipan ba o ang iyong puso? Ano ang iyong paiiralin? Ang mga bagay na nangyayari ngayon sa iyo ay tiyak akong may sulosyon. Bawat katanungan na bumabagabag sa iyo ay may sagot at ikaw lamang ang makakahanap nito," makahulugan nitong sambit bago ako iwanan.

"Ako na riyan Mang Goryo," rinig ko mula sa isang pamilyar na tinig.

Si Rolando, tinutulungan nito ang iba pang mga tauhan sa asyenda namin sa pagbubuhat ng mga kaban-kaban na produkto. Kahit hindi pa maalis sa aking isipan ang mga nangyari kahapon sa pagitan naming dalawa ay hindi ko mapigilang sundan siya ng tingin.

"Lapastangan ka Emilio! Ano ba iyong iniisip? Mas mainam na layuan natin siya at iwasan..." Bulong ko sa aking sarili.

Iiling-iling kong tinahak ang daan pabalik sa bahay. Dala ko parin ang pagkalito sa aking isipan ngunit sana...

Sana ay mawala na ito at tuluyan akong maliwanagan...

[Itutuloy...]

(Sorry for the late update hehe, inaatake lang ng katamaran...)

Word of the day:

Nagugulumihanan - Nalilito, asan ba ko sayo? Aasa ba ko sayo~

Char sorry akala ko magandang joke. K bye.

Hanggang Sa Muli, Aking SintaWhere stories live. Discover now