Makasaysayang Tuesday

4 0 0
                                    

Bawat bagay ay may simula. Bawat pagkakaibigan, pag-iibigan, pag-aaway. Lahat ay may simula. At meron ding katapusan. At ang bawat simula ay mahirap makalimutan.

Hindi ko man maalala ang eksaktong petsa ng araw na yun, pero hindi ko makakalimutan kung paano nagsimula. 

Dahil ako lang ang 10pm-7am shift sa team namin, madalas wala akong naaabutang bakanteng PC o work station kung saan andun ang mga teammates ko. Mas maaga kasi ang shift nila. Madalas napapadpad ako sa ibang row ng mga computers, at pinipili ko sa konti lang ang tao para hindi masyadong OP o out of place. 

Monday shift. Gaya ng inaasahan, puno na sa row ng team namin kaya naghanap ako ng magagamit kong computer sa ibang hilera ng mga PC. Sa kabila lang ng team namin may mga bakanteng PC. Halos sa isang row dalawa lang ang agent na gumagamit. Pinili ko sa row na walang tao. Nagsimula na ako mag-set up ng PC ko. Habang naghihintay, dahil wala naman akong katabi, walang makausap, di ko maiwasan mapalinga-linga sa palibot ko. Nung napatingin ako sa kaliwa, nakita ko ang isang lalaki sa dulo. Sa mga kinikilos niya mapapaghalatang may kinakausap siya sa hindi kalayuan. Pero dahil near sighted ako, hindi ko kaagad naaninag ang buong itsura nya. Siguro mga 10-15 feet ang layo nya sa inuupuan ko. Ang nakikita ko lang sa kaniya, naka-jacket siya ng red, naka-pants, naka-sapatos, black ang buhok, mapula ang labi. Sa tingin ko kamukha niya si Ephraim, pero hindi siya gaanong matangkad.


Habang nasa malayo siya at tinitignan ko siya, inimagine ko na siya si Ephraim. Inisip ko kung papansinin ba niya ako. Kung ngingiti ba siya sakin. Dati kong kaibigan si Ephraim. So I wonder kung magkikita kami ni Ephraim, papansinin niya kaya ako? Magiging magkaibigan pa kaya kami ulit? Tumingin na ulit ako sa PC ko dahil naglakad na papalapit yung lalaki. Naisip ko, sa pormahan nya, na mukha siyang maporma, hindi ako ang tipo na kakaibiganin niya. Dumaan siya sa likuran ko at di ko na tinignan kung saan pa siya pumunta. Naging abala na ako sa pagse-set up ng PC ko. Kabado ako kasi madami akong absents at late, anytime ipapatawag ako ng TL ko. Nalaman ko na kasama ako sa batch na may kailangang tapusing training. Kaya naka-aux 6 lang ako.

Sobrang bagal ng PC mag-load kaya di ko talaga maiwasan na mapalinga linga na naman. Sakto napatingin ako sa harapan, nakita ko dumaan siya. Naisip ko andun na naman si Ephraim. At dumaan ulit siya sa likuran ko. Gusto ko na sana bilangin kung ilang beses siyang padaan-daan sa likuran at harapan ko pero naisip ko na wag na, sayang lang, di rin naman ako mapapansin ng lalaking yun. Hanggang sa nakita ko siya na nagchecheck ng PC mula sa dulo. Sunod-sunod niyang tinignan ang PC hanggang sa makarating siya sa PC sa tabi ko mismo. Tinanong niya kung okay ba yun, sabi ko di ko alam. Binuksan niya ang PC, gumana naman kaya naupo na siya sa upuan.

Kinabahan ako, grabe. Sa dami ng PC na pwede niya magamit dun pa talaga sa malapit sakin, pinakamalapit sakin. Magkakilala pala sila nung babae na nasa likuran niya lang, nag-usap sila, nagkulitan, nagbiruan, pero di ko na pinansin. Naging busy na ako sa training na pinapagawa sakin. Hanggang sa nag-take na siya ng call.

