OLIN
Dinala kami ng mga kalag sa piitan na matatagpuan sa ilalim ng gingharian gaya ng atas ng bagong namamahala rito sa Escalwa na si Bulalakaw. 'Tapos, hinatiran kami ng dating hari ng Porras ng pagkain. Madilim dito sa silid na nahaharangan ng bakal na rehas at medyo maalikabok pa. Ang tanging liwanag na tumatanglaw rito sa 'ming kulungan ay ang kapiranggot na ilaw na nagmumula sa sulo na nasa magkabilang gilid ng aming kinalulugaran.
Ayon kay Haring Kalak, pinaslang daw sila ni Sinrawee nang iwan nila ang Porras. 'Tapos, nagtungo sila rito at naabutan si Bulalakaw. Binigyan daw sila nito ng kakayahan na makahawak ng iba't ibang bagay, pati sa mga tao, at hindi hinayaang makuha ni Panginoong Sidapa ang kanilang kaluluwa. Kapalit niyon ay kailangan nila siyang pagsilbihan. Kinagat na lang daw nila ang kundisyong 'yon sa kadahilanang gusto pa nilang maghiganti kay Sinrawee.
Kalaunan ay rumehistro sa 'ming pandinig ang nakaririnding ingay ng sunod-sunod na pagpukpok ng mga bakal at bato. Para kaming binubudburan ng alikabok dahil sa kaunting pagyanig.
"Ano 'yon?" Napamulagat si Cormac. Sapo-sapo ang ulo, kaagad siyang lumapit sa bakal na rehas at dumungaw.
"Mga duwende," sagot ni Haring Kalak saka sinenyasan niya ang isa pang kalag na kunin ang sulo at itapat doon.
Unti-unti naming naaninag ang mga maliliit na nilalang. Kasing-laki nila ang mga bata, may malalagong balbas na kulay kahel at puto, at saka malulusog ang kanilang pangangatawan. Nababalutan sila ng punit-punit na damit at tulad namin ay mayro'n ding itim na kulay sa ilalim ng kanilang mga mata. Kagyat silang tumigil, nagpukol ng nakatatakot na tingin, at saka muling bumalik sa kani-kanilang ginagawa.
"Likas sa kanila ang pagiging minero," panimula ng pinuno ng mga kalag. "Sila ang pinakamayamang nilalang dito sa Kahadras lalo pa't kasama nila ang isang diyosa. Hindi nila hilig ang pakikihalubilo sa mga tao, maliban na lang kung bibili sila ng makakain sa tagong bayan ng Tsey. Ngunit ang makapangyarihang diyosa na kasama nila rito sa Escalwa ay umalis nang walang paalam sa mga duwende. Buhat noon, sinakop ni Bulalakaw ang ginghariang ito. Naging alipin niya ang mga duwende at naging kanang kamay niya ako. Kapiranggot na pahinga lang ang natatamasa nila dahil sa higpit ni Bulalakaw. Ang sino mang lalabag sa kaniya ay makatatanggap ng parusa—isang matinding karamdaman," pagkuwento ni Kalak habang nakatingin sa mga duwende.
"Ano ang pangalan ng diyosang tinutukoy mo?" Napatingin ako sa katabi kong si Solci nang magsaboy ito ng kuwestiyon. Hindi na siya nakahawak sa kaniyang balikat. Gaya ko, mukhang nawala na rin ang kirot na nararamdaman niya.
"Si Burigadang Pada, ang diyosa ng kasakiman at kayamanan," kagyat na tugon ni Kalak at tinapunan ng tingin si Solci.
Bigla namang tumindig si Talay at lumapit kay Cormac. Parang hindi na rin sumasakit ang kaniyang mga braso subalit nangingitim na ito. "'Di ba puwede namang maging ginto ang mga bagay 'pag ibabad sa tubig na nasa hardin? Kailangan pa ba talagang gawin 'yan ng mga kawawang duwende?" ang tanong na kumawala sa kaniyang bunganga.
"Inatasan sila ni Bulalakaw na hanapin ang makapangyarihang hiyas, ang puso ng lupa. Iyon ang nais na mapasakamay ni Bulalakaw."
Tumango-tango lang kami sa sinasabi ni Kalak.
"Alam n'yo ba ang mga mahiwagang bagay rito sa Kahadras?" tanong niya. Umiling lang kami bilang sagot. "Una na riyan ang malaking perlas na nasa kamay ng rayna ng Horia, iyon ang puso ng karagatan. Pangalawa, ang gintong kabibe ni Kaptan na ibinigay niya kay Magwayen, ang diyosa ng karagatan at Kasakitan. Pangatlo, ang makapangyarihang hiyas na siyang nagsisilbing puso ng lupa. At ang huli ay ang nais ninyong makuha, ang Boac na siyang puso naman ng kagubatan."

BINABASA MO ANG
Olin in Kahadras [Volume 1 & 2]
Fantasy[VOLUME 1 - FINISHED] Categories : Mythological Fantasy • Isekai • Adventure • Action Normal lang ang buhay ni Olin Manayaga sa Cebu, o iyon ang inaakala niya. Ito'y nabulabog no'ng hinabol siya ng isang nilalang na kawangis ng butiki at may pakpak...