Noong nagpaulan ng katangahan ang Diyos, naligo ata ako at tinamasa ang negatibong biyaya na ngayon ay alam kong habang buhay ko ng papasanin at isusumbat sa aking sarili. Maaari ko rin namang sabihin na ako'y tao lamang, nagkakamali, natutukso. Nagpakasasa ako sa lahat ng bagay na noo'y inakala ko ay makapag-bibigay sa akin ng isang bagay na hangad ng bawat binata't dalaga: kalayaan.
Iba ako kung magmahal. Ipinangako ko sa aking sarili na hindi ko ibibigay ang lahat maliban na lamang kung nahanap ko na ang karapat-dapat para sa pagmamahal at pagkalinga ko. Pero ang hindi ko kaagad naisip, ay ang kung papaano ko nga ba malalaman ang tama at ang mali?
Masaya naman ako sa akin pag-aaral. Mayroon din naman akong mga mapagkakatiwalaan at mababait na kaibigan. Pero sa loob-loob ko, "mayroon pang kulang." Hinanap ko ang kulang sa katauhan ng alak, nagbabakasakaling ako'y uhaw lamang sa karanasan at nais lamang na may mapatunayan. Ngayon, ako nama'y namangha sa bagong bida: ang hithit-buga. Nadiskubre ko pa na masarap pala ang kombinasyon ng yosi at ginebra. May napatunayan na naman ako. At dahil hindi pa ako nakuntento, itinaas ko ang aking lebel at nagpabihag sa katrayduran ng tawag ng laman.
Walang takot kong sinuong ang sangkatauhan, binalewala ang kadiliman at nagpatianod na lamang sa di-maipaliwanag na sarap na dulot ng aking pag urong-sulong hanggang sa maabot ko ang rurok ng kaligayahan.
Heto ako ngayon, pinakikinggan ang unang tibok ng sanggol na nasa sinapupunan ko - ang bunga ng isang pagkakamali na may panghabambuhay na kirot.