Nagulat ako ng bigla niya akong kinausap. Nagkwento siya tungkol sa call niya na naka-mute. Nakipagkwentuhan siya sakin habang naka-mute ang call, tapos nung bumalik siya sa caller niya nasagot naman niya lahat ng tanong at naresolve niya ang isyu. Sa isip ko, siguro kung ako yun, hindi ko maiintindihan ang sinasabi ng customer habang nakikipagkwentuhan sa iba. Pero siya nakapag-multitask siya. Pahapyaw na ako nakinig sa call niya. Nalaman ko pakilala niya "John", naisip ko common English name. Pagkatapos ng call niya, pag avail siya kinakausap niya ako tungkol sa kung anu-ano lang pero nakakarelate naman ako. Nasasakyan ko naman topic niya. Di ko namamalayan na habang nag-uusap kami, dahan-dahang gumagaan ang pakiramdam ko. Kung may labi ang puso, sigurado ako nakangiti ito habang magkausap kami. Maganda din mga jokes niya, korny pero nakakatawa. Classic pero nakakatawa. Nakakatawa nga ba o natatawa ako dahil sa kanya? Hindi ko maipaliwanag pero gumaan ang loob ko sa kanya. Napapangiti ako ng patago. Ayoko ipahalata sa kanya na natutuwa ako sa kanya. Pero hindi maitatago sakin ng puso ko ang kakaibang pakiramdam na naramdaman ko. It's a strange feeling.

Hanggang sa nakipagkilala na siya sakin. Siya si John. At yun na ang simula. Nalaman ko na 7pm-4am ang shift niya. Pero 5 am na siya nag-log-out. Kaya nung nakaalis na siya, biglang natahimik ang puso ko. Ang iniisip kong maangas na lalaki, na maganda at sexy lang ang lalapitan ay nakipagkilala sakin. Hindi ko ini-expect yun. Buong shift ko inisip kung bakit niya ako napansin, kung bakit niya ako kinausap, kung bakit tumabi pa siya sakin. Kakilala niya pala yung babae sa likuran niya, may bakanteng PC sa tabi niya, bakit hindi siya dun puwesto? Bakit sa tabi ko pa? Eh hindi naman niya ako kakilala.

Yun na ang simula. Pumasok ako ng Monday na tanging iniisip lang ay kung papasok ba ako ng mas maaga para makapag-overtime at makasabayan mga kaibigan ko mula sa wave namin at lumabas ng Tuesday na siya ang nasa isipan hanggang makauwi sa bahay. Yun na ang simula. Naiisip ko na siya. Napapangiti ako pag nakikita ko siya at pag naririnig ko ang boses niya. Patago akong nag-aabang na masulyapan siya. Pero sa linggong yun isang beses ko lang siya nakita. Kinabukasan di ko na siya nakita sa floor. Inisip ko kung ano kaya ang rest day niya? Bakit isang beses ko lang siya nakita?

Hanggang sa may mga araw na nakikita ko siyang napapadaan sa amin at nginingitian niya ako. At ang puso ko naman ay tuwang-tuwa. Minsan lumipat pa siya ng PC sa tabi ko. At katulad ng dati, nagkwentuhan na naman kami. Ang saya niya kausap. Napapasaya niya ang puso ko. Hindi ko alam kung bakit, sobrang kakaiba ng nararamdaman ko para sa kanya. Kakaibang saya, kakaibang liwanag, kakaibang gaan. Parang pagkain na mabubusog ka, sulit ang bawat minuto. Wala naman akong baon na jokes o kwento, kaya pag natatahimik ako lalo na pag-avail, bigla siya babanat ng jokes niya. Ako naman tuwang-tuwa. Yung silence at awkwardness ko nafifill upan niya ng kwento, ng tanong, o kaya ng jokes. Siya yung lalaki na masarap kausap. Gustong gusto ko katabi kasi napapasaya ako. Dinadala ako sa kakaibang mundo, malayo sa malungkot at puno ng frustration na mundo ko. Kapag kausap ko siya pakiramdam ko kaming dalawa lang ang tao sa mundo.

Di ko makalimutan nung shinare niya sakin yung kinakain niyang Pocky strawberry flavor. May bawas na yun pero kinuha ko. Sabi niya sakin na lang daw. Hindi ko sana uubusin, kung pwede lang itago ko yun pang-habangbuhay. Pero pagkain yun, masisira lang yun. Kaya kinain ko na din. Pero inuwi at iningatan ko yung box. Nilagay ko sa may table ko sa tapat ng salamin, para sa tuwing magsasalamin ako makikita ko yung box, maaalala ko siya. Napapangiti ako pag naaalala ko siya. Sweet din pala siya. :)

