Bulag Sila

1 0 0
                                    


BULAG SILA

Mataas man ang sikat ng araw, iba pa rin sa pakiramdam ang masilayan ang hatid nitong liwanag. Ang init na humahaplos sa balat, binabalanse ng hanging nagpapasayaw sa mga dahon ng bawat puno. Katulad ng isang normal na araw, nagmamadali ang mga tao. Mabilis lumakad 'yung iba, siguro kasi nahuhuli na sa oras ng trabaho; ang mga bata ay naglalaro, iba'y piko, habulan, o kaya'y tumbang preso; at ang mga matatanda ay kumpulang nag-uusap sa tapat ng isang bahay, ang iba'y may dala pang walis tingting na dapat sana'y maglilinis pero nakalimutan na. Kahit hindi espesyal ang okasyon, ninamnam ni Carla ang bawat sandali, paalala na siya'y buhay.

Ang mahawakan ang maninipis, makakapal, bago man o lumang mga libro ang pinakapaborito niyang bagay sa lahat. Hindi lilipas ang isang araw na hindi siya magbabasa. Ngunit sa inaakalang normal na araw, sa kalagitnaan ng pagtingin sa silid-aklatan, biglang huminto at unti-unting bumagsak ang katawan ni Carla. Pipilitin niyang bumangon. Ngunit nang mahagip ng kaniyang nanlalabong paningin ang itsura ng kaniyang mga braso, nagsimula ang panginginig ng dalaga. Ang dati'y makinis at malinis na braso, napuno ng mga halos mangitim na mga pasa at namumuong dugo ng mga sugat.

Nang iangat ng dalaga ang tingin, hindi na ang bumbilya sa silid-aklatan ang nagsisilbing liwanag sa silid. Ang patay-sinding mapupunding bumbilya at ang paglapit ng isang matandang lalaki na may dalang bote ng alak ang bumungad sa kaniya.

"Hindi ka talaga titigil?! Puro ka iyak. Ang ingay-ingay mo!"

Aambahan mang hampasin ng bote ng alak, nanatiling nakaupo sa sahig ang umiiyak na dalaga, hinihintay ang gagawin sa kaniya. Pinikit niya ang mga mata, ngunit makalipas ang ilang segundo, wala pa ring tumatama sa kanya. Nang dumilat, wala na sa harapan ang kaniyang ama. Si Carla ay nagpunta sa labas ng bahay, nagmamadaling lumapit sa mga nakatayong kapitbahay, umiiyak at nagsusumamo na tulungan siya.

Sa bawat taong lalapitan at kakausapin, walang nakikinig. Nasa harap man siya ng mga ito, humihingi ng tulong, hinahawakan ang kanilang mga braso at halos lumuhod na, nanatili ang mga ito sa kanilang ginagawa. Iwinagayway niya ang kamay sa mukha ng mga ito, ngunit tila bulag ang mga ito, walang nakikita. Hindi siya nakikita.

"Tahan na."

Sa isang maliit na silid, pigil ang pagtulo ng luha sa mga mata ng matandang babaeng nakaupo sa tabi ng kama ni Carla.

Kabaligtaran sa panaginip na isinasalaysay, siya ang nawalan ng kakayahang makita – siya ang nabulag. Hirap man sa pagkilos, kinapa ni Carla ang mga kamay ng ina, papunta sa mga braso nito, hanggang sa marating ang mukha nito. Inilapit ni Carla ang kaniyang sarili sa ina upang mayakap ang ulo nito.

"Mahal kita, mama. 'Wag ka nang aalis ha."

Siya ang naiwan ng ina sa poder ng marahas at mapang-abusong ama. Siya ay isang anak na biktima ng karahasan at kakulangan sa pagmamahal ng magulang. Siya ay isang kabataang pinagkaitan ng pagkakataong masilayan ang sinag ng araw at magandang kalangitan, mapanood ang maingay at abalang komunidad sa labas ng bahay, at magbasa ng paborito niyang mga libro. Ang dalagang naiwan, nakulangan, at nawalan – si Carla. 

Bulag Sila (Katha Series, 4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon