Estudyante kami, Ikaw nama'y Guro
sinulat ni: MsMischief
Sabi ninyo kayo ang pangalawang magulang,
Naming mga estudyante dito sa paaralan.
Ngunit bakit naging ganito ang mga pagtrato?
Pilit pinalalayo ang puso namin sa'yo.
Akala ko ba ika'y kaibigan rin namin,
Subalit ang pusong umasa'y, nabigo mo rin.
Parang ibong malaya na napilay ang pakpak,
'Di makalipad dahil sa sakit na tumatak.
Respeto namin, kailanman ay hindi nawala,
Sa'yo oh! Aming guro na sa ami'y nagpala.
Kaya sana'y 'wag mangusap ng isang salita,
Na sa puso namin ay pilit na sumisira.
Estudyante kami, ikaw nama'y aming guro,
Iyan ngayon ang inyong pilit itinuturo.
Paalala rito at paalala rin doon,
Nang tamang kalagyan namin sa buhay mo ngayon.
Nasaan na ang dating karamay sa tuwina?
Nilipad din ba ng hangin nang bagyong Yolanda?
Kay saklap naman kung ganoon nga ang nangyari,
Samahang binuo at panahon ang nagyari.
Estudyante kami, ikaw nama'y aming guro,
Kasama sa paaralan, sa ami'y nagturo.
Utang namin ang kaalamang nanggaling sa'yo,
Nagbigay ng paalala, gayon din ng payo.
Kami'y parang bato na nakatago sa lupa,
Ikaw ay minero na humukay at humasa.
Pinalabas ang kinang, nang bato'y maging hiyas,
Pinagmalaki dahil ikaw ang nakatuklas.
Ito'y panulat na binuo ng hinanakit,
Sapagkat sama ng loob hindi maisambit.
Nais ko lang naman kami ay maunawaan,
Sa aming mga gawi, sana'y wag agad husgahan.
BINABASA MO ANG
Estudyante Kami, Ikaw nama'y Guro
PoesíaAng tulang ito ay naglalaman ng mga hinanakit ng isang estudyante.