Every 2 months nagre-reshuffle ng team. Sa team namin, ako lang ang nalaglag. Dahil gabi na ako dumarating, nabalitaaan ko na lang na may bago na akong team. Tinuro ako kay TL Maya, dun ang bago kong team. Isa sa wave mate ko ang kasama ko sa bago kong team. Nung binalita sakin ang bagong team, unang pumasok sa isip ko na sana hindi ko siya ka-team. Yun lang ang pinagdasal ko, na sana hindi kami magkasama sa team. Maganda sana kung magka-team kami para palagi ko siyang makikita. Pero ayoko. Kasi ibig sabihin nun makikita ko na ang lahat sa kanya, mas makikilala ko pa siya. Mas ma-eexpose sakin ang ups and downs tungkol sa kanya, ang good at bad. At makikita niya din ang good at bad side ko. Mako-conscious ako sa performance ko kasi ayoko mapahiya sa kanya. Ayoko. Gusto ko makontento sa pantasya ko sa kanya. Hindi pa ako handa sa worst scenario na pwedeng mangyari. Kontento pa ako sa pasulyap sulyap ko sa kanya sa malayo. Sa mga patagong ngiti at makapagpigil-hiningang pag-aabang sa ngiti niya.

Tinignan ko sa email ng ka-wave ko ang listahan ng mga members kay TL Maya. Nakita ko pangalan ko dun. Hinanap ko name niya. Ang alam ko lang John ang name niya. Isa lang ang John na nasa listahan, John Jafet Mendoza. Pinagdasal ko talaga na hindi siya ang John Jafet na magiging ka-team ko. Pinagdasal ko na sana hindi lang siya ang John sa buong AMEX. At sana napunta siya sa ibang team. Bago ang schedule ng lunch ko, nagpatawag si TL Maya ng team meeting sa lahat ng members nya. Shookt! Andun siya! Kasama siya! Confirmed! Siya nga si John Jafet Mendoza! Sheet! Sheet talaga! Bakit??? Bakit bakit bakit???!!!??? Bakit nasa team namin siya??? Bakit ako napunta sa team na ito??!!!

Badtrip talaga. Pinagpawisan ako kahit malakas naman ang aircon. Binabaha ng tanong ang isipan ko, hindi ko na tuloy mapakinggan ang sinasabi ng TL namin. Nasa magkabilang dulo kami. Sinusulyapan ko siya ng patago, pero nagtatago ako, ayoko makita niya ako. Bakit pa kasi?? As in, bakit Lord? Bakit pinagsama niyo kami sa iisang team?? Pwede pa bang lumipat ng team?? Lilipat ako!! Babalik ako sa dati kong team. Pinuntahan ko yung floor assistant sa dati kong team, nagtanong ako kung pwede na wag akong ilipat ng team, o kung pwede sa ibang team na lang ako, wag lang kay TL Maya. Natawa lang siya, sabi niya nakakatakot talaga na TL si TL Maya. Sabi ko hindi yun ang dahilan ko. I'm having a strange feeling towards a certain person at ayoko makasama siya. Naalala ko kahit nung high school ako sinasabi ko sa sarili ko na ayoko magka-crush sa kaklase ko. Ayoko pag kasama ko sa patagisan. Ayoko makipagmagalingan. Competitive ako, at gusto ko sa lalaking may laban din, pero ayokong magkipagsabayan. Basta ganun ayoko.

Kung dati inaabangan ko siya at sinusulyapan, ngayon nagtatago na ako sa kanya. Ayoko makita niya ako, nahihiya ako sa kanya. Ako lang ang nakakaalam ng nararamdaman ko para sa kanya, pero feeling ko masyado na akong obvious, ayoko malaman niya. Ayoko ipahalata. Lalo na nakikita ko na sweet at malapit siya sa mga babae na ka-team namin. Nagseselos ako, para akong tanga. Inggit lang siguro ako. Inggit lang ako kasi gusto ko kausapin niya din ako, pansinin niya din ako, at kung pwede sakin lang ang atensyon at oras niya. I know, that idea is crazy. Ako lang nga nakakaalam na gabi-gabi inaabangan ko siya makita. Sa umaga, pag uwi ko, siya pa din naiisip ko. Hanggang sa pagtulog at sa pag gising.

Sinasadya ko na talagang iwasan siya. Ayoko na ipapatuloy pa kung ano man ang nararamdaman ko para sa kanya. Gusto ko na matigil ang kahibangan ko. Tama na ang pagpapantasya sa ideyang "ako at siya". Pero kahit anong iwas ko dahil iisang team na lang kami, pinagtatagpo pa din kami. Dahil maaga ang shift niya, mas nauuna siyang dumating. Minsan pag dating ko, at pag nakita niya ako, tatawagin niya ako at iooffer ang PC malapit sa kanya. Shooks! Kung pwede lang dun ako sa likuran, malayo sa team namin, pero gusto ng TL namin na magkakasama lang kami. Kung pwede lang tumanggi, pero yung puso ko, miss na miss na siya, kaya umuupo agad ako, sabay sabi ng thank you. Deep inside nanginginig na ako sa sobrang kaba at saya. Tumatalon talon na naman ang puso ko. Masaya na naman ako.

