Maaga ako nagising kinabukasan. Napangiti ako ng makitang nauna pa ako sa alarm ko. Kung minsan kasi ay mas gusto ko talagang nagigising ako ng kusa kesa nagigising ako ng sapilitan.
Nag-check lang ako ng schedule at room ko sa araw na ito bago lumabas ng aking kwarto.
Paglabas ko ay naabutan ko ang mama ko na nagluluto ng ulam. Isa ito sa pinakapaborito ko kapag hindi busy si mama, napagluluto niya ako ng pagkain. Masarap kasi magluto si mama at madalas na puro paborito ko pa ang niluluto niya. Iba rin kasi talaga ang lutong nanay.
"Eli! Kain ka na dito, nagluto ako ng Kaldereta, hindi ba paborito mo ito?"
Napangiti naman ako dahil sa effort ng nanay ko.
"Wow! Malambot ba yung baka, ma?"
"Oo naman! Alas sais ako gumising para masigurado na lalambot talaga ang baka!" Nakangiti si mama at kumuha ng kaunting sabaw upang ipatikim saakin.
"Ma! Sobrang sarap! Magbabaon ako nito sa school para ito na rin ang kainin ko sa lunch. 100 nalang ang ibigay mo saakin dahil may baon naman akong kanin ngayon"
"O'sya sige. Umupo ka na dyan at malapit na akong matapos dito"
Hanga ako kay mama. Kahit magisa lang siya, naitataguyod niya kaming tatlong magkakapatid. Alam ko na mahirap para sakanya, ngunit kahit isang reklamo ay wala akong narinig sakanya.
Si mama ang nagpaaral saakin simula pa kinder ako. Siya na rin ang nagtataguyod sa dalawa kong kapatid dahil hindi rin nagbibigay ng suporta ang mga tatay nila. Sobrang proud ako kay mama dahil kinakaya niya. Kahit minsan ay alam kong pagod na siya.
"Ma! Nakahain na, lalagyan ko na ng pagkain at kanin ang plato mo ha, tapos umupo ka na rin dito para sabay na tayong kumain at pumasok mamaya"
Habang kumakain ay nagtatanong lang si mama saakin kung ano ang magandang make-up ngayon. Sinabi ko sakanya na hindi ako updated dahil hindi talaga ako marunong maglagay ng make-up.
Tourism student pa naman ako. Pero hindi talaga ako marunong maglagay ng make-up, tanging liptint at lipstick lang ang kaya kong ilagay.
Nang matapos kami kumain ay naghanda na ako para sa pagpasok, at sabay na rin kami umalis ni mama para makatipid kami sa pamasahe.
Nakarating ako sa University at hinanap kaagad ang mga kaibigan ko. Masaya ako dahil kaibigan ko na sila magmula pa elementary hanggang ngayong nag college na kami. Masasabi kong matibay na ang pagkakaibigan namin kahit na madalas may hindi pagkakaunawaan.
"Eli! Saan mo nabili stockings mo?! Tignan mo naman yung akin, wala pang isang araw ko ginagamit pero butas na agad!" Saad ni nikita. Isa sa mga kaibigan ko.
"Ano ba naman yan niki! Kakapasok palang natin pero yung itsura mo pang uwian na agad!" Sagot ko naman.
Humalakhak pa ako dahil ang gulo na agad ng buhok niya at oily na siya. Nabutas pa ang stockings. Napaka harot naman kasi nito at lahat talaga ng makita niya ay dinadaldal niya!
"Sabihin mo nalang eli! O samahan mo nalang ako mamaya paglabas natin. Bibili na ako ng matibay para hindi laging ganito! Baka sabihin pa ng prof natin ay ginagawa kong easy access ang soot ko para sa mga lalaki" Aniya at tinalikuran na ako.
Pumasok ako sa classroom at namataan ko kaagad ang mga kaibigan ko na nagke-kwentuhan. Umupo ako sa medyo bandang dulo.
Sa totoo lang, pito kaming magkakaibigan. Ang mahirap sa ganito ay madalas partner partner sila.
Si Nikita, sobrang close sila ni Camila. Si Cristina naman, sobrang close sila ni Aliana. Si Gail naman ay kaclose si Mari.
Madalas ay naiiwan ako. Madalas gusto kong magtampo kapag inaaya ko sila ngunit tumatanggi sila dahil may kanya kanya silang lakad na hindi ako kasama.