Mga ilang beses ko na din siya nakatabi kaya panay kami kwentuhan. Nalaman ko buhay niya. Nalaman ko na iniwan siya ng gf niya. Nalaman ko kung taga-saan siya. Nalaman ko na yung ka-team namin na madalas kausap niya ay halos kasabayan niya sa AMEX. Nalaman ko na friends lang sila. Nalaman ko pa ilang jokes niya. Nalaman ko kadramahan niya. Nalaman ko ang pagiging mabait, mtulungin at friendly niya. Nalaman ko na puro lang siya trabaho. Nalaman ko kung gaano na siya katagal sa AMEX. Nalaman ko kung ano mga trip niya. Nalaman ko kung saan siya nag-aral at kung ano kurso niya. Ang dami kong nalaman tungkol sa kanya. At masaya ako dahil dun. Masayang-masaya! Yung puso ko kinikilig dahil sa kakaibang nararamdaman ko para sa kanya.

Alam ko hindi pwede ang nararamdaman ko. Alam ko na mali, pero dun masaya ang puso ko. Nag-decide ako na hindi ko na ipapagpatuloy ang ganung gawain. Nag-decide ako na tapusin na ang kahibangan ko at ang kakaibang nararamdaman ko para sa kanya. Kaya iniwasan ko na talaga siya. Nagtatago na talaga ako para di niya ako makita at lumalayo na ako sa kanya. Lalo na hindi naman siya nagpapakita ng motibo sakin. Mabait at sweet lang talaga siya. Pero hindi siya maaaring magkaroon ng strange feelings din para sakin. Malabong mangyari yun.

Pero iwasan ko man siya, para na siyang tattoo sa utak ko na hindi maalis alis. Pag sumasakay ako ng MRT iniisip ko na baka makita ko siya, kahit hindi niya ako makita. Kahit na alam ko na magkaibang oras ang pasok at uwian namin, pag nasa labas ako iniisip ko na sana makita ko siya. Sana makita niya ako, sana magkatagpo kami. Pero hindi nangyari kasi nga imposible. Sa floor lang kami nagkikita. At minsan nakikita ko pa na may iba siyang kausap at kasama. Hindi pa deep ang friendship namin para umasa ako na magkaroon ako ng special space sa puso niya, sa buhay niya, para pahalagahan niya ako.

Kahit iniiwasan ko na siya naiisip ko pa din siya. Naiisip ko yung masasayang sandali naming dalawa. Minsan, nagtago ako, nagpuwesto ako sa ibang team, sa kabilang row lang ng team namin kaya naririnig ko pa din boses niya. Marinig ko lang boses niya pumipintig na ang puso ko. Hindi na kami nag-uusap. Iniiwasan ko na talaga siya. Hindi na din ako sumusulyap sa kanya. Marinig ko lang boses niya okay na ako. May call ako nun. Nagulat ako nang biglang may lumapit sa likuran ko at naglagay ng choco mallows sa desk ko. Paglingon ko nakatalikod na siya. Bumalik na siya sa PC niya. Wow! Alam ko simple act of kindness and sweetness lang yun. Lahat naman ata ng ka-team namin binigyan niya. Pero para sakin na may strange feelings para sa kanya, it was awesome! Amazing! Nagpa-fireworks ang puso ko sa sobrang saya! New year na!

Lalong umiiba ang nararamdaman ko para sa kanya. Pero hindi siya nagpapakita ng motibo. Ako lang ang umaasa. Hindi na ito pampalipas oras na pantasya lang. Nauubos ang oras ko sa pag-iisip sa kanya. Palagi na lang siya nasa isip ko. Gusto ko na may makausap tungkol sa kakaibang nararamdaman ko. Pero magmumukha lang akong tanga. Alam ko naman kung ano ang dapat gawin. Alam ko naman na nagpapakatanga lang ako, alam ko na ako lang ang umaasa, ako lang ang naniniwala sa strange feeling. At ako lang ang nakakaramdam nito. Katangahan ito. Pero hindi talaga maalis sa puso ko ang nararamdaman ko.

May boyfriend ako na nasa ibang bansa nagtatrabaho. LDR kami. Kaya nasabi ko na mali ang nararamdaman ko para sa kanya. Pero sa loob ng two years namin ng boyfriend ko, ngayon ko lang naramdaman ang strange feeling na naramdaman ko para sa kanya. Kaya bagung-bago para sakin ang strange feeling. Attracted ako sa kanya physically, masaya ako pag kausap ko siya. Iniisip ko siya buong araw. Alam ko mali talaga na ganun ang nararamdaman ko para sa kanya. Alam ko walang patutunguhan, lalo na hindi siya nagpapakita ng motibo.

Ina-add ko siya sa facebook, kasi sabi niya. Nakikita ko mga post niya, mga gala niya. So minsan nagkaka-chat kami. Nakwento ko na sa kanya na may boyfriend ako. Kaya siguro hindi siya nagpapakita ng motibo dahil alam niya na may boyfriend ako. O baka dahil wala lang talaga siyang motibo sakin? Pag nagkaka-chat kami tinatanong niya sakin kung kelan daw kami magbe-break ng boyfriend ko. Hindi ko siniseryuso ang tanong niya. Nirereplyan ko lang siya ng tawa. Hindi pumapayag makipag-break ang boyfriend ko. Kahit ako na ang nasasaktan at nahihirapan. Kaya iniisiip ko na kung hindi siya bumibitaw, bakit ako bibitaw?

Kung tuluyan akong nakipaghiwalay sa boyfriend ko noong iniwan niya ako sa ere para sa malaking sahod sa abroad, hindi siguro magiging mahirap ang sitwasyon ko sa kanya. What if single ako ngayon? Tapos ligawan niya ako? Liligawan niya ba ako? Now I'm having these crazier ideas. Hindi pwede. If only I could say yes to him. Pero hindi pwede, sorry puso. :( Naging paulit ulit ang tanong niya kung kelan kami magbi-break ng boyfriend ko, kasi manliligaw daw siya. Masaya sana pero di ko makita sincerity niya. Kaya bago pa ako makagawa ng maling bagay at maling desisyon dahil lang sa nahuhulog na ako sa kanya, umiwas na talaga ako ng 100%.

Nag-resign ako sa trabaho ko. Ayoko sana umalis, mahal ko ang FIS. Tinuturing kong first love ang company na yun. First BPO company ko. Yun ang bumuo sa sarili ko nung panahon na wasak ako dahil iniwan ako sa ere ng boyfriend ko. Doon nagkaroon ako ng mga kaibigan at natutunan ko na masarap pala na may kaibigan. May mga taong tumulong sakin para mabalik ang confidence ko sa sarili ko. Naniwala sila sa kakayahan ko at tinulungan nila ako para maging matatag. Kaya sobrang sakit para sakin na umalis at iwanan ang company na yun. Ilang linggo din akong umiyak. Pero may mga reasons ako kung bakit ako nag-resign. Isa na dun ang para maiwasan siya. Dahil alam ko pag nagtagal pa ako dun, mas madalas ko siya makikita, it's either mai-in love lalo ako sa kanya or masasaktan ako. At posible na ma-compromise pa ang current relationship ko. I might ruin my relationship and lose him. I will lose them both. So I have to choose just one and focus on my choice. I chose my boyfriend.

Pero hindi pa din siya nawala sa isip ko. Kahit nasa ibang company na ako umaasa ako at nangangarap na sana mapadpad siya sa Ortigas at magkita kami. Iniingatan ko pa din ang box ng pocky na bigay niya. Namimiss ko pa din siya. Namimiss ko siya kahit alam ko hindi naman niya ako maiisip o maaalala. Hanggang sa lumipas na ang mga araw, ang buwan, ang taon. Nakita ko sa nagpo-posts siya na may kasamang babae. Nakahanap na siya ng love life niya. Masaya na siya, swerte ng babae. Masaya na ako para sa kanila. Masaya ako na makita siyang masaya.

Lahat ay may simula. At meron ding katapusan. Kung ang simula ay mahirap makalimutan, yung katapusan naman minsan ay hindi namamalayan. Hindi na napapansin, hindi na nalalaman. Nagigising na lang sa katotohanan na tapos na pala. Natapos na walang paalam, walang nakakaalam. Natapos na hindi alam kung bakit at kung paano natapos.

I moved on with my life. Nagpatuloy ang buhay ko at paminsan-minsan naiisip at naaalala ko siya. Hindi na ako nasasaktan. Nakuntento na ako sa mga alaala niya. Hanggang sa umuwi ang boyfriend ko at nagpropose ng kasal. Pumayag ako magpakasal sa kanya. Wala na din akong ibang gustong pakasalan. Ayoko na magulo pa ang storya. Yung boyfriend ko naninindigan at lumalaban para sa akin, so dapat ganun din ako. Nag-decide ang boyfriend ko na sa probinsya muna ako habang pinaghahandaan ang kasal. Nung nagliligpit na kami ng mga gamit, muli kong nakita ang box ng pocky. Naalala ko na naman siya. Isa siyang alaala na ayoko makalimutan. Hindi alam ng boyfriend ko, hindi niya alam, walang nakakaalam sa nararamdaman ko.

Umiyak muna ako bago ko tinapon ang box. Inubos ko muna lahat ng luha ko, lahat ng natitirang pag-sa, pangarap, pantasya at alaala, nilabas ko sa luha ko. Binuhos ko lahat ng lakas ko para mabitawan ko na ang isang maliit na karton na wala namang laman. Kelangan ko na din bitawan ang nararamdaman ko para sa kanya. Basura man sa tingin ng iba ang isang karton ng pocky, para sakin punong-puno yun ng halaga. Walang kamalay-malay ang lahat na ang isang box ng pocky ay pwedeng maging mitsa ng panlalamig sa relasyon namin ng boyfriend ko na pakakasalan ko na. Kaya kelangan na talagang itapon yun. Nakita ko nilagay na sa basurahan yung box. Pero hanggang sa pag-alis namin, nakatingin pa din ako sa basurahan, tinitignan ang box ng pocky na nagsisimbolo sa kanya. Habang naglalakad kami naisip ko na kung gusto ko siya maalala, bili na lang ako ng pocky sa supermarket o 7-eleven. Hanggang sa huli iniisip ko pa din siya. Bakit ba hindi ko mabitawan ang alaala niya? Bakit ang tagal ko makalimot? Bakit kumapit ako ng mahigpit sa mga sandaling napasaya niya ako? Ngayon tuloy hindi ko mabitawan. Kahit ako lang ang nakakaalam sa nararamdaman ko, kumapit pa din ako.

Makalipas ang dalawang taon, naging busy na ako sa buhay ko. Minsan ko na lang siya maalala. Pero muling napatalon ang puso ko nung nakita kong nag-comment siya sa isang post tungkol sakin. Nag-congrats siya sa pagkakapasa ko sa LET. Parang tumigil ang oras nung nakita ko ang pangalan niya. Bumilis ang tibok ng puso ko. Di ko akalain na hanggang ngayon may ganung epekto pa din siya sa puso ko. May natitira pang kakaibang pakiramdam. Hindi ko na bingyan pa ng pansin yun. Ilang buwan na lang ikakasal na ako.

Tatlong taon mula noong nakilala ko siya, anim na buwan na akong kasal. Anim na buwan na puno ng kalungkutan, panghihinayang at paninisi. Sa panahon kung kelan nalulunod ako sa kalungkutan at sakit, bigla siyang nag-chat. Pakiramdam ko nabuhayan ang puso ko. Nagkaroon bigla ng sigla. Nagkamustahan lang. Nagkwentuhan. Masaya pa din siya kausap. Nalaman ko buhay niya ngayon. Naikwento ko din ang pinagdadaanan ko ngayon. Pakiramdam ko unti-unti akong bumabalik sa nakaraan. Sa nakaraang tatlong taon. Unti-unting bumalik ang mga alaala. Ang msasayang sandali, pangarap at pag-asa. Naalala ko ang kakaibang pakiramdam. Ang kakaibang pakiramdam na tinapos ko nung pinili ko ang boyfriend ko. Pero ngayon naaalala ko na naman.

Maaalala natin ang simula ng bawat bagay, pero minsan hindi natin namamalayan ang pagtatapos nito. Maliban na lang sa pelikula at kanta na may simula at may katapusan. Hindi ko alam kung hanggang kailan tatagal ang strange feeling na ito sa puso ko. Hindi ko alam kung kailan matatapos at kailan mawawala. Basta sa ngayon, if this strange feeling's making me happy, I'll hold on to this. Ito lang ang nagpapasaya sa akin sa ngayon. Hahayaan ko muna itong magpatuloy hanggang sa kusa na itong matapos at mawala. 

 

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
Makaysaysayang TuesdayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